mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Paora

  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana
  • Paora Winitana

Tungkol sa Akin

Mula ako sa munting bayan sa silangang baybayin ng New Zealand. Mahirap lang ang pamilya namin noon kaya natutuhan naming pahalagahan ang mumunting bagay gaya ng pagmamahalan ng pamilya, kasipagan at paggalang, pag-igihin ang kung ano ang mayroon ka at masiyahan sa buhay sa bawat araw. Nagsimula akong maglaro ng basketball dahil sa mga kaibigan ko at hindi talaga ako marunong maglaro noong una. Niyayaya nila ako sa mga aktibidad ng simbahan para sa kabataan na ginaganap sa simpleng araw, at doon nagsimula ang lahat. Hindi lamang ako natutong maglaro sa aming munting kapilya, kundi napamahal din sa akin ang larong basketball. Pagkatapos kong magmisyon sa loob ng 2 taon pinakasalan ko sa New Zealand Temple ang tunay kong pag-ibig, ang kasintahan ko noon sa hayskul at ngayon may 3 kaming anak na lalaki. Malaking bahagi ng buhay ko ang basketball pero hindi ito ang bumubuo sa aking pagkatao, kundi ang ginagawa ko. Pamilya ko ang pinakamalaking pagmamay-ari ko at pinakamalaking responsibilidad ko, sila ang pinakamahal ko!

Bakit Mormon Ako

Naaalala ko na noong bata ako ay tinuruan ako ni Inay ng karakia (manalangin) at kahit hindi siya Mormon noon, naniniwala siyang nakatutulong ito. Itinuturo niya sa aming magkakapatid ang tungkol sa aroha (pagmamahal) at ipinaliliwanag ang kahalagahan ng paggalang sa isa’t isa, sa mga nakatatanda at pagtulong sa isa’t isa lalo na sa mga nangangailangan. Tinuruan ako ni Inay na maging tapat at tumupad sa aking mga salita. Naaalala kong hiniling ni Inay na mangako kaming magkakapatid sa kanya na palagi naming pakikitunguhan nang may pagmamahal at paggalang ang kababaihan, at nadama ko pa nang malakas ang espiritu sa tuwing tuturuan kami ni Inay, naaalala kong ginawa ko ang pangakong iyon. Mormon ako dahil sa mga itinuro ng aking ina. Labis ang pasasalamat ko sa matatag na pundasyong ibinigay sa akin ni Inay. Tinuruan niya ako ng tungkol sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang halimbawa. Siya ang halimbawa namin sa pamumuhay ng ayon sa mga turo sa mga banal na kasulatan at nang turuan kaming magkakapatid ng mga misyonero, madali namin itong naunawaan dahil alam na namin ang mga itinuro, nadama na namin ang espiritu at sa taimtim na panalangin, alam kong totoo ito. Mormon ako dahil ibig sabihin nito ay uunahin ko ang aking pamilya at uunahin ko ang iba kaysa sa sarili ko. Malayo pa ako sa pagiging perpekto at kung minsan marami akong nagagawang pagkakamali pero gustung-gusto ko na Mormon ako dahil tinutulungan ako nitong maging mas mabuting asawa at ama, mas mabuting team mate, mas mabuting kaibigan at mas mabuting tao. Mormon ako dahil sa aking personal na kaugnayan sa aking Tagapagligtas. Alam kong buhay Siya at mahal Niya ako at habampanahon akong magpapasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Siya ang aking Diyos at aking hari, ang tanging sinasamba ko. Kung minsan nahihirapan akong hanapin ang katumbas na mga salita ng pagpapasalamat ko sa lahat ng ginawa Niya para sa akin. Mahal ko Siya.

Personal na mga Kuwento

Paano ka natulungan ng Espiritu Santo?

Tinutulungan ako ng Espiritu Santo sa lahat ng malalaking desisyon ko sa buhay. Mula sa pagsapi sa Simbahan, hanggang sa pagmimisyon, mula sa kung sino ang dapat kong mapangasawa, hanggang sa pagbili ng aming unang bahay, hanggang sa pagkakaroon ng mga anak. Pinasasalamatan ko ang kanyang palagiang patnubay. Nadarama ko at alam ko ang mga pahiwatig niya at sa tuwing nagkakaroon ako ng lakas ng loob na sundin ang mga ito, kaligtasan at kaligayahan ang ibinubunga nito.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ipinamumuhay ko ang aking relihiyon sa lahat ng ginagawa ko. Mula sa araw-araw na panalangin hanggang sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Sinisikap naming mag-asawa at ng aming mga anak na simulan ang bawat araw sa tinatawag naming “SSP” na ibig sabihin ay Scripture - Song - Prayer. Ginagawa namin ito sa sala pero kung minsan nangyayari ito habang nag-aalmusal, sa kotse habang papunta sa eskuwelahan, kung minsan wala na kaming oras at ginagawa namin ito bago matulog. Ito ay maliit at simpleng bagay na ginagawa namin upang ipamuhay ang aming relihiyon. Bilang professional athlete ipinamumuhay ko ang aking relihiyon sa laro, sa paraan ng pagsasalita ko, sa paraan ng pagsasanay ko, sa paraan ng paglalaro ko. Ipinamumuhay ko ang aking relihiyon sa hindi paglalaro ng basketball sa araw ng Linggo at marami ang hindi nakauunawa at dahil dito ay sinisisi ang aking relihiyon at nagtatanong kung bakit hinihingi ng aking simbahan ang ganitong sakripisyo? Ang sagot ko ay personal na desisyon ito, personal na pangako na ginawa ko sa aking Diyos pagkatapos kong magmisyon. Ito ang paraan ko para pasalamatan ang aking Diyos at ipakita ang aking pagmamahal sa lahat ng ginawa Niya para sa akin. Isa rin itong maliit na paraan ng pagpili ko kung paano ipamumuhay ang aking relihiyon.