mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Rochelle

  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle
  • Rochelle

Tungkol sa Akin

Sa bahay lang ako kasama ang aming apat na mababait na anak! Dalawa ang anak kong babae at dalawa ang lalaki. Ang mga anak kong lalaki ay may mga kapansanan. Parang palagi akong abala. Ganito yata ang karaniwang buhay ng isang ina, at gustung-gusto ko ito! Lumaki ako sa Idaho at nag-aral ng kolehiyo sa Utah, kung saan ko nakilala ang aking asawa. Pagkatapos mag-aral, nagpakasal kami at lumipat sa UNC Chapel Hill para sa grad school. Tapos ay lumipat kami sa Iowa, kung saan ipinanganak ang panganay namin. Ipinanganak si Ethan na may cerebral palsy. Nalaman lang namin ito nang anim na buwan na siya at nalaman na naistrok siya habang nasa sinapupunan pa lang siya. Nagdulot ito ng maraming problema, kabilang na ang kapansanan sa isip at seizures. Sa kabila nang lahat ng ito, nagpapasalamat kami sa aming pananampalataya sa Diyos, na talagang nakatulong sa amin sa pagharap sa anumang hamon sa buhay. Ngayon ay 13 taon na kaming nakatira sa Texas at gustung-gusto namin dito! Dito ipinanganak ang dalawa naming anak na babae, at noong 2006 ay inampon namin si Derick. Mayroon siyang Down syndrome; hindi siya nakakapagsalita at tinuturuan sa ngayon na gumamit ng banyo, kaya medyo magulo ang bahay namin. Magkaedad ang mga batang lalaki at tinuturuan ng “mga dapat gawin sa buhay” ng mahuhusay na guro. Gustung-gusto ko ang nagbabasa kapag may libreng oras ako. Ang isa pang gusto ko sa buhay ko ay ang maglakbay. Kapag may pasok, nagbo-volunteer ako sa eskuwelahan ng mga bata. Ako ang room mom sa mga klase ng mga anak kong babae. Sa nakaraang ilang taon, family history ang bagong pinagkakaabalahan ko. Volunteer din ako sa isang ospital para sa mga bata sa aming lugar. Gusto kong maayos ang bahay ko, manahi, at alagaan ang aking hardin. Pinagkakaabalahan ko ang mga tanim kong rosas!

Bakit Mormon Ako

Kabilang ang pamilya ko sa unang tinawag na “mga Mormon,” pero hindi iyan ang dahilan kung bakit ako naging Mormon. Ang pananampalataya ko kay Jesucristo ang dahilan. Bagama’t isinilang ako sa butihing mga magulang na mga miyembro ng Simbahan, kinailangan ko pa ring magdesisyon para sa sarili ko kung naniniwala nga ba ako sa kanilang itinuturo. May mga ninuno ako na panig na sa Simbahan bago pa man ito maitatag. Isinangla ng isa ang kanyang sakahan para mailimbag ang Aklat ni Mormon. Ngunit, kahit na lumaki ang tatay ko sa bantog na pamilyang Mormon na ito, hindi sila talaga nagsisimba noon. Sa edad na 19, kinailangan niyang manalangin para malaman kung ano ang totoo. Una ay itinanong lamang niya kung totoo