mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Dean

  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson
  • Dean Johnson

Tungkol sa Akin

Ang pangarap ko noong bata ako ay makapagpalipad ng mga eroplano - talagang maski sa pagtulog napapaginipan ko ito. Napakapalad ko na magkaroon ng RAF Flying Scholarship pero hindi ko ito tinanggap para magmisyon nang dalawang taon para sa aming simbahan. Pagkatapos kong magmisyon nag-asawa ako at nadamang mas angkop ang flying career sa buhay may-asawa kaya’t naging Cabin Crew ako sa isang local airline, umaasang balang-araw ay magkakaroon ako ng pagkakataon na mabigyan ng training bilang isang piloto. Sa wakas natupad ang pangarap ko at nagkaroon ako ng pagkakataon na mabigyan ng training bilang isang commercial pilot. Ang nakalulungkot, natanggal ako sa trabaho noong 2009, matapos kong malaman na isisilang na ang aming panglimang anak - na nakasira sa masayang sanang sandali.! Ang sumunod na 3 taon ay puno ng hirap. Wala akong makuhang trabaho bilang piloto kaya’t ginugol ko ang aking oras sa anumang trabaho na mahahanap ko - paglilinis sa mga bahay-kalinga; assistant teacher, shop worker at iba pa. May ilang buwan ding wala akong mahanap na anumang trabaho, na talaga namang napakahirap. Gayunpaman, ang pagsilang ng aming anak na lalaki ay nagpaalala sa akin na mabuti pa rin ang buhay. Sa panahong ito, nag-apply ako at natanggap sa trabaho bilang civilian na may military unit sa Afghanistan - hindi pagpapalipad ng eroplano! Napakahirap na panahon ito ngunit lalo kaming nagkalapit ng pamilya ko. Di-nagtagal matapos makauwi sa bansa, nagpapasalamat ako na natanggap akong muli bilang piloto. Sa aking libreng oras nagtatrabaho rin ako bilang Special Constable, bilang training officer ng bansa para sa Army Cadet Force at kamakailan ay naging kwalipikado bilang medical First Responder. Nagkaroon ako ng masayang buhay at naniniwala ako na kailangang makatulong ako sa aming komunidad sa abot ng aking makakaya.

Bakit Mormon Ako

Lumaki ako na isang Mormon - ang mga magulang ko ay mga miyembro at nagkakilala sila sa simbahan, nagmisyon din ang tatay ko noong 1960’s. Kapag lumaki ka sa isang relihiyon, kadalasan ay sumusunod ka na lang nang walang pag-aalinlangan at walang tanung-tanong kung ito ay tama o hindi. Gayunpaman, noong ako ay malapit nang mag-18 anyos, kailangan kong mamili kung magmimisyon ako o tatanggapin ang alok na RAF Flying Scholarship. Gusto kong gawin ito pareho pero kailangan kong pumili dahil na rin sa itinakdang panahon. Pangarap ko na noon pa ang magpalipad ng eroplano, naisip ko na kung tatanggihan ko ang scholarship, kailangang tiyakin ko kung bakit ko ito gagawin at samakatwid, naniniwala ba talaga ako sa relihiyong kinalakhan ko. Talagang magdamag akong gising sa aming sala na pinag-iisipan ang maganda at di-magandang kahihinatnan ng mga pasiya ko at ang tungkol sa aking relihiyon. Taimtim akong nagdasal na malaman ko mismo kung ano ang katotohanan. Hindi ko masasabing nabuksan ang kalangitan o nagpakita ang mga anghel ngunit, pagsapit ng umaga, walang pag-aalinlangan sa aking isipan na ang relihiyong kinalakhan ko ay tama at magmula noon, ay nagpasiya akong lubos na maging tapat dito, hindi dahil sa ito ay nakasanayan na, kundi dahil sa naniniwala akong totoo ito. Hindi ko kailanman pinanghinayangan ang pagtanggi sa scholarship kahit sa isang sandali at ang naranasan ko sa aking misyon ay nagpatatag sa buong buhay ko. Ang pagiging Mormon ay higit pa sa pagsisimba lamang tuwing Linggo. Ito ay paraan ng pamumuhay at ang liwanag na tumatanglaw sa pamamaraang sinisikap kong maipamuhay at makalakhan ng aking pamilya. Hindi ko sinasabing madali ito - tao lang ako at samakatwid ay nagkakamali. Gayunman, isa sa malalaking pagpapala ay alam kong madaraig ko ang mga pagkakamaling iyon at magiging isang mas mabuting tao sa pamamagitan ng aking pananampalataya. Ang malaman kung saan ako nanggaling, kung bakit ako naririto at kung saan ako pupunta ay nagbibigay sa akin ng kapanatagan ngunit higit pa riyan ay ang kaalaman na kung mamumuhay ako nang matwid sa abot ng aking makakaya, ay maaari kong makasama ang aking pamilya magpakailanman. Wala na akong maisip na iba pang mas malaking pagpapala kaysa riyan.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Dahil sa Simbahan lagi rin kaming abala ng aking pamilya, at gusto namin ito. Ako ay naglilingkod bilang counselor sa kasalukuyang Bishop at dati akong naglingkod bilang Bishop sa loob ng 5 taon. Ang asawa ko ang president ng organisasyon ng kababaihan sa simbahan - ang Relief Society. Siya ay may 2 counselor na tumutulong sa kanya ngunit marami pa ring dapat gawin, lalo na’t may anim kaming anak na inaasikaso. Kabilang sa mga responsibilidad ko ang tulungan ang Bishop sa kanyang tungkulin bilang lider ng aming kongregasyon. Ibig sabihin niyan ay pagdalo sa mga miting, pag-iinterbyu, pagpaplano ng mga serbisyo tuwing Linggo, pagtawag sa mga tahanan o sa anupamang paraan na maaari ko siyang matulungan.