mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Lisa

  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi
  • Lisa Adachi

Tungkol sa Akin

Sa palagay ko masasabi mo na ako ay tipikal na babaing estudyanteng taga-Asia. Matataas ang nakukuha kong grado, nag-aalis ako ng sapatos pagpasok sa bahay at mahusay akong gumamit ng chopstick. Pero kapag tinanong mo ang ilang kaibigan ko sasabihin nilang hindi ako tipikal na babae. Gustung-gusto ko ang isang service organization na tinatawag na Operation Smile. Sa huling dalawang taon nakapag-ukol ako ng 1,100 oras ng paglilingkod para lamang maisulong ang gawain. Ang gawain ko sa organisasyong ito ay nagbigay sa akin ng dagdag na pagmamahal at pananaw sa buhay. Kasama ang ebanghelyo ni Cristo, talagang masasabi ko na higit ang naging epekto nito sa akin kaysa ibang bagay. Ikinintal nito sa akin ang hangaring maglingkod, at ipinaalam sa akin na maliligayahan ako nang husto sa buhay habang tumutulong sa iba. High school senior ako sa ngayon, at pinagbubuti ko ang aking pag-aaral. Malapit na akong magkolehiyo, at sabik na akong magkaroon ng mga bagong hamon at karanasan. Takot na takot ako sa lahat ng bagay na may balahibo, masugid na lider sa lahat ng bagay, at tagahanga ng Food Network. Ang unang dapat gawin sa edad ko ay gumawa ng profile sa Mormon.org. High school senior, Humanitarian, gustong maging journalist- Mormon.

Bakit Mormon Ako

Nabinyagan ako noong ako ay14 anyos, nasa ika-8 baitang pa lang ako sa middle school. Mormon ako dahil bago ako naparito sa mundong ito sumang-ayon ako sa Ama sa Langit na gagawin ko ang lahat para makabalik sa kanya. Alam ko na sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo ng katotohanan, ako ay dadakilain sa walang hanggang kaluwalhatian - ito lamang ang tanging paraan. Mormon ako dahil wala nang ibang makapagbibigay ng kaligayahan sa buhay na ito maliban sa mga tao, kaibigan, pagkakataon, patotoo at mga pagpapalang natanggap ko sa pamamagitan ng Simbahan. Buong katapatan kong masasabi na walang nagdudulot sa akin ng higit na galak o kapayapaan kapag nasisiphayo ako maliban sa mga bagay na natatagpuan ko sa Simbahang ito. Ang mga taong nakapaligid sa akin ay ilan sa malalaking tagasuporta ko. Ang mga Banal na Kasulatan (na kinabibilangan ng Aklat ni Mormon, ng Biblia, at ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang iba) ang nagbibigay sa akin ng mga banal na kasagutan, kaalaman na lahat ng bagay ay nangyayari gaya ng nararapat mangyari at ang mga pagsubok ay mga pagpapala. Nagpapasalamat ako na may alam ako tungkol sa buhay na walang hanggan at sa walang hanggang kasal. Nalaman ko lalo noong nasa hayskul pa ako na halos imposibleng makaagapay sa buhay kung wala ang Simbahan sa aking buhay. Puno ng hirap at pagsubok ang panahong iyon. Napakarami ng mga inaasahan at pamimilit maging sa pinakamatalik mong mga kaibigan na lumayo sa landas ng katotohanan at kabutihan. Kahit nakagawa ako ng ilang hindi magagandang desisyon, alam kong maaari akong magsisi at makahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng Ama sa Langit. Hindi niya ako sinasadyang pahirapan, sa halip, binibigyan niya ako ng mga pagsubok na alam niyang makakaya ko para na rin sa ikabubuti ko. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit Mormon ako. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo napagtibay sa akin na tanging sa Kanyang plano tunay na makakamtan ko ang aking tunay at ganap na potensiyal. Mahal na mahal ko ang Ebanghelyo, at utang ko rito kung sino ako ngayon at ano ang mararating ko pa.

Personal na mga Kuwento

Mangyaring ibahagi ang iyong damdamin/patotoo tungkol sa Panunumbalik ng Ebanghelyo.