ngang may Diyos. Pagkatapos, itinanong niya kung ito nga ang Kanyang Simbahan. Natutuwa ako na ginawa niya iyon, dahil tinapos nito ang dating pamumuhay at binigyan ang aming pamilya ng bagong simula. Kahit matagal nang Mormon ang kanyang pamilya, ang mga ninuno sa loob ng maraming henerasyon ay lulong pa rin sa alak, hanggang sa puntong nasira ang buhay ng maraming kalalakihan at mga pamilya. Kaya’t sa maraming paraan, parang tinuruan ng tatay ko ang kanyang sarili na maging isang ama. Bilang panganay na anak, malinaw na ito, para sa akin, ang sanhi ng ilang paghihirap! Ngunit sa kabila niyon, sinikap talaga ng mga magulang ko na turuan kami kung paano kami magkakaroon ng sariling kaalaman, pananampalataya, at patotoo kay Jesucristo. Bata pa kami ay hinikayat na nila kaming basahin ang mga banal na kasulatan at manalangin at humingi ng mga sagot. Binasa ko ang Aklat ni Mormon sa kauna-unahang pagkakataon noong ako’y nasa ikawalong grado na. Nang matapos ko itong basahin, hindi ko talaga alam kung ano ang dapat kong madama. Parang naghihintay ako ng sagot sa kamangha-manghang paraan. Pero sinikap kong gawin ang tama, at nang sumunod na ilang taon, sa pamamagitan ng mga programa ng Simbahan, nadama ko ang Espiritu Santo sa maraming pagkakataon. Minsan, itinanong ko sa sarili ko, “Saan ka nagiging napakasaya?” Alam ko na napakasaya ko kapag sinusunod ko ang Diyos. Nang nasa kolehiyo na ako, nagkaroon ako ng matibay na pananampalataya sa ebanghelyo ni Cristo. Tinitingnan ako ng ilang tao at sinasabing, “Ang pamilya ng tatay at nanay mo ay Mormon na (noon pa man). Siyempre, Mormon ka rin!” Pero bawat tao ay kailangang magpasiya kung ano ang gusto nilang paniwalaan. Minasdan ko ang mga ninuno ko at nag-isip kung bakit nakahanda ang isa na mawala sa kanya ang lahat para lamang mailathala ang isang kontrobersiyal na aklat? Bakit iiwan ng isa pa ang kanyang komportableng tahanan sa kalagitnaan ng taglamig habang nakatutok sa kanya ang baril? Bakit hindi na lamang talikuran ang bagong relihiyong ito at balikan ang komportableng buhay noon? Nalaman ko sa sarili ko na ang nagtulak sa mga taong ito ay ang masidhing paniniwala at pananampalataya na hindi nila maikakaila. Ganyan rin ako ngayon. Hindi ito ibinigay sa akin ng mga magulang at ninuno ko. Itinuro lamang nila ito sa akin, at kailangan kong pagsikapang matamo ito. Ngunit ito’y malakas at hindi maikakaila. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo at nagpapatotoo ito kay Jesucristo. Alam ko na ito ang Kanyang Simbahan. Ang pananampalatayang ito ang pumapayapa sa akin at batayan sa lahat ng desisyon ko sa buhay at nagbibigay sa akin ng kaligayahan at galak na hindi mailarawan.

