mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Ryan

  • Ryan Wright
  • Ryan Wright
  • Ryan Wright

Tungkol sa Akin

Ako’y 37 anyos. Pakiramdam ko mas bata ako - ganoon naman ang lahat. Ngunit inaasahan kong magbabago iyan sa pagsilang ng ika-4 naming anak sa susunod na buwan. Nang magpakasal kami ng asawa ko gusto naming magkaroon ng 6 na anak. Hanggang sa magkaroon kami ng isang anak. Pero masaya pa rin kami - kahit HULI na ang pang-4 - ganyan din ang sabi ko noon sa pangatlo. Sa industriya ng musika ang trabaho ko. Akala ng mga anak ko maghapon akong nakikinig ng musika - hindi naman. Hindi ko pa rin alam ang gagawin ko paglaki ko. Ang trabaho sa musika ay masyadong masaya para maging tunay na trabaho. Iniisip ng asawa ko na ikinakaila ko lang at kailangan kong tanggapin ito. Kadalasan tama siya. Noong 19 anyos ako tumigil ako sa kolehiyo para maging LDS missionary sa loob ng 2 taon sa Seoul, Korea - doon ako nagsimulang mag-isip tungkol sa ibang tao bukod sa sarili ko. Iisipin siguro ninyo na natutuhan ko na iyon dahil lumaki akong kasama ang 6 na mga kapatid ko – pero matigas ang ulo ko noon. Hindi ako magiging ganito ngayon kung hindi dahil sa 2 taon na iyon at naging tapat sa isang bagay na higit pa kaysa sa sarili ko. Mula nang makauwi ako 16 na taon na ang nakararaan, hindi lumilipas ang maghapon nang hindi ko naiisip ang panahon noong missionary pa ako.

Bakit Mormon Ako

Ginagamit naming mag-asawa ang salitang “nasa zone” para ilarawan ang damdamin namin kapag ayos ang lahat sa amin. Kapag hindi ako masyadong makasarili, mas matulungin, at hindi gaanong mapamintas. Kapag mas nakikinig ako at hindi gaanong nagsasalita. Kapag malambot ang puso ko at panatag ang isipan ko. Kapag nakikipaglaro ako sa mga anak ko. Kapag mas tapat ako, kapwa sa sarili ko at sa ibang tao. Kapag maganda ang pananaw ko at sabik ako tungkol sa aming hinaharap. Kapag hindi ko masyadong kailangan ang mga bagay at mas kailangan ko ang mga tao. Kapag hindi ako mapagmataas at mas bukas ang isipan. Mas gusto ako ng pamilya ko kapag “nasa zone” ako. Ang mga kaibigan ko, kasamahan ko sa trabaho – kahit ako, mas gusto ko ang sarili ko at maniwala ka, ikaw rin – hindi kasi maganda ang kabaligtaran. Mormon ako dahil gusto kong mas bumuti pa ako. At hindi ko ito magagawang mag-isa. Kumplikado ang buhay – at sa pagtanda ko lalo kong natatanto na lalong nagiging kumplikado ito. At ang mga sagot ay hindi matatagpuan sa mga libro o mga laro o sa pagdidiyeta. Natagpuan ko lamang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo. Dahil kilala ako ni Cristo: ang lahat ng tungkol sa akin. At dahil naniniwala Siya sa akin. Iyan ang nagbibigay sa akin ng pag-asa. Kahit gaano pa kahirap o kahit ilang beses akong mabigo, ituturo Niya kung paano ako gagaling, at unti-unti, kung paano ako magiging napakabuti. Tulad ng nadarama ko sa sarili kong anak. Ang panganay ko ay halos sampung taong gulang na. At nahihirapan siya. Madali siyang masiraan ng loob. Nakikita kong nagsisikap siya, pero kung minsan hindi niya kaya. Masakit sa akin ang makita siyang nasasaktan at nalulungkot. Gagawin ko ang LAHAT para sa kanya – para bumuti ang pakiramdam niya, at tulungang bumuti ang pakiramdam niya sa kanyang sarili para kung wala ako ay maging AYOS siya. Tulad ng ginagawa para sa akin ni Cristo. Ang relihiyon ay hindi pag-aaral ng teolohiya – ito ay uri ng pamumuhay. Para sa akin, ang pagiging Mormon ay paghahanap ng totoong paraan, sa pamamagitan ni Cristo, na maging mas mabuting tao, magkaroon ng kapayapaan, at tulungan ang aking pamilya. Napakapersonal nito at bahagi ito ng buhay ko sa araw-araw. Dahil MARAMI ang oras na kailangan, hindi lang araw ng Linggo, sa pagiging mas mabuting Ryan. Marami pa akong dapat gawin. Hindi pa ako ganoon kabuti, lalo na kung iisipin ang lahat ng ipinagagawa sa akin. Pero nagsisikap ako. At ganyan ang pagiging Mormon – ang patuloy na sikaping maging mas mabuti sa pamamagitan ni Cristo.

