mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Mike

  • Mike Lohner
  • Mike Lohner
  • Mike Lohner
  • Mike Lohner

Tungkol sa Akin

Naniniwala ko sa mga tao at hanga ako sa kanila at karamihan sa kanila ay mabubuti. Mahal ko ang buhay at naniniwala na dapat tayong MABUHAY sa bawat araw! Ipakita mo sa akin ang mundo, susubukan ko ang mga bagong bagay, bigyan ako ng kakumpetensya, at mapapangiti mo ako. Siguro nga sobrang sipag ko sa trabaho (iyan ang sabi ng pamilya ko), at nabiyayaan ko ng ilang napakagagandang pagkakataon sa negosyo. Matagal akong naging CEO at ngayon ako ang Chairman ng dalawang kumpanya. Naniniwala ako na ang magagaling na kumpanya ay nakakakuha ng pambihirang mga resulta mula sa karaniwang mga tao, na karamihan sa atin ay karaniwan, at ang paggawa at pagsisikap ay mas mahalaga kaysa talento (bagama’t magandang may talento). Mahilig ako sa sport pero golf (sport ba ito o laro?) ang pinakagusto ko. Sana araw-araw akong makapaglaro, pinagbubuti ko pa ito, at gusto ko ang lahat ng tungkol dito--mula sa kasaysayan hanggang sa kumpetisyon, mula sa PGA tour hanggang sa kagandahan ng isang golf course sa karagatan. At kapag may libreng oras ako (may ganun ba?) musika naman--tumutugtog ako ng saxaphone at piano, at kumakanta rin paminsan-minsan. Ang pamilya ko (ang asawa ko ang best friend ko at apat ang anak ko na pinakamamahal ko) ay mas magaling kaysa sa akin sa musika, at musika siguro ang pinakamagandang bahagi ng aming tahanan. At panghuli, naniniwala ako na mas gaganda ang mundo kung mas interesado tayo sa iba’t ibang opinyon at ideya at hindi gaanong tutuligsain ang mga ideyang kaiba sa atin. Oo, medyo idealistic ako. Pero mas gugustuhin ko nang magtiwala at masaktan nang ilang beses kaysa hindi magtiwala at hindi magkaroon ng mga kaibigan. Tama ang sabi ni Mae West. “Minsan ka lang mabubuhay, pero kung tama ito, sapat na ang minsan!” Wala na akong masasabi pa.

Bakit Mormon Ako

Simple lang ang dahilan kaya Mormon ako. Taos-puso akong naniniwala na ang simbahan ay totoo! Dama ko ito sa kaibuturan ng puso ko at mapalad ako na madama ang Espiritu ng Diyos na nagpapatotoo sa aking kaluluwa tungkol sa katotohanan ng mga turong ito. Nakita ko ang pagbabago sa buhay ng mga tao dahil sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Nadama ko sa aking buhay ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. At alam ko na kung ipamumuhay ko ang mga alituntuning itinuturo ng relihiyong Mormon, magiging mas maligaya ako, mas panatag, mas payapa. Kakaiba talaga---at sa huli, ang pagiging Mormon ay nagpapaligaya sa akin! Madalas kong isipin kung bakit gayon. Bakit maligaya ako sa pagiging Mormon? Bakit sinusuportahan ng mga Mormon ang isa’t isa? At naisip ko na ito mismo ang diwa ng ebanghelyo---ng ebanghelyo ni Jesucristo, na humahantong sa kaligayahang nadarama ko. Nais ng Diyos na lumigaya tayo. Mahal Niya tayo. At narito ang Kanyang simbahan para tulungan tayo, sa lahat ng ating kahinaan, na maging higit na katulad niya. Sa pagsisikap nating gawin ito, natatanggap natin ang pagpapala ng kapayapaan, kaligayahan, at pagkakaibigan.

Personal na mga Kuwento

Ano ang pag-asa at ano ang inaasam mo?