Personal na mga Kuwento

Paano ka natulungan ng Espiritu Santo?

Lahat ng malalaking desisyon sa buhay ko ay ginawa ko matapos dinggin at sundin ang Espiritu Santo. Ang Kanyang paggabay ay maaaring iba-iba sa bawat tao. At kahit sa sarili ko, iba-iba ito, minsan masaya lang ako sa desisyon ko, nakaririnig ng mga salita sa aking isipan, o magkaminsan, nag-uumapaw sa galak ang puso ko, na halos maiyak na ako. Alinman dito ang madama ko, tiwala ako sa dapat kong gawin. Isa sa mga pinakamalaking desisyong ginawa ko ay ang pag-ampon sa aming anak na lalaki. Sa totoo lang hindi ko ito sariling ideya, kundi isang bagay na ipinagawa sa akin ng Diyos sa simula pa lang (sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo). Isinilang ko ang tatlong anak ko sa pamamagitan ng cesarean (at minsan akong nakunan sa second trimester), kaya’t pinayuhan kami ng doktor ko na huwag nang dagdagan pa ang aming mga anak. Para sa akin, ayos lang naman ito. Ang panganay namin ay may mga kapansanan, at dagdag pa ang dalawang anak na babae, ang gulo talaga ng bahay namin! Mga isang taon na ang nakaraan nang maisilang ang aming bunso, nasa gym ako noon at pinanonood sa tv ang tungkol sa mga batang babae na nasa mga bahay-ampunan ng mga Intsik. Isang munting tinig ang narinig ko, “Magagawa mo ‘yan.” Parang mula ito sa kung saan. Pero alam kong iyon ang Espiritu Santo na nagsasabi sa aming mag-ampon kami. Lumipas ang isa’t kalahating taon. Papunta kami ng asawa ko noon sa kanyang mga magulang matapos ang isang linggo pagkakamping kasama ang aming pamilya. Habang nagkakasayahan kasama ang mga taong mahal namin, binanggit ng asawa ko ang tungkol sa pag-aampon, nalalaman na ang buhay ay tungkol naman talaga sa pamilya. Natanto ko na seryoso na ang bagay na ito. Ayos lang ang mangarap ng malaki, pero ang isakatuparan ang mga iyon ay medyo nakakatakot. TALAGANG nakakatakot! Nang makauwi kami sa Texas, sinimulan kong magdasal kung ano ang dapat naming gawin. Napakalinaw ng natanggap kong sagot na alam kong hindi na dapat mag-alangan pa sa gagawin namin. Napakaraming ideya na di-nagmula sa akin ang naisip ko. Para bang banal na kasulatan. Lumuluha akong tumayo sa pagkakaluhod. Mula sa sandaling iyon, nalaman naming mag-asawa na mag-aampon kami ng isang batang may kapansanan. Lalo na sana, isang batang may Down syndrome na kaedad ng anak naming lalaki. Dahil sa aming panganay, may ideya na kami sa gagawin namin. At napakarami ng mga batang may kapansanan na nahihirapan sa foster care system. Kailangan nila ng mapagmahal at permanenteng tahanan. Makaraan ang mga apat na araw, may nakita akong batang lalaki sa pamamagitan ng adoption link sa isang fast-food website. Mas bata siya nang isang buwan kaysa sa panganay naming anak at mayroon siyang Down syndrome. Ang unang pumasok sa isip ko’y, “Kaya kong mahalin ang batang ito.” Nang sandaling iyon ay nasa sala ang asawa ko, sumasayaw kasama ng mga bata. Parang nakikinita ko na kasama nila ang batang ito. Ipinakita ko sa asawa ko ang webpage at ganoon din ang pakiramdam niya. Tumagal nang mga walong buwan bago namin siya naiuwi sa aming tahanan. Maraming nakatutuwang nangyari na positibo at negatibo, at alam kong Diyos ang gumabay para maiuwi namin ang aming anak. Hindi siya nakakapagsalita at hindi naturuan kung paano gumamit ng banyo, kaya’t may mga araw na nahirapan kami. Dahil alam kong ito ang nais ng Diyos para sa aming pamilya, naging mas madali ang mahihirap na araw na iyon. Dahil dito ay tiwala at panatag ako na makakaya ko ito. Iyan ang ginagawa sa akin ng Espiritu Santo. Nawala ang takot ko noong una sa pag-aampong ito nang malaman ko na ito ang plano ng Diyos para sa akin. Sa pagsunod sa Espiritu Santo, nalaman ko na mas mainam ang plano ng Diyos kaysa anumang maaari kong planuhin para sa sarili ko. Nakikita ko na ang mga pagpapalang laan Niya para sa akin at sa aking pamilya. Ang mga ito ay aabot sa mga kawalang-hanggan!

Ano ang nakatulong para magkaroon ng higit na pagkakasundo sa iyong tahanan?