Personal na mga Kuwento

Ano ang pag-asa at ano ang inaasam mo?

Nang malapit na akong magtapos sa kolehiyo, naaalala ko na isang gabi ay balisang-balisa ako. Patapos na ako sa semestreng iyon, may seryosong kadeyt pero hindi pa rin ako kumbinsido na “siya na nga ang babaeng pakakasalan ko.” Nag-aaral ako noon para sa entrance exam sa abugasiya, pero sa simula ng buwang iyon may natanggap akong alok na magtrabaho sa Korea at inasahang tatanggapin o tatanggihan ko ang alok kinabukasan. Kaya matapos ang matagal na pakikipag-usap sa aking ama sa telepono tungkol sa ‘ibubunga’ ng pag-alis sa law school para lumipat sa kabilang panig ng mundo, umalis ako at naglakad-lakad sa kampus. At nang gabing iyon, mag-isa akong naglakad-lakad, na para bang mga sangang-daan ko ito, at ang dami kong iniisip. Paano kung mali ang desisyon ko? Paano kung siya na nga ang babaeng pakakasalan ko? Ito ba ang tamang landas para sa aking propesyon? Naaalala ko pa rin ang pangambang nadama ko noon. At taimtim akong nanalangin sa Ama sa Langit, humingi ng patnubay, at wala akong natanggap na sagot. Hindi nawala ang bumabagabag sa isipan ko. Sa halip, ang nadama ko lang ay, Ryan, sumunod ka lang at magtiwala sa akin at ako ang bahala sa iyo. Iyon na ang sagot, hindi malinaw kung ano ang pipiliin ko. Kapanatagan lang ang nadama ko na di ako dapat matakot. Kinabukasan, kahit wala pang katiyakan, pero may nadarama nang pag-asa sa halip na takot, tinanggap ko ang alok na trabaho at makalipas ang 3 buwan ay lumipat ako sa Seoul, Korea. Pagkaraan ng 4 na buwan, doon sa Seoul, nakilala ko ang mapapangasawa ko sa unang pagkakataon, 6,000 milya ang layo ng pagitan ng aming mga tahanan. Nauna siya sa akin nang isang linggo, nagmula siya sa Canada para magturo ng English sa Korea. Makalipas ang 6 na taon mula nang ikasal kami, isinama ko sa unang pagkakataon si Erin at ang 2 pa lang naming anak noon para puntahan ang dati kong paaralan. Habang naglalakad-lakad kami, karga ko sa balikat ang aming 2 taong gulang na anak na babae at nagtatakbo sa paligid namin ang aming 4 na taong gulang na anak na lalaki. Napakaganda ng panahon. At minasdan ko ang maganda at magiting at kahanga-hanga kong asawa, at sa sandaling iyon ay biglang tumigil ang lahat. At sa wakas naunawaan ko ang sagot sa dasal ko maraming taon na ang nakalilipas sa lugar ding iyon - “Ito ang ipinlano ko para sa iyo … sulit ang lahat ng ito.” Handa akong ibigay ang lahat para lamang balikan ang binatang iyon nang gabing iyon, na nag-iisip, takot, naghahanap ng mga kasagutan, at ipasusulyap ko sa kanya ang lahat ng naghihintay para sa kanya, lahat ng dapat niyang asamin sa hinaharap. Tinuruan ako ng ebanghelyo ni Jesucristo na magtiwala sa aking Ama sa Langit at magkaroon ng pag-asa.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ipinamumuhay ko ang bawat detalye ng relihiyon ko. Sa katunayan, nagugulat ang ilang kasama ko sa trabaho kapag nalalaman nilang Mormon ako. Oo, NAKIKINIG NG MUSIKA ang mga Mormon! Ipinapakita ko kung ano ang aking relihiyon. Hindi ko ito itinatago. Nagdarasal ako lagi - at hindi kapag may kailangan lang ako. Walang saysay ang pagiging Mormon kung wala akong kaugnayan sa aking Ama sa Langit. Iyan ang sentro ng aking Pananampalataya, at para sa akin pakikipag-usap sa kanya ang pinakamainam na paraan. Sa tag-init na ito may bago akong sinusubukan: sa pagdarasal ko bago matulog, nakatuon lang ako sa mga bagay na ipinagpapasalamat ko - wala akong anumang hinihiling. Tinutulungan ako nitong matukoy ang mga pagpapalang natanggap ko sa maghapon at ang lahat ng ibinigay sa akin. At sa umaga at sa buong maghapon ako humihiling. Gusto ko naman ito. Ang iba pang mahalagang ginagawa ko ay pag-uukol ng oras sa pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. May kapangyarihan at di maipaliwanag na bagay sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon at ng Biblia na kaagad may epekto sa mood ko - na tumutulong sa mahihirap na panahon at inilalagay sa tamang ayos ang mga bagay-bagay. Iyon ang pundasyon ng pamumuhay ko ng aking relihiyon: mga banal na kasulatan at panalangin. Inilalagay ako nito “sa ayos” at doon nagsisimula ang lahat.