mormon.org Pandaigdigan
Павел (Pavlo): психолог, музыкант, утрата, очищение, семья, испытания, Mormon.

Hi ako si Павел (Pavlo)

Tungkol sa Akin

Ang buhay ko ay puno ng lahat ng uri ng damdamin at karanasan. Bihira ko itong ituring na mabigat na pagsubok. Madalas ay tila kakaiba at magandang pakikipagsapalaran ito para sa akin. Sa unang taon ko sa unibersidad tuluyan akong nabulag. Sa kabila ng napakalaking kawalang ito, dahil sa suporta ng aking ina at mga kaibigan, nakaakma ako sa bago kong kalagayan at patuloy at matagumpay na nakatapos sa pag-aaral. Ako'y practical psychologist at may sarili akong klinika. Dito'y may pagkakataon akong tulungan ang mga tao na harapin ang kanilang mga paghihirap at kawalan at magkaroon ng lakas na mamuhay nang mas lubos at mas maligaya. Ngayon ay nasa ikalawang taon na ako ng paggawa ng aking thesis tungkol sa isang napakagandang paksa sa larangan ng psychology. Ilang taon na akong kasal. Gustung-gusto ko ang kalikasan, masarap na pagkain, malalim na literatura, at malalimang pakikipag-usap. Nag-aral ako ng musika bago ako nabulag, at natutuwa pa rin akong tumugtog ng bass guitar sa isang pop group. Nakatitiyak ako na ang bulag ay hindi ang taong lumalakad sa kadiliman kundi ang taong may maitim na kalooban.

Bakit Mormon Ako

Kapag natatanto ko ang kagandahan ng mundong ating ginagalawan, wala akong alinlangan na may Diyos. Namamangha ako sa kahusayan at karunungan ng pagkalikha ng mundong ito. Hindi ako naniniwala at ayaw kong maniwala na nagkataon lang ito. Ang gayong pananaw ay walang katuturan sa akin. Nauunawaan ko na may Diyos na lumikha nito. Isa lang ang tanong: sino ang nagtuturo ng tama tungkol sa Kanya? Naniniwala ako sa Diyos mula pa noong bata ako. Dahil may mga tanong ako tungkol sa Kanya, marami akong dinaluhang simbahan sa paghahanap sa katotohanan. Wala akong natagpuang nakasisiyang sagot sa mga tanong ko, at pakiramdam ko ay hindi napapawi ang pagkauhaw ko sa espirituwal. Noong 18 anyos ako, may nakilala akong mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang talakayin namin ang Biblia at ang espirituwal na mga tanong ko, madaling tinanggap ng puso ko ang mga sagot nila. Hindi ko nadama na may bago akong pinag-aaralan, sa halipnaalala ko ang isang bagay na matagal ko nang alam. Ito ay bagay na napakasimple at malinaw. Minasdan ko ang mga missionary at namangha ako sa kaibhan ng pamumuhay nila sa pamumuhay ko kahit magkakaedad kami. Natanto ko na kailangan ko ang pagiging malapit na iyon sa Diyos; gusto kong maging mas malinis ang buhay ko. Ang mga turo ng Aklat ni Mormon ay nagkaroon ng malaking impluwensya sa aking kaluluwa. Nilinis ako nito at pinukaw ang hangarin kong mamuhay ayon sa katotohanan. Nagpasiya akong magbagong-buhay at sumapi sa Simbahan. Ang desisyong ito ay nagdulot sa akin ng kapayapaan. Sa huli ay napawi rin ang aking pagkauhaw. Mahalaga sa akin ang pananampalataya ko dahil tinutulungan ako nitong lumago at magpakabuti.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Binibigyang-diin ng karamihan sa mga kasapi ng Simbahang ito na ang relihiyong ito ay ipinamumuhay araw-araw at hindi lang tuwing Linggo. Higit pa ito sa pag-uukol ng ilang oras sa simbahan. Higit pa ito rito— ito ang paraan ng pamumuhay, pananaw sa mundo at pag-uugali sa lahat ng pangyayari. Anuman ang gawin ko, una sa lahat ako ay alagad ni Jesucristo. Binibigyan ako ng Simbahan ng maraming pagkakataong ipakita sa mga kilos ko ang aking katapatan sa mga turo ng Tagapagligtas. Marami akong ginagawang nauugnay sa aktibidad sa Simbahan, at gustung-gusto ko ang ginagawa ko ngayon—nagtuturo ako sa mga lalaking edad 12–18. Sinisikap kong ibigay sa kanila ang nadarama at natututuhan ko: paano magkaroon ng taos-pusong katapatan sa Tagapagligtas; paano maging mapagmahal na asawa at mabuting ama; paano mamuhay ayon sa iyong mga pinahahalagahan at paniniwala sa mundo, na puno ng pagsalungat; at paano haharapin ang salungat na damdamin. Kaming mag -asawa ay nasa yugto ng aming buhay na kailangan naming maglaan ng maraming oras at lakas sa pag-aaral at kahusayan sa trabaho. Hangad naming matutuhan ang tungkol sa buhay at maghandang maging mabubuting magulang. Kapwa kami nasa larangan ng psychology at education. Kapag magkasama kami, pinag-uusapan namin ang malalalim na alituntunin ng personalna pag-unlad at pagpapalaki ng anak. Isa ito sa mga saligan ng aming pananampalataya—pagtuturo sa bagong henerasyon at pagtulong sa kanila na buksan ang mga pinakamalalim at pinakamalinis na bahagi ng kanilang pagkatao.