May apat kaming anak na magkakaiba talaga ang mga personalidad! Malapit nang maging tinedyer si Ethan at may kapansanan siya sa isip. Malaki na ang iniunlad niya, pero dahil sa mga natural hormone na lumalabas sa ganitong edad, kung minsan ay napakahirap kontrolin kapag bigla siyang sinusumpong. Karaniwang ganito ang inaasal niya sa bus o kapag nasa eskuwelahan na siya. Nakakapagod talaga, at kung minsan ay talagang nagwawala siya. Si Derick ay kaedad ni Ethan at mayroon din siya ng ilan sa mga problemang ito. Puwedeng magiliw siya ngayon at pagkatapos ay bigla na lang siyang iiyak at manghahampas. Ang mga batang may Down syndrome ay maaaring matigas din ang ulo. May mga araw na kailangan ang mahabang pasensya at lakas. Ang mga babae naman, ang isa ay parang ako. Tama nga ang sinabi ng nanay ko. Medyo mainitin ang ulo niya, pero nakatutuwa siya, masayahin, at napakasigla. Kabaligtaran naman ang kapatid niya. Masigla rin siya, pero mas mahinahon siya at mabait. Pero ngayong 10 taong gulang na siya, nagiging sumpungin na siya habang inaalam niya kung sino siya talaga. Sa halu-halong pagbabagong ito, talagang mahirap mapanatili ang katahimikan at pagkakasundo sa aming tahanan. Sa totoo lang, ito ang mithiin ko sa bawat araw. Hindi ko ito magagawa kung hindi iisa ang mithiin naming lahat at kung hindi dahil sa tulong ng Diyos. Tuwing umaga, nagdarasal ako na bigyan ako ng pasensya na harapin ang mga hamon. Hindi ko kasi alam kung mag-aaway ang mga anak kong babae o kung susumpungin naman ang mga anak kong lalaki pagpunta sa eskuwelahan. Hindi ko kayang kontrolin ang mga bagay na ito. Bilang isang taong gustong magkaroon ng kontrol sa mga bagay na ito, napakahirap nitong harapin, pero narito na ito! Gayunpaman, maaari naman akong manatiling mahinahon sa mahihirap na sandali. Palaging nagdarasal sa umaga ang mga anak kong babae bago pumasok sa eskuwela at palagay ko nakatulong iyan para maalala nila kung paano sila dapat kumilos sa bawat araw. Bilang pamilya, binabasa namin ang mga banal na kasulatan at sama-samang nagdarasal sa gabi. Talagang nakatulong sa aming pamilya ang palagiang paggawa nito. Kahit gabing-gabi na at inaantok na kaming lahat, ginagawa pa rin namin ito. May mga gabi na may tanong ang mga anak naming babae at nauuwi iyon sa malalim na talakayan at magagandang sandali para matuto. Natuto silang maging mapitagan at mahalin ang mga banal na kasulatan. Natulungan din namin silang magsaulo ng maraming talata nitong nakaraang ilang taon. Napakaganda nito dahil kapag nagsisimula na silang mag-away, pinabibigkas ko sa kanila ang isang talata tungkol sa pag-ibig o pagkakasundo. Oo, ganyan akong ina! Kung tutuusin, mahirap ang buhay ng bawat tao. Hindi madali ang magpalaki ng mga anak—anuman ang pagkatao ng iyong mga anak. At binigyan tayo ng Simbahan ng huwarang masusundan para makatulong sa atin. Hindi ibig sabihin niyan na mawawala na ang mga pagsubok. Hindi basta-basta nagiging mahinahon si Ethan, pero makapagdarasal ako at makatatanggap ng sapat na kapayapaan. Sinisikap naming turuan ang mga anak namin at tinutulungan silang lumaking matagumpay, at ang pagdarasal at mga banal na kasulatan ay nagbigay ng mga paraang kailangan namin. Sa kabuuan, may lubos na pagmamahalan sa aming tahanan at mula ito sa pagmamahal namin sa Diyos. Sumasamo kami sa Kanya at maraming beses na naming nadama ang Kanyang tulong.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Nakaimpluwensya ang aking pananampalataya sa bawat aspeto ng buhay ko. Nahubog nito ang aking pagkatao sa napakaraming paraan. Sana nga ay nagawa ako nitong mas matiyaga at mapagmahal. Sinisikap kong ibigay ang buhay ko sa paglilingkod sa iba. Dito ako nagkakaroon ng malaking kagalakan. Ang pagiging ina ng apat na anak, lalo na ng mga may espesyal na pangangailangan, ay nangangailangan ng maraming paglilingkod. Ang mga organisasyon ng Simbahan ay nagbibigay sa akin ng maraming pagkakataon na makapaglingkod. Malaking bahagi ng buhay ko ang inilaan ko sa paglilingkod sa mga tinedyer ng aming kongregasyon. Gustung-gusto ko ito! Sa ngayon, nagtuturo ako ng early-morning Bible study sa mga estudyante sa hayskul na miyembro ng Simbahan. Masaya naming pinag-aaralan ang Lumang Tipan at sinisikap naming gumising nang alas 6:00 n.u. Nakatulong ang pananampalataya ko sa mga desisyon ko sa araw-araw. Naiimpluwensyahan nito ang pakikitungo ko sa iba, ang pag-aalaga ko sa mga anak ko at sa pagsasama naming mag-asawa. Ang pagmamahal namin sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapatatag sa aming pagsasama! Lubos ang pasasalamat ko na nagkaroon ako ng asawang ginagawa ang lahat para maging mabuti. Siya ang inspirasyon ko sa pagiging mas mabuting tao. Ang aming pananampalataya ang nagpaibayo ng aming paggalang at pagkahabag. Nahihirapan din kami tulad ng ibang pamilya. Nagtatalo rin ang mga anak naming babae at kadalasan ay napakahirap alagaan ang mga anak naming lalaki, pero alam naming may plano ang Diyos para sa amin, at nakatutulong ito para maging mas mapagpasensya kaming lahat. Naniniwala kami na ang pagsasama ng pamilya ay hindi lamang sa buhay na ito, kundi magpapatuloy ito kapag nilisan na natin ang mundong ito. Ito ang nagbibigay sa amin ng layunin. Tinutulungan kami ng aming pananampalataya na malaman kung sino kami at kung saan kami patutungo. Naaayos ang munting mga pagtatalo kapag ganito ang aming pananaw.