mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Rose Yvette

  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette
  • Rose Yvette

Tungkol sa Akin

Artist ang propesyon ko, ako’y painter at printmaker at nagtatrabaho ako sa aking home studio sa Virginia at tao ang karaniwang ipinipinta ko. Nagtapos ako noong 1990 sa Fine Arts Studio and Art History. Nagtuturo din ako ng art mula sa aking studio. Ngunit una sa lahat, ako’y isang asawa at ina ng 4 na kahanga-hangang mga bata na edad 9 hanggang 19. Ang pagbalanse sa pamilya at pagkamalikhain ko ay patuloy na gawain at dito ako laging humihingi ng patnubay sa Panginoon para maayos ko ang abalang pamumuhay, upang manatiling malapit sa kung anong pinakamahalaga, ang pisikal at emosyonal na kapakanan ng aking pamilya. Kahit gaano pa ang maging tagumpay ko sa trabaho, ang pinakamalaking pagpapala sa akin ay mula sa mahalagang ugnayan ng aking pamilya. Ang pagiging ina ang pinakamahirap na ginawa ko, ngunit nagdulot ito ng napakaraming pagpapala at napapasigla ako nito. Ito rin ang nagbibigay sa akin ng kabuluhan bilang artist na hindi ko kailanman inasahan dahil ngayon ang ipinipinta ko ay ang karanasan ko bilang babae, at ina.

