mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Mick Hagen

  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen
  • Mick & Rachel Hagen

Tungkol sa Akin

Ako’y 27-anyos na Internet entrepreneur na nakatira sa San Francisco. Huminto ako ng pag-aaral sa Princeton University (mga anim na taon na) pagkatapos mag-freshman para simulan ang kumpanyang Zinch.com. Website ito na nag-uugnay sa mga estudyante sa kolehiyo o graduate school para makakuha ng scholarship. Mahigit 3 milyon ang user namin at mahigit 1,000 kolehiyo ang hawak namin. Sa ngayon mahigit 100 ang empleyado ng kumpanya at may opisina sa tatlong lugar. Patuloy pa rin ang paglago ng kumpanya. Magaling ang management team namin sa Zinch. Nitong kamakailan ‘di na ako gaanong nakatutok dito araw-araw para masimulan ko ang isang bagong kumpanya. Hindi pa ito nailulunsad, pero ito’y isang consumer mobile app. Mahilig akong lumikha ng bagay na kapaki-pakinabang at magtayo ng mga kumpanya. Hindi ako magsasawang magtayo ng mga kumpanya. Gustung-gusto ko ang teknolohiya at Internet. Bukod sa pagnenegosyo, hilig ko rin ang sports. Naglaro ako ng basketball sa high school at hilig ko pa rin ito ngayon. Mahilig din akong sumayaw. Dati akong miyembro ng hip-hop dance group sa Princeton. May dance video kami ng asawa ko sa YouTube na mahigit 2 milyon na ang views. Mahilig akong magbiyahe at tuklasin ang mundo. Nakakatuwa ang matututuhan mo sa iba’t ibang kultura at kapaligiran. At masaya ako na ako’y isang asawa at ama. Mahal ko ang anak ko nang higit kaysa anumang bagay sa mundo. At pangarap ko ring maging rapper. Gusto ko ng hip-hop at mga tugmang himig at salita. Siguro, balang-araw. :)

Bakit Mormon Ako

Siguro, kaya Mormon ako ay dahil sa ligayang hatid nito sa akin. Kapag sinusunod ko ang mga turo ng Mormon—paglilingkod sa Diyos, paglilingkod sa kapwa, mabuting pamumuhay—lalong napupuno ng kahulugan, layunin, at magandang pananaw ang buhay ko. Namumuhay ako na may mas magandang pananaw at tiwala na nasa tabi ko ang Diyos. Dama kong malakas ako at may kontrol. Kapag pinaglilingkuran ko at sinisikap na tulungan ang iba, naiisip ko ang ibang tao, at nalilimutan ko ang mga pagkakamali ko o problema. Mas maganda ang pananaw ko at nakikita ang galak at ligaya na dapat kong madama bawat araw. Dahil sa mga turo nailalagay sa ayos ang magulo at walang direksyong pamumuhay. Mas natutuon ang pansin ko sa bagay na pinakamahalaga. At dama kong kaya ko, sa tulong ng Diyos, na gawin ang lahat ng nais kong makamit. Gusto Niyang magtagumpay ako. Gusto Niyang maging maayos ako at gumawa ng mabuti. Tiwala ako na basta naglilingkod ako sa Kanya at inaalala ang pinagmumulan ng lahat ng aming biyaya, lagi akong pagpapalain (minsan hindi lang sa espirituwal na bagay). Ang pagiging Mormon ang nakatulong para maunawaan ko ang pananaw na ito. At talagang ikinatutuwa ko ito. Pinagtibay ng Espiritu Santo na ito ang katotohanan. Maraming beses ko nang nabasa ang Aklat ni Mormon, at ipinagdasal ko kung totoo ito, at kung totoong propeta si Joseph Smith. Hindi ko maikakaila ang nadama ko. Inantig ng Epiritu Santo ang puso ko at pinagtibay na ito ay totoo. Sa pagiging Mormon, nakilala ko ang Diyos, at nadama ang Kanyang awa at pagmamahal.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Higit sa lahat, sinisikap kong maging mabuting asawa at ama. “Walang tagumpay sa mundo na makahahalili sa kabiguan sa tahanan,” sabi ni David O. Mckay. Sinisikap kong mahalin at paglingkuran ang pamilya ko sa abot ng makakaya ko. Gusto ko maganda ang relasyon naming mag-asawa at mapalaki ang mga anak ko na gustong maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Madalas nagkukulang ako. Hindi ako perpekto. Mahirap balansehin ang mga responsibilidad sa buhay. Pero sinisikap ko … at iyan ang inaasahan ng Diyos. Gusto Niyang gawin natin ang lahat sa abot ng makakaya natin. Laging sapat ang buong kakayahan natin kapag nasa gawain tayo ng Diyos. Ang isang napakaganda sa Simbahang Mormon ay ang kusang paglilingkod ng mga namumuno, wala silang bayad. Lahat kami may oportunidad na maglingkod sa iba’t ibang tungkulin. Puwedeng ngayon nagtuturo ka sa maliliit na bata, at sa susunod pamumunuan mo naman ang buong kongregasyon. Lahat kami nakakapaglingkod, at nagbabago ang mga tungkuling ibinibigay sa amin. Volunteer kaming lahat. Hindi kami binabayaran. Ginagawa namin ito dahil ibig naming maglingkod at tumulong sa iba. Isa ito sa malalaking pagpapala ng pagiging Mormon. Dahil dito lalo akong umuunlad, na hindi ko magagawa sa ibang paraan. Naranasan ko nang pamunuan ang iba’t ibang grupo sa Simbahan. Isa sa mga pinakagusto ko sa lahat ay ang pagbisita sa mga pamilya sa kanilang tahanan. Mas nakikilala ko ang pamilya nila, nalalaman ang mga tagumpay nila, mga problema, ang nangyayari sa buhay nila. Mahal ko ang mga tao at ang pagkakaiba-iba nila. Natututo ako sa kanila at umuunlad na kasama nila. Bilang lider, naroon ka para maglingkod—tumulong at magbigay-inspirasyon at manghikayat sa lahat ng paraan. Natuklasan ko na ako mismo ang nahihikayat. Nalaman ko na sa paglilingkod ko, ako ang natuturuan kaysa ako ang nagtuturo sa iba. Ako ang nabibigyan sa halip na ako ang magbigay-inspirasyon. Nakakatuwa kung paano nangyayari iyon. Pero ang makilala ang mga tao, malaman kung ano ang buhay nila at kung ano ang nakahihikayat sa kanila, ang isa sa malalaking pagpapala ng paglilingkod sa Simbahan. At iyan ang nagbubuklod sa aming mga Mormon. Tapat kaming nagmamalasakit sa isa’t isa.