mormon.org Pandaigdigan

May maiisip ka bang partikular na pagsubok sa iyong pamilya na nakatulong ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo upang makayanan ito?

  • Noong 17 anyos ako, nasuri ng doktor na may autoimmune disorder ako na lubhang nakaapekto sa paraan ng aking pamumuhay. Sa nakalipas na 15 taon, pinag-isipan kong mabuti kung ano kaya ang naging buhay ko kung wala ang pagsubok na ito. May mga pagkakataon na pinanghinaan ako ng loob dahil sa mga pagkakataong nawala at mga mithiin sa buhay na hindi ko nakamit. Gayunman, naisip ko rin ang Diyos at ang tunay na layunin ko sa Daigdig. Naniniwala ako na ang pangunahing layunin ko sa Daigdig ay magkaroon ng katawang pisikal at umunlad sa espirituwal. Kahit hindi ko nagawa ang maraming bagay na gusto ko dahil sa sakit ko, natulungan nitong umunlad ang aking espiritu. Alam kong binibigyan tayo ng Diyos ng mga problema para maging mas mabubuting tao tayo na hindi mangyayari sa ibang paraan. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na umunlad na hindi sana napasaakin kung wala ang pananampalataya ko sa Diyos. Ipakita ang iba pa

  • Bilang ina ng batang lalaking isinilang na may kapansanan sa utak, maraming hamon sa buhay ko. Hindi umuunlad o nagkakaroon ng magagandang karanasan ang aming anak na tulad ng ibang mga bata. Wala siyang kabarkada, hirap siyang makipag-usap kung minsan, at pakiramdam niya’y bigo siya. Simula nang maging aktibo kami sa Simbahang LDS sa amin, naging mas masaya ang anak ko. Sa unang pagkakataon nagkaroon siya ng mga kaibigan sa labas ng paaralan, na nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. Ang mga bata sa simbahan ay napakababait at matulungin at maalaga kaya nakikibarkada na ang anak ko sa mga bago niyang kaibigan sa mga aktibidad sa Simbahan. Hindi mananagot ang anak ko sa mga desisyon niya, at nalaman ko na dahil hindi siya mananagot, naglaan ng paraan ang sakripisyo ni Jesucristo para hindi na siya binyagan. Siya ay napakaespesyal na anak ng ating Ama sa Langit, at napakapalad ko na pinagkatiwalaan Niya akong alagaan ang pambihirang espiritung ito. Labis kong pinasasalamatan ang kaalamang iyan. Mahal ng anak ko ang simbahan; mahal niya ang mga tao; gusto niyang sabayan sa pagkanta ang mga bata. At pinagpala ang aming pamilya dahil ipinamumuhay namin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi marunong bumasa ang anak ko hanggang sa pag-aralan ng aming pamilya ang mga banal na kasulatan araw-araw. Sa pag-uulit sa mga salita at pagsunod dito, nakakatuwa na natuto siyang magbasang mag-isa. Malaking pag-unlad ito sa kanya, na nakasiya sa akin na kanyang ina, at isang halimbawa lang ito ng maraming pagpapala ng pamumuhay ng ebanghelyo na naranasan namin. Dati-rati mahirap magplano nang maaga. Iniisip namin kung paano makikipagsabayan ang aming anak sa mundo, at paano namin siya tutulungang magkaroon ng puwang dito. Ngayon marami nang sumusuporta sa amin, may mga kaibigan na ngayon ang anak ko, at natututo at umuunlad siya sa tuwina. Ipakita ang iba pa