Bakit Mormon Ako

Sumapi ako sa Simbahan noong ako’y 19 anyos matapos malaman ang tungkol sa Simbahan dahil ang pamilya ng aking kapitbahay at best friend na kasabay ko sa paglaki ay Mormon. Mula sa edad na 5, madalas ako sa kanilang tahanan at palaging nadarama ang espesyal na diwa doon. Nadama ko rin ang interaksyon sa kanilang pamilya at dumalo sa ilang aktibidad ng simbahan at maraming nakilalang miyembro ng Simbahan at palagi kong nadarama noon ang diwang iyon. May nababanaag sa kanila at iyon ang bagay na gusto ko. Gusto ko ang sikretong iyon sa kaligayahan. Ngunit dahil bata pa, hindi ko gaanong inisip ang lahat ng ito. Pagtuntong ko ng 18 anyos, sa pagitan ng aking pagiging freshman at sophomore sa kolehiyo ay doon biglang naging mas mahalaga sa akin ang mga ito. Dahil hindi nasiyahan sa kababawan ng mundo na puno ng iba’t ibang ideya at mithiin habang isang taon na akong nag-aaral sa kolehiyo, nadama ko na ang buhay ay higit pa sa araw-araw na pamumuhay. Nalaman kong kailangan kong mahanap ang Diyos. Gusto kong malaman kung alin ang tunay na Simbahan. Bunga nito, sinaliksik ko ang maraming relihiyon, nang hindi naging aktibo sa relihiyong kinagisnan ko. Noon pinapunta ng best friend ko ang mga missionary sa amin. Baka ikinainis ko ito kung pumunta sila sa akin noong mas bata pa ako, pero nasa punto na ako noon ng buhay ko na masigasig na akong naghahanap ng mga sagot. Gusto kong malaman ito mismo sa sarili ko. Tumimo sa puso ko ang mensahe ng mga missionary tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, na para bang alam ko na ito noon, ngunit kailangan ko itong marinig. Pamilyar sa akin ang lahat ng ito. Alam kong gusto ko ang mga bagay na totoo, hindi ang panandaliang kaligayahan ng mundo. Tunay na kaligayahan ang gusto ko. Dama kong totoo na may plano ng kaligayahan ang Diyos para sa akin. Ang malaman na ang Ama sa Langit ay mapagmahal na Ama at na ako ay Kanyang anak, na ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para magbayad-sala at mabuhay muli para sa atin dahil mahal Niya tayo, para sa akin, ito ay tulad ng mamahaling ginto at bigla itong nagkaroon ng kabuluhan sa aking buhay. Halos wala akong alam tungkol sa Diyos at kay Jesucristo habang lumalaki ako, hindi ko sila kilala, wala akong masyadong alam sa mga panuntunan o sa relihiyon ko noong bata pa ako, pero ang biglang malaman kung sino ang Diyos at ang Kanyang Anak at malaman kung sino ako ay parang switch ng ilaw na nabuksan. Ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligayahan ng mapagmahal na Ama sa Langit ay parang napakatamis na prutas na noon ko lang natikman. May layunin ako, may direksyon ang buhay at ang mga ugnayan at pamilya ay may kahulugan. Gusto kong madama ang pagmamahal na iyon sa aking pamilya. Naging makabuluhan din ang malaman na si Joseph Smith ang instrumentong nagpanimula sa panunumbalik ng Simbahan ng Panginoon. Siya ang unang propeta ng dispensasyong ito sa mga huling araw at ang kapangyarihan ng priesthood at lahat ng susi nito ay kinailangang ipanumbalik ni Jesucristo sa pamamagitan niya. Ang katotohanang si Jesucristo, hindi si Joseph Smith ang namumuno sa Simbahang ito, ay dama kong totoo. Hinahanap Siya at ang Kanyang Espiritu ng Kanyang mga apostol at propeta para sa patnubay. Ang Simbahang ito ay hindi gawa ng tao. Bukod dito, nagdulot din ng malaking kaibhan ang natutuhan ko mula sa mga missionary na maaari akong magtanong sa Diyos kung ang lahat ng bagay na ito ay totoo at na matatanggap ko ang sagot na iyan para sa aking sarili. Ito rin ay dama kong totoo at ito ang katangian ng totoong Simbahan. Hindi ko kailangang paniwalaan ang sinabi nila tungkol dito. Maaari akong magtanong sa Diyos matapos ang maraming pag-aaral at pagsasaliksik at panalangin. At nadama ko rin ang damdaming iyon habang natututo ako mula sa mga missionary, ang nadama ko noon sa pamilya ng best friend ko, ang espesyal na diwang iyon. Nadama ko ang pag-aalab sa aking dibdib at nalaman kong totoo ang lahat ng bagay. At natanggap ko ang sagot na talagang totoo ang mga ito. Makalipas ang 23 taon matapos akong mabinyagan bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang hinaharap lamang ang tinitingnan ko. Hindi ko lubusang mababanggit ang lahat ng pagpapala sa buhay ko. Nabiyayaan akong mabuti ng ebanghelyo kung saan nakikilala ko ang impluwensya ng Diyos sa buhay ko habang hinahanap Siya sa panalangin at sa pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. Ikinasal kaming mag-asawa sa Washington DC Temple at 20 taon na kaming kasal. Ang pagkakaroon ng ebanghelyo sa aking buhay na nakatulong sa akin sa pagpapalaki ng 4 kong anak ay napakalaking pagpapala dahil alam kong hindi nilayon na mag-isa nating gawin ang mga bagay-bagay. Maaari nating hingin ang patnubay ng Diyos at sundan ang perpektong landas na tinahak ni Jesucristo. Kung araw-araw tayong nagkakamali, palagi tayong taos-pusong makapagsisisi upang manatiling malapit sa Kanya. Ang makitang umuusbong ang kaalamang iyan sa mga anak ko, na lumalaki din ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas at sa kabuuan ng Ebanghelyo, ay napakalaking kagalakan dahil alam kong magiging pundasyon ito sa kanilang buhay, na kahit gaano kalakas ang unos na darating sa buhay nila, alam nila kung kanino sila hihingi ng tulong upang makayanan ang mga problema. Kapag naiisip ko ang buhay ko noong tinedyer ako na walang kaalaman sa kabuuan ng Ebanghelyo na patuloy na nagnanais na matamo ang kaalamang iyon, at kung ikukumpara ito sa buhay ng aking mga tinedyer na mas matalinong pumipili sa kanilang buhay, at lubusang sumusunod sa mga turo ng Ebanghelyo, at nakakamit ang lahat ng pagpapala, nakikita ko ang patunay na totoo ang Ebanghelyo. Nakikita ko na marami silang alam, marunong silang makibagay at may kakayahan at maliligaya sila at ito ay direktang bunga ng pamumuhay ng Ebanghelyo. Mas nakatuon ang pansin nila sa kung ano ang mahalaga sa buhay. Nakikita ko rin na nagkakaroon sila ng mabait at mapagkalingang mga puso na palaging may pagkakataong isantabi ang sarili at tulungan ang iba. Nagkakaroon sila ng integridad at kabanalan at ipinagmamalaki ko sila. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Nagpapasalamat ako sa kaalaman na ipinanumbalik ang priesthood at nakabukas ang mga dungawan ng langit. Marami akong nakitang himala sa buhay ko, maliliit at malalaki, na kadalasan ay pagpapatotoo ng espiritu na ang lahat ng ito ay totoo. Nakita ko rin ang maraming himala sa organisasyon ng Simbahan dahil sa maraming tungkulin na nagampanan ko at mga nasaksihan ko. Nakikita kong minamahal at pinangangalagaan ng mga lider ang mga miyembro at tinutulungan sila ng Panginoon habang humihingi sila ng patnubay kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Palagi ko silang nakikitang naglilingkod na iniisip na, “Panginoon ano po ang nais Ninyong gawin ko, huwag ang aking kalooban kundi ang Inyong kalooban ang masunod?” Nakita ko ang pangkaraniwan at tahimik na mga tao na gumagawa ng kahanga-hangang bagay. Nakikita ko rin na ang Simbahan ay totoo dahil sa dalisay na pag-ibig ni Cristo at sa kabaitang nadarama ko hindi lang sa Simbahan, sa magandang samahan sa aking kongregasyon, kahit saanman kami nakatira. Nadarama naming ito ang totoong Simbahan ng Panginoon dahil itinatag Niya ito kung saan ang bawat miyembro ay may pagkakataong tumulong at pangalagaan ang isa’t isa, kung saan maraming kabutihang hindi nakikita ang nangyayari sa bawat araw, kung saan may nakalaang tulong kapag kailangan at lahat ay natutulungan. Ang buhay ng mga pamilya ng aming kongregasyon ay magkakaugnay, natututo kami mula sa isa’t isa, nagtutulungan kami, sama-sama naming pinalalaki ang aming mga anak, nagtatawanan at nag-iiyakan, pinagpapala namin ang bawat isa. Ito rin ay mga ugnayan na panghabang-buhay at makabuluhan at ganyan ang layunin ng Sion. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong organisasyon ng Panginoon. Mormon ako dahil sa bawat himaymay ng aking pagkatao alam kong totoo ang ebanghelyo at nilayon ito para akayin tayo tungo sa tunay na kaligayahan: upang maging makabuluhan ang buhay dito sa mundo, maging makahulugan at makabuluhan ang mga ugnayan sa mundong ito at madama natin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa mga samahang iyon at mapag-ibayo at maisagawa ang pinakamahalagang katangiang ito sa paglilingkod sa isa’t isa at sa iba. Dapat nating tulungan ang isa’t isa na makapunta sa langit sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsasama sa ating mga pamilya. Alam kong totoong may Diyos, na sinasagot Niya ang mga panalangin, ang aking panalangin at na ang perpektong huwaran sa kaligayahan ay ang sundin ang huwaran ng Panginoon, maging si Jesucristo, sa kabaitan at sa gawa at ito ang aking patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas ng Daigdig, amen.