“Dahil alam kong siya ay buhay…” itinanong ito sa akin sa Seminary (isang klase sa labas ng paaralan na pinapasukan ko rin kasama ang mga estudyanteng kaedad ko para matuto, umunlad at magturo). Mahirap sagutin ang tanong na ito nang hindi ito sinasalungat. Iniba ko ang tanong at sinabing “Kung alam kong hindi Siya buhay…” KUNG ALAM KO na hindi Siya buhay, at ALAM KO na hindi ibinalik ang Ebanghelyo sa mundo -- kung malakas ang patotoo ko sa mga bagay na iyon, alam kong kaunti lang ang gagawin kong pagsisikap. Alam kong hindi ako magiging ganito katatag ngayon. Alam kong malulungkot ako, at sa oras ng kalungkutan ay makadarama ako ng depresyon at kawalan ng pag-asa. Alam kong hindi ko magagawang magmahal at maglingkod, at alam kong hindi ko sisikaping makamit ang mas mabubuting bagay sa buhay. Kung alam kong hindi totoo ang Plano ng Kaligtasan, alam kong mawawalan ako ng pag-asa na makasama pa sa kabilang-buhay ang mga taong mahal ko. Kung naniniwala akong hindi maaaring maging walang-hanggan ang mga pagsasama ng mag-asawa at mga pamilya, malulungkot ako nang todo. Kung alam kong wala akong malalapitan para hingan ng tulong sa bawat aspeto ng buhay ko, kung alam ko na walang nakaaalam sa mga alalahanin ko at dumirinig sa bawat panalangin ko--- mawawalan ng saysay ang buhay ko. Magiging napakasakit. Wala nang magagawa pa. Mawawasak ito. Mabuti na lang at alam ko sa puso ko’t isipan na mayroon akong maawaing Ama sa Langit na nais na makabalik ako sa Kanya. Alam kong ako ay malakas, pinili at hinirang na anak na mapalad na naparito sa lupa sa panahong ito para sa espesyal at banal na layunin. Alam ko na maaaring magkasama-sama magpakailanman ang aking pamilya, sa kawalang-hanggan at mabubuhay kaming maligaya magpasawalang-hanggan. Alam kong may nagmamahal sa akin nang higit kaysa kayang unawain ng sinuman- at pantay ang pagmamahal Niya sa atin. Alam ko na kahit ako lang ang tao sa mundong ito, mabubuhay at mamamatay pa rin Siya para sa akin. Alam kong may dahilan ang lahat ng pangyayari, at ang mga pagsubok ay angkop sa bawat isa sa atin. Alam kong paparating pa lang ang pinakamainam, at magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya at dahil sa kanya. Hindi lamang ilang bagay, kundi LAHAT ng bagay. Alam ko ang mga ito dahil alam kong Siya ay buhay.

Bakit nagmimisyon ang mga Mormon?

Ang gawaing misyonero ay isa sa mga pangunahing paraan na muling lumalapit sa Panginoon ang kanyang mga anak. Naniniwala kami na kilala at sinamba nating lahat ang Diyos sa langit. Ang mga missionary ay ipinadadala sa mga misyon sa iba’t ibang panig ng mundo upang ipalaganap ang Ebanghelyo at ipaalala sa lahat ng kanyang mga anak ang kanilang mga tipan sa Kanya. Hindi hinihiling sa lahat ng miyembro na magmisyon, ngunit hinihiling na lahat ng karapat-dapat ay magsakripisyo nang dalawang taon sa paglilingkod sa kanilang Diyos. Itinatanong ng marami sa mga kaibigan ko kung bakit hindi inuuna ng kalalakihan (mga Elder) at kababaihan (mga Sister) na nasa edad na para magkolehiyo ang pag-aaral o pagtatrabaho bago sila magmisyon. Sa pagsagot sa tanong na iyan, sisimulan ko sa pagsasabing malaki ang pagpapahalaga ng Simbahan sa edukasyon. Mababasa sa isa sa aming mga sagradong aklat na “Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli. At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.” Bagama’t angkop ito sa sekular na kaalaman, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng espirituwal na kaalaman, kung hindi man mas mahalaga, ay kasinghalaga nito. Bagama’t sakripisyo ang pag-uukol ng dalawang taon para magmisyon kung pag-aaral din lang ang pag-uusapan, naniniwala kami na ang mga pagpapala at kautusan ng Panginoon na ipangaral ang kanyang Ebanghelyo sa lahat ng sulok ng mundo ay talagang priyoridad. Ang mga pagpapalang natatanggap namin sa paglilingkod bilang misyonero (pagtutulungan at pagkakaisa, pag-iiskedyul ng oras, pagkukusa, serbisyo) ay tumutulong para mapalakas at suportahan ang sekular na pag-aaral. “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). May espesyal na bahagi ang mga missionary sa puso ko dahil ako ay direktang nakinabang sa kanilang gawain. Alam ko ang epekto ng mga kabataang misyonerong ito sa buhay ng maraming tao at naranasan ko ang galak at pagbabago ng landas na hatid nila sa mga tao, pamilya, at hanggang sa mga inapo. Sinusuportahan ko ang mga missionary sa pagsusulat ng mga liham ng panghihikayat, pagpapalaganap ng ebanghelyo online, at pagbibigay ng mga referral.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Sa ngayon, dalawa ang aking tungkulin sa Simbahan. Bahagi ako ng aming Stake Youth Council, na nagpaplano at nagpapatupad ng mga kaganapan para sa lahat ng kabataan ng aming stake. Pangalawa, ako ang namumuno sa lahat ng kabataang babae sa aming home ward area na nagsisimba sa parehong oras at may edad 12 hanggang 18 taong gulang. Pinamumunuan ko ang mga miting, tumutulong sa pagplano ng masasaya at nagbibigay-siglang mga aktibidad, at tinutulungan ang mga kabataang ito na lumago at umunlad sa tinatawag naming “mga Pinahahalagahan ng Young Women” na kinabibilangan ng Pananampalataya, Kaalaman, Mabubuting Gawa, Integridad at Kabanalan, at iba pa. Napagyaman at napagpala ng dalawang tungkuling ito ang aking buhay. Ang panahon at pagsisikap na iniuukol ko sa dalawang tungkuling ito ay natumbasan ng higit pang kaalaman at naikintal ito sa akin. Ipinamumuhay ko rin ang aking relihiyon sa pagsisimba, pagbabayad ng ikapu, at paglilingkod sa abot-kaya ko. Sinisikap kong ipamuhay ang nalalaman at natututuhan ko.