Napakaganda ng salitang pag-asa. Para sa akin, ang “pag-asa” ay mabuting pananaw sa mangyayari. Ito ay pagkakita sa maaaring mangyari sa halip na kung ano ito ngayon o maging kung ano ito talaga. Umaasa tayong sisikat ang araw kapag umuulan. Umaasa tayong darating ang Tagsibol sa panahon ng Taglamig (ganyan ako--pero ayaw kong ginawin ako!). Umaasa tayong gagaling tayo kapag maysakit tayo. Umaasa tayong mamahalin tayo kapag kinamumuhian tayo. Kapag may pag-asa tayo, hindi tayo natatakot. At kapag umaasa tayo sa mga espirituwal na bagay, nagkakaroon tayo ng pananampalataya. Ako ay taong may positibong pananaw na umaasa sa mga bagay na dapat siguro ay pangarapin ko lang. Umaasa akong huhusay pa ako sa paglalaro ng golf, umaasa ako na magkakaroon ako ng mabuting pamilya, umaasa ako na bubuti ang kalusugan ng aking asawa, umaasa ako na maitataguyod ko ang aming pamilya. Umaasa akong makapagtatrabaho ang anak ko, kahit na mahirap para sa kanya. Umaasa ako na mas makaunawa ang ating pamahalaan, na bawasan ng mga pulitiko at ng media ang pagtutuligsaan at sa halip ay pag-usapan ang mga bagay nang may bukas na kaisipan. Siguro diyan ay makagagawa na tayo ng mas mabubuting desisyon kung paano haharapin ang mga hamon. Umaasa ako na mangingibabaw ang pagmamahal kaysa poot, na matatalo ng pananampalataya ang takot, na mas marami ang magkaroon ng positibong pananaw, at mangibabaw ang kabutihan sa lahat! Siyempre, umaasa din ako kay Cristo. Ang pag-asang iyan ay humahantong sa pananampalataya. At sana … humantong ito sa pagkakawanggawa at pag-ibig at kapayapaan at kaligayahan! Oo, NAPAKAGANDA ng salitang pag-asa!

Paano naipaunawa sa iyo ng Aklat ni Mormon ang layunin ng buhay?

Mababasa sa paborito kong talata sa Aklat ni Mormon na: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” Para sa akin, iyan ang layunin ng buhay--ang magkaroon ng kagalakan! Nang dumapo sa asawa ko ng bihirang sakit na Guillain Barre’ at naging paralisado at naospital dahil sa matinding pinsala sa ugat, at pagkatapos ay naging Chronic condition (CIDP), habampanahong nagbago ang buhay namin. Hindi ako nagtrabaho nang halos 18 buwan para maalagaan ko ang aming maliliit na anak. Kumunsulta kami sa maraming doktor, naghanap ng lunas, nakadama ng takot, at natanto na maikli lang talaga ang buhay. Habang dinaranas ito, sa pagbabasa at pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon, napahalagahan ko ang bawat araw, naghanap ng kagalakan sa matatamis na sandali kasama ang aming pamilya, minahal ang kagandahan sa aming paligid, pinahalagahan ang musika at espirituwal na nagawa. Tinulungan ako ng Aklat ni Mormon na maunawaan na isinugo tayo ng Diyos sa mundong ito dahil mahal Niya tayo! Tinutulutan Niyang danasin natin ang hirap para tulungan tayong matuto at umunlad at maging maligaya! Tinutulutan Niyang madama natin ang sakit upang malaman at pahalagahan natin ang mabuting kalusugan. Dumaranas tayo ng kalungkutan upang malaman natin ang kagalakan. Ang Aklat ni Mormon ay puno ng napakagagandang kaalaman na sumusuporta sa mga turo ni Cristo tungkol sa layunin ng buhay, pagbabayad-sala, at plano ng Diyos para sa atin. Nakagawa ito ng malaking kaibhan sa buhay ko!

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Sa palagay ko ipinamumuhay namin ang aming relihiyon sa paraan ng pagkilos namin sa bawat araw; at sana makapamuhay ako nang may integridad, kabaitan, tiyaga, at katapatan sa mga pinahahalagahan sa aming relihiyon, ito man ay sa negosyo, tahanan, o sa golf course. Halos araw-araw na nagbabasa ng mga banal na kasulatan at sama-samang nagdarasal ang aming pamilya, at sa palagay ko nakatutulong ito sa aming lahat na magtuon sa kawalang-hanggan ng ating buhay sa halip na isipin lang ang mga kaguluhan sa araw-araw. May “home teaching” assignment ako, ibig sabihin bibisitahin ko ang dalawang pamilya sa aming area kahit minsan sa isang buwan sa hangaring maging tagapagturo ng ebanghelyo, kaibigan, tagahikayat, at mapagkakatiwalaan. Malaking pagpapala sa akin ang home teaching dahil nagkaroon ako dito ng mabubuting kaibigan na nakabuti sa aking buhay. Nakipagtulungan ako sa mga ama na nawalan ng trabaho, hinikayat ang mga pamilyang sinisikap na mapalakas ang kanilang pananampalataya, sinuportahan ang mga pamilyang nagkaroon ng problema sa kalusugan, at bunga nito, gaya ng karaniwang nangyayari kapag ipinamumuhay mo ang iyong relihiyon, nakatanggap ako ng malaking kagalakan at pagpapala. Kapag Linggo, mapalad akong maturuan ang mga 16-18 anyos na mga kabataan. May 21 bata sa aming klase at pinag-aaralan namin ang Lumang Tipan. Gustung-gusto kong isabuhay ang mga kuwento at aral na naroon! Ang pananaw ko? WALA nang mas sasaya pa sa pakikisalamuha at paglilingkod sa mga kabataan. Puno sila ng buhay, masigla, maraming talento, masayang kasama. Napakasaya!