Personal na mga Kuwento

Ano ang ginagawa mo para mapatatag ang iyong pamilya at maging matagumpay ito?

Sa kabila ng tukso na ibuhos ang sarili ko sa sining, nagdesisyon kaming mag-asawa na lumagi na lang ako sa tahanan. Natitiyak kong nalungkot sa desisyong ito ang ilan sa mga propesor ko na umasang magiging matagumpay ako pagkatapos kong mag-aral. Gayunman, ginawa namin ang desisyong ito dahil kaya naming abutin ang mithiing ito, at hindi namin huhusgahan ang kahit sinong ina na nagtatrabaho, o ang mga single na ina na kailangang magtrabaho sa labas ng tahanan. Angkop ang desisyong ito sa kalagayan ng aming pamilya. Pinili kong isantabi ang sining hanggang sa lumaki na sila, o kaya’y kaunti lang ang ginawa ko, lalo na’t napakabata pa nila noon. Pagkatapos ng 19 na taong pagpapalaki ng mga anak, nagpapasalamat ako sa desisyong iyon, hindi lamang dahil sa naroon ako palagi, sa mabuti at masama, sa ginhawa at hirap, dahil kapag lumipas na ang mga panahong iyon, hindi na ito maibabalik pa. At mabilis na lumipas ang 19 na taong iyon. Hindi ko kailanman pagsisisihan ang paglagi sa tahanan kasama ng mga anak ko. Hindi ko nadamang napilitan akong gawin ito. Ito ang desisyon ko noon. Bagama’t hindi magugustuhan ng mundo ang desisyong iyon, at hindi ito gaanong igagalang, parang hindi ito akma kung iisipin na ang pagiging ina ay hindi naman tungkol sa “akin.” Tungkol ito sa “kanila” at sa pangangalaga sa puso at isipan ng mga bata upang matuto sila na umasa sa sarili, matutong makibagay, magkaroon ng kakayahan at malasakit sa tao, magkaroon ng integridad at mabuting pag-uugali, at higit sa lahat, mga batang dama palagi na sila ay minamahal, tiwala sa kaalaman kung sino sila, mga anak ng Diyos, na may alam tungkol sa kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Lalo na ngayon na 3 sa 4 na anak ko ay tinedyer na, nakikita ko kung paano nakabuti sa amin ang desisyon kong lumagi sa tahanan. Malapit kami sa isa’t isa at matatag ang samahan namin at nakita ko na kung ano ang magiging uri ng kanilang pagkatao. Hindi lamang sila mabubuting bata na may mataas na pamantayan at gumagawa ng kanilang responsibilidad, nahuhusto na rin ang kanilang edad para maging mabubuti kong kaibigan. Sa huli, ang kabuuan ng Ebanghelyo ay nilayon upang tulungan ang mga pamilya na magkaroon ng matitibay na ugnayan, kung saan walang hangganan ang pagmamahal, kahit sa mahihirap na sandali, pinapayuhan tayong sama-samang manalangin, ipanalangin ang bawat isa, tulungan at paglingkuran ang isa’t isa at magmahal nang walang-maliw. At hindi gaya ng iba pang mga kalagayan, karapatan ng mga magulang na tumanggap ng sagot sa mga panalangin tungkol sa sagradong tungkuling ipinagkatiwala sa atin hinggil sa ating mga anak. Pinapayuhan tayong isama ang ating Ama sa Langit sa pagpapalaki ng ating mga anak, na malaking kapanatagan. Bilang magulang, nakatanggap ako ng napakaraming sagot tungkol sa mga anak ko at sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan, at nalalaman pa kapag nasa espirituwal na panganib ang isang anak. Nagpapasalamat ako sa kapangyarihan ng panalangin. Ibig sabihin totoong may Diyos at ang kabuuan ng Ebanghelyo sa mga huling araw ay totoo. Nakikita ko ang kanyang impluwensya sa bawat araw, sa maliliit na detalye ng aking buhay, maaari akong sumangguni sa aking Ama sa Langit kung paano ko pinakamainam na magagamit ang panahon ko at mapaglingkurang mabuti ang aking pamilya. Tinutulungan din ako ng panalangin na paglabanan ang malulungkot na sandali dahil ang buhay-pamilya ay palaging may kaakibat na kabiguan at kahirapan, at minsan tagisan ng mga kaisipan. Ang pagbabatay ng aking paraan bilang magulang sa pagmamahal ni Jesucristo ay palaging tumutulong sa akin na maalala na ang mga anak ko ay mga anak ng Diyos. Ang pagninilay at pagdarasal sa sandali ng kabiguan ay nakatutulong upang luminaw ang aking isipan, at ang pagsasabing, “ano ang gagawin dito ng Tagapagligtas?” o “bigyan po ninyo ako ng lakas” ay nakapipigil sa aking galit at nakakatulong para malutas ang mga situwasyong iyon sa mas rasyonal na paraan nang hindi napapahiya ang lahat. Sa huli, ang pagsasabuhay ng alituntunin ng panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan, paghingi ng tulong ng Langit sa araw-araw na gawain sa pagdarasal ng pamilya at ng bawat isa, masayang pagsasama-sama, na kadalasang nauuwi sa mga di inaasahang sandali, ay mga paraan na nilayon ng Ama sa Langit para mapatatag ang mga pamilya.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Sa ngayon Nursery Leader ako ng mga batang edad 18 buwan hanggang 3 taong gulang at naglilingkod din sa planning committee para sa taunang Youth Conference na maraming taon ko nang ginagawa. Sa nakalipas na mga taon naglingkod ako bilang lider sa organisasyon ng kabataan sa Simbahan gayundin sa organisasyon ng kababaihan ng Simbahan at sa organisasyon para sa maliliit na bata. Ako rin ay naging organist, pianist at chorister sa aking ward at madalas kasali sa koro ng simbahan.