  • Ako’y 16 na taon nang kasal sa kahanga-hangang lalaki na mahal na mahal ko. May lima kaming anak na gustung-gusto naming kalaro. Babae ang panganay namin, na sinundan ng apat na malilikot na lalaki. Marami kaming katuwaan at masayang-masaya kami kapag magkakasama kami. Noong Enero 1, 2008, nakabakasyon kami nang ang aming apat na taong gulang na anak na si Russell ay namatay sa isang aksidente sa sled. Nabigla kami. Natulala kami. Hindi kami makapaniwala sa nangyari. Agad naming pinlano ang biyahe namin pauwi, at agad ding inisip kung ano ang gagawin sa burol at libing. Nang kami ng asawa kong si Kirk ay nasa emergency room at nagpapaalam na sa aming anak, nadama namin ang pag-alo ng ating Ama sa Langit. Kahit na labis ang kalungkutan namin, kapwa kami nakatanggap ng patunay na bahagi ito ng plano ng ating Ama sa Langit para sa aming pamilya. Mahirap ilarawan kung gaano kasakit ang nadama namin habang nadarama ang katiyakan na mahal kami ng ating Ama sa Langit. Dama namin ang Kanyang pangangalaga at pagmamalasakit. Halos parang yakap Niya kami sa Kanyang bisig at kasama naming tumatangis. Sagradong sandali ito para sa amin nang tanggapin naming wala na ang aming anak at ipinaubaya na siya sa Kamay ng Panginoon. Marami akong masaya at malungkot na karanasan mula nang araw na iyon. Ang totoo, mas marami ang malulungkot na sandali. Napakahirap para sa akin ang mabuhay nang wala siya. Nahirapan akong labanan ang depresyon na noon ko lang naranasan. Maraming araw na hirap akong bumangon, at basta nakahiga lang ako. Bagama’t pinasasalamatan ko ang mga doktor na nagsikap na mailigtas ang buhay ng anak ko, ang makita ang pagkamatay ng anak ko ay matinding trauma sa akin. Minsan bigla na lang akong nagpapanik, nababalisa, hindi makatulog, at hirap makaagapay sa buhay. Mahirap ang maging mabuting Ina sa mga anak ko, pero ginawa ko ang lahat sa abot ng makakaya ko. Sa unang taon na iyon maraming beses akong tapatang nakipag-usap sa aking Ama sa Langit. May panahon na sinasabi ko sa Kanya kung gaano ang galit ko sa Kanya, at nagulat ako na dama ko pa rin na mahal Niya ako. Sinabi ko sa Kanya kung gaano ako kalungkot, na malungkot ako dahil kay Russell. Sinabi ko sa Ama sa Langit kung gaano iyon kasakit, at kung gaano kahirap para sa akin ang ngumiti. Pagkatapos ay tumigil ako at nakinig. Humanga ako sa pagmamalasakit at pangangalagang nadama ko mula sa Kanya. Lalo kong naunawaan ang hirap na dinanas ng aking Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Naunawaan ko, kahit bahagyang-bahagya lamang, kung paano nanangis ang aking Ama sa Langit nang makita Niyang naghihingalo sa krus ang Kanyang Anak. At napuspos ako ng pagmamahal ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo, na sadyang para sa ating lahat kaya Kanyang tiniis ang gayong katinding hirap at pasakit upang buksan ang daan para makabalik tayo sa kanilang piling. Parang naging malinaw ang mga banal na kasulatan sa akin. May nalaman akong bagong impormasyon sa mga kuwento mula sa banal na kasulatan na inakala ko noon na alam na alam ko na. Ang mga ideyang hindi ko naisip noon ay pumasok sa isip ko at tinuruan ako ng maraming bagay. Sa Isaias 61:1, nangangako ang Panginoon na Siya ay darating upang “magpagaling ng mga bagbag na puso.” at sa Isaias 61:3, nangangako Siya sa atin ng “putong na bulaklak na kahalili ng mga abo” at “kagalakan na kahalili ng pagtangis.” Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa aking kaugnayan sa aking Ama sa Langit, kasama ako sa pangakong iyon, ibinigay sa akin ang putong na bulaklak na iyon, at nadarama ko na ang kagalakang iyon. Ipakita ang iba pa

Walang mga Resulta