mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Nnamdi

  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo
  • Nnamdi Okonkwo

Tungkol sa Akin

Isinilang ako sa Eastern Nigeria, pero nakatira ako ngayon sa Georgia, USA. Ako ay full-time sculptor, at hilig ko ang umukit ng mga bagay na naglalarawan sa kamarhalikaan ng espiritu ng tao. May asawa ako at may tatlong anak. Maligaya ako sa mga simpleng bagay ng buhay, gaya ng musika, kalikasan, pamilya, mga kaibigan, sining, at sa pagbabahagi ng kagalakang ito sa iba.

Bakit Mormon Ako

Sunud-sunod na himala ang nagdala sa akin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong nasa Nigeria pa ako, taimtim akong nanalangin sa Diyos nang maraming beses na tulungan akong matupad ang aking pangarap na makapunta sa Estados Unidos. Sa kasawiang-palad, medyo hirap ang mga magulang ko, at namatay ang tatay ko noong 12 anyos lang ako, at naiwan ang nanay ko, na isang guro, sa pagpapalaki sa akin at sa dalawang kapatid kong lalaki. Bukod pa rito, lahat ng kakilala ko ay ganoon din ang pangarap, kaya napakahirap makakuha ng visa ang sinuman. Sabi nga namin noon “mas madali para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa sa isang tao na makakuha ng visa papuntang Amerika.” Tapos ay tumangkad ako at naging 6’9” ang taas ko, at dahil dito nasali ako sa basketball. Kahit pinahihina ang loob ko ng ibang tao dahil huli na akong nakapaglaro sa edad na 17, buong tiyaga akong nagsikap dahil nakita ko na basketball ang daan para makapunta ako sa Amerika. Sa kabila ng lahat ng hadlang na ito, natanto ko na kailangan ng himala para matupad ang pangarap ko. Naisip ko noon ang mga himala dahil tinuruan kami ng nanay ko na magdasal, at kahit hindi ako madalas magdasal nagkaroon ako ng patotoo na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Nang malaman ko ito at matanto na wala akong ibang maaasahan sa mundo, sa Diyos lang ako umasa. Ang mga panalangin ko at pagsisikap ay tila walang magandang bunga noong una. Pero naisip ko na para mas makatiyak sa tulong ng Diyos, kailangan kong iayon ang aking kaisipan sa mga layunin ng Diyos. Nadama ko na ang paraan para magawa ito ay taimtim na hangarin at manalangin na akayin ako sa lugar kung saan hindi lang ako maglalaro ng basketball kundi matututo at uunlad din ako sa kaalaman ko tungkol sa Kanya. Lubos kong ikinasiya ito, at sa paniwala na ang tapat na hangaring ito para sa espirituwal na pag-unlad ay ikasisiya rin ng Diyos, ang pananalig ko na sasagutin Niya ang aking mga dasal ay lalong lumakas. Hindi nagtagal, bigla na lang akong nakatanggap ng liham mula sa Brigham Young University sa Hawaii BYU na nagsasabing interesado silang kunin ako para maglaro ng basketball, at nadama kong tuwirang sagot ang liham na ito sa aking mga panalangin. Makalipas ang isang taon pagkadating ko sa Hawaii, nalaman ko na kaibigan pala ng kaibigan ko ang kumontak sa basketball coach sa BYU para sa akin. Dahil dito, natanggap ko ang mga form na kailangan mula sa BYU para makakuha ng visa mula sa American Embassy. Huli nang dumating ang mga form at expire na ito, pero para ipakita ang pananampalataya ko, nadama kong dapat akong maghanda na para bang makakakuha pa rin ako ng visa. Sinimulan kong gawin ang kinakailangang paghahanda, pati na ang pagbili ng tiket sa eroplano papuntang Hawaii. Pagkatapos ay nagpunta ako sa embassy dala ang na-expire na mga dokumento. Nanlumo ako nang tanggihan ako at tinatakan pa ang pasaporte ko ng petsa. Kapag natatakan, hindi maaaring bumalik ang taong iyon sa embassy sa loob ng anim na buwan dahil tinanggihan siya. Pero kakaiba pa rin ang kapayapaang nadama ko pag-alis ko sa embassy nang araw na iyon na inakala kong panghihinaan ako ng loob. Nagulumihanan ang mga kaibigan ko na nagtitiwala pa rin ako sa idinalangin ko kaya inisip nilang nababaliw na ako sa paniniwala na makakakuha pa rin ako ng visa kahit natatakan ang pasaporte ko at na-expire na ang mga dokumento. Makalipas ang ilang araw, nagpasiya akong pumunta sa isa pang U.S. Embassy na 400 milya ang layo mula sa aking tahanan. Dahil nabigyang-inspirasyon ng kuwento ni Lot sa Lumang Tipan kung paano binulag ng Diyos ang kalalakihan ng Sodoma at Gomorrah, nagdasal ako na sana hindi makita ng mga tauhan ng malayong embassy na ito ang tatak sa aking pasaporte, o hindi sana mapansin ang na-expire na petsa sa aking mga dokumento. Kapag nagbabalik-tanaw ako, napakahirap ng sumunod na mga araw, ngunit sa huli ay nalaman ko na napakahirap na daan ito tungo sa katuparan ng ilan sa mahahalaga naming pangarap. Nasagot ang mga dasal ko noong Enero 17, 1989, at himalang natanggap ko ang visa ko para makapunta sa Amerika. Hanggang sa araw na ito patuloy na nadaragdagan ang pagpapahalaga ko sa ginawa sa akin ng Diyos, at sa tuwing manghihina ang pananampalataya ko, binabalikan ko ang karanasang iyon para humugot ng lakas at katiyakan na may Diyos na sumasagot sa taos-pusong mga panalangin ng Kanyang mga anak. Dahil sa pangyayaring ito, at sa magagandang halimbawa ng malalapit kong kaibigan noong mga unang buwan ko sa Hawaii, na mga miyembro ng simbahan, naging mas madali para sa akin na seryosohin ang hamon ng mga missionary ng Simbahan na pag-aralan ko ang Aklat ni Mormon, at tapos ay itanong sa Diyos kung ang mensahe nito ay galing sa Kanya o hindi. Ginawa ko ito at natanggap ko ang sagot, at nagdesisyon akong sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa kabilang banda, hindi sana ako nakabili ng tiket papunta sa Hawaii kung hindi dahil sa masipag kong kapatid na si Onyebuchi. Nakakalungkot na namatay siya makalipas ang 11 buwan pagkarating ko sa Hawaii, at nahirapan akong tanggapin ang pagkamatay niya, ngunit alam ng Diyos ang lahat at hinahayaan Niyang mangyari ang mga bagay-bagay dahil sa Kanyang espesyal na layunin.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Marami na akong naging tungkulin sa simbahan. Bagama’t marami akong naging pagkukulang, palagi kong sinisikap gawin ang lahat sa abot-kaya ko dahil matatag ang paniniwala ko na hindi tao ang pinaglilingkuran ko, kundi ang Diyos. Ang aking espirituwal na pilosopiya ay dapat maging mabuting halimbawa ako sa aking relihiyon at ipakita ito sa lahat ng aking ginagawa, lalo na sa pakikitungo ko sa iba. Alam ko rin na ang isa sa mga pinakamahalagang paraan na maipamumuhay ko ang aking relihiyon ay sa mga ginagawa ko sa aking buhay. Biniyayaan ako ng talento sa sining, at matibay ang paniniwala ko na sa talentong ito ay maipapakita ko rin ang espirituwal na pananalig ko.