mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Rob

  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock
  • Robert Comstock

Tungkol sa Akin

Ako’y single na ama na ang pinakamalaking pagpapala at galak ay ang pagmamahal at pakikipagkaibigan ng dalawa kong anak na edad 11 at 15. Kahalubilo ko ang mga taong may mga talento at mahuhusay sa industriyang ukol sa fashion. Kailangan sa trabaho ko, kahit madalang kong banggitin ito, ang pagkamalikhain at balanseng pagpaplano at implementasyon na maaaring maging malaking hamon ngunit sulit ito dahil mahilig akong makipagkumpetensya. Ang kalikasan ay nagbibigay sa akin ng lakas at nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na makasama sa mga ekspedisyon at pangangalaga nito sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bakit Mormon Ako

Higit sa lahat nakikita ko ang kaugnayan ko sa “sangkatauhan” at ang mga karaniwang bagay na nagbibigkis sa atin. Napansin ko na sa anumang bagay, gawain, at pagkilos may mga taong kailangang maniwala na tama sila, samantalang mali ang iba. Hindi ko naiisip na ang pagiging tama o mali ang ating layunin - mas mahalaga rito ang matutong isuko ang ating kalooban sa mapagmahal at mahabaging Tagalikha, at magkakaroon ng lakas at kakayahang mahalin ang iba gaya ng ating sarili sa paggawa nito. Isang pangunahing paniniwala ng Mormonismo, na pinaniniwalaan ko, ay na ang Panguluhang Diyos ay binubuo ng tatlong magkakahiwalay na personahe na may iisang layunin, na ang payo ay ipinararating sa pamamagitan ng buhay na propeta at labindalawang apostol. Kahit di ko nauunawaan ang karingalan ng Kanyang pagkatao, para sa akin ang Diyos ay totoo at walang hanggang Ama na ang pinakamalaking kaloob sa akin, bukod sa aking buhay, ay ang kalayaan kong pumili para sa kawalang-hanggan na ginagabayan ng perpektong halimbawa at sakripisyo ng kanyang anak - ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Nililinaw ng makabagong paghahayag ang kahalagahan ng buhay at tinutulungan akong maunawaan ang aking kaugnayan sa Diyos. Ang ipinanumbalik na koneksyon sa pagitan ng Tagapagligtas na nangaral ng kanyang ebanghelyo at nagtatag ng Kanyang simbahan sa kalagitnaan ng panahon, at ng organisasyon sa panahong ito na suportado ng nabuhay na muling Diyos na siyang nasa sentro nito ay napakahalaga. Ang kagila-gilalas na pagpapakababang ito, kung saan ang Manunubos ay nagkatawang-tao para lubusang maunawaan ang mga pisikal na hamon sa ating buhay, ay napakagandang gabay sa pagpili ko. Noong kabataan ko tinuruan ako na maaari akong direktang lumapit sa Diyos, gaya ng ginawa ng binatilyong si Joseph Smith noong 1820. Naniniwala ako na talagang nakausap ng binatilyong iyon ang Diyos at ang kanyang Anak, at ang kanyang panalangin tulad ng sa mga propetang nauna sa kanya ay sinagot. Ang ibinunga nito makalipas ang halos dalawang daang taon ay isang buhay at kumikilos na panunumbalik ng orihinal. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi simbahan para sa mga Mormon - sa halip, ito ay organisasyong ibinalik upang tumulong na paglingkuran ang bawat lalaki, babae at bata na umaasa sa direkta at makalangit na pamamagitan ng mga basbas ng priesthood, gabay mula sa batas ng langit, at malinaw na komunikasyon sa patuloy na paghahayag. Ang lalo pang nagbigay katiyakan sa akin ay, na maaaring matamo ang espirituwal na patotoo sa mga katotohanang ito kung ang isang tao ay taos-pusong mananalangin at pag-aaralang maigi ang Aklat ni Mormon, ang Luma at Bagong Tipan, at ang mga paghahayag na ibinigay sa ating panahon.

Personal na mga Kuwento

Paano tayo magkakaroon ng higit na pagkakasundo sa ating tahanan?

Ang pagkakasundo ay nagsisimula sa isang tao, at nadarama ito ng mga indibiduwal at grupo. Ang pag-uukol ng panahon sa pagninilay at pag-iisip tungkol sa pinakagusto natin para sa atin at sa ating pamilya ay naghahatid ng pagkakasundo sa tahanan. Ang ganitong gawain ay malaking suporta at tulong sa panahon na puno ng hamon. Kailangang may mga patakaran sa tahanan, na kung malinaw na naipaliwanag at naipatupad sa patas na paraan at sa tuwina, ito ang magiging ligtas na kanlungan ng pamilya sa di kanais-nais na mga impluwensya sa labas. Ang tatay ko ay may kakaibang katangian, na lubos na nakatulong sa kanya sa pagharap sa mga problema na sa halip na ipilit ang kanyang iniisip o dating opinyon, inuunawa niya muna ang iniisip at nadarama ng iba. Kapag ginagawa ko ito, at inilalagay ko ang sarili ko sa katayuan ng anak ko, hindi ako nakatuon sa sarili ko o naghahanap ng dahilan, mas naaayos ko ang situwasyon nang patas at para sa ikabubuti ng pamilya. Ang personal na oras at positibong katiyakan na ibinibigay ng magulang sa bawat anak ay nagdudulot ng pagpapahalaga sa sarili at pang-unawa na mahalaga ang bata. Upang makaagapay sa patuloy na mga pagbabago sa aking pamilya, natuklasan ko na ang pakikipag-usap sa bawat isa at pagkakaroon ng family council kasama ang mga anak ko ay mahalaga sa aming komunikasyon at sa ikabubuti ng lahat. Magandang karanasan ang hatid nito sa akin. Dapat mapagkasunduan na sa mga pag-uusap na ito ay maipahayag ng bawat isa sa amin ang kanyang iniisip at mga problema nang hindi kinagagalitan. Maaaring hindi ito kaagad magbunga ng pagkakasundo pero kung uulitin ang pamamaraan at pag-uukulan ito ng pansin, magsisimula ang komunikasyon sa pamilya at darating ang araw na mananaig ang kapayapaan at pagmamahalan dito.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ang pananampalataya ko ay nagmumula sa damdamin na kabilang ako, na ipinakita ng mapagmahal na mga magulang at nagmamalasakit na mga guro. Ipinamumuhay ko ito, ngunit mas tumibay ang desisyong iyan dahil sa responsibilidad ko sa mga anak ko. Pinalalakas ito ng likas na kabutihang nasa mga kultura at grupong etniko na nakilala ko - at ng mga henerasyon na gumagalang sa kanilang mga ninuno na nagpamana, at nagsakripisyo para matiyak na ganito rin o higit pa ang gagawin sa kanilang mga inapo. Kadalasan, ang sariling mga kamalian ang pinakamahusay kong guro at tagapayo. Habang tumatanda ako lalong nag-iibayo ang pananampalataya ko sa patuloy na pagdating ng kagalakan at kahirapan. Dahil sa mga karanasang ito napagninilay ko ang mga pagpapala noon at ngayon at hinaharap ang mga bagong hamon nang may pag-asa at hangaring di gaanong manghusga, habang nakatuon sa maaari kong baguhin sa sarili ko.