mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Ling Wai-yee (Linda)

  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling
  • Linda Ling

Tungkol sa Akin

Positibo ang pananaw ko sa buhay kahit mahirap at gipit. Sa pagganap sa tungkulin ng isang ina, responsibilidad sa trabaho, paglilingkod sa Simbahan, at personal na pag-unlad sa mundong matindi ang kumpetisyon, pagod na ako sa pagbalanse sa buhay ko, ngunit may isang bagay sa puso’t isipan ko na nagpapalakas sa determinasyon kong magpatuloy. Hilig ko ang musika, pagsasayaw, sining, pag-iisip, hiking, at paglalakbay sa mundo. Gusto ko ring makilala ang mga tao sa iba’t ibang antas ng buhay at malaman ang kanilang karanasan, pangarap, at inaasam, na magpapalakas sa aking espirituwalidad at magpapabago sa pananaw ko sa mga bagay-bagay. Naniniwala ako na pagmamahal, kabaitan, at awa ang hihikayat sa mga tao at mapapaganda nito ang mundo kung babaguhin ng mga tao ang puso’t isipan nila. Nais kong maging impluwensya para mapaganda pa ang mundo at mahikayat ang bagong henerasyon na mamuhay nang mabuti na may tiwala at paggalang sa sarili.

Bakit Mormon Ako

Bakit Mormon Ako? Naitanong ko na iyan sa sarili ko nang maraming beses nitong mga nakaraang taon. Nagsimula akong makipag-ugnayan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong tinedyer ako. Interesado ako noon sa relihiyon at hanga ako sa masisipag na missionary na nagsakripisyo ng kanilang oras, pera, pag-aaral, o trabaho at umalis sa bansa nila at nagtungo sa lupaing di pamilyar sa kanila para mag-aral ng bagong wika at ipangaral ang ebanghelyo. Dahil sa panghihikayat ng mga missionary, pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan, nagdasal ako, at dumalo sa mga miting ng Simbahan para magkaroon ng patotoo. Dahil tutol ang mga magulang ko sa pagsali ko sa mga aktibidad ng Simbahan, tatlong taon akong naghintay para mabinyagan at magkaroon ng patotoo. Matapos akong binyagan, narinig ko ang marahan at banayad na tinig na paulit-ulit na sinasabi sa akin na sundin ang mga utos, at nag-alab ang puso ko. Bigla kong nalaman na nasaakin ang Espiritu at gagabayan ako. Kahit ngayon, sariwa pa ang alaalang ito at nag-aalab pa rin ang puso ko. Sa paglipas ng panahon, dumanas ako ng maraming pagsubok na nagpanatili ng aking pananampalataya at pagkatao bilang Mormon sa iba’t ibang yugto ng buhay, propesyon, at lipunan. Kahit nakapagmisyon ako, napakalakas ng tukso sa buhay na ito kaya kailangang batid ko ang mga bitag ng mundo sa lahat ng oras. Kapag tapos na ang saya at nariyan na ang mga pagsubok sa buhay, at kapag mag-isa kang nakikibaka sa mga tukso at kahirapan, itinatanong ko sa sarili ko kung bakit Mormon ako at hindi iba ang relihiyon ko o hindi ordinaryong tao na tila madali ang buhay at kakaunti ang tungkulin. Gayunman, pinapanatag ako ng marahan at banayad na tinig at tinitiyak sa akin na tama ang pasiya ko. Kapag may kapayapaan at kagalakan ako sa ebanghelyo, natatanto ko na ang mga kautusan ay mga kalasag na poprotekta sa akin mula sa mga kamalian at kasamaan at malaya akong kumilos nang walang takot dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinagmamalaki ko at masaya ako na Mormon ako dahil ang Diyos ay buhay, ang Simbahan ay totoo, ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at napakahalaga ng mga ito sa akin.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ang pamumuhay nang may pananampalataya at pagtitiis hanggang wakas ay isang malaking hamon dahil kailangan ang mahigpit na disiplina sa sarili, tiyaga, pananampalataya, at karunungan upang patuloy na manalig. Halos 40 taon na akong miyembro, at kapag naiisip ko kung paano ko ipinamumuhay ang relihiyon ko, natatanto ko na may tatlong aspeto ang karanasan ko. Una, manatiling malapit sa Panginoon. Kapag laging nag-aalala ang tao sa mga temporal na bagay tulad ng paghahanap-buhay, pag-aalaga sa kapamilya, pagtupad sa mga obligasyon sa iba, at pagkumpleto ng mga kailangang gawin sa trabaho, madaling maguluhan at unti-unting mapalayo sa simbahan dahil lahat tayo ay nilalang na may mga kahinaan. Para manatili akong espirituwal, lagi akong nagdarasal sa Diyos, nag-aaral ng banal na kasulatan, naglilingkod sa Simbahan, at nagpupunta sa templo para mapasaakin ang Banal na Espiritu at manatili akong malapit sa Diyos. Pangalawa, maglingkod sa aking kapwa sa Simbahan at komunidad. Natutulungan ako ng paglilingkod na maging di-makasarili at mas maunawaan ang pangangailangan ng iba. Bumibisita ako sa mga maralita at nangangailangan, nagpapatotoo, itinuturo ang ebanghelyo, at may mga programa ako para sa mga bata, kabataan, at kababaihan. Kamakailan ay sumama ako sa pagkakawanggawa sa mga inang walang asawa na mababa ang kinikita at maralitang mga pamilya sa China para turuan silang tumayo sa sariling paa at pagandahin ang kalidad ng buhay nila. Ang mga paglilingkod na ito ay nagpalawak sa pananaw ko sa buhay at nagpalakas sa pananampalataya ko kaya mas nauunawaan ko ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang huli, magnilay-nilay. Ang pagninilay ay nagpapalakas ng pananampalataya. Kapag nagninilay ako, nakikita ko ang aking kalakasan at mga kahinaang dapat paglabanan para lalo akong umunlad at maging mas mabuting Kristiyano. Hangad ko lalo na maging katulad ng Diyos, na humihikayat sa akin na mamuhay nang may pananampalataya sa nakaraan at sa hinaharap. Kahit hindi ako perpekto, ang pagsampalataya ay nagbiibigay sa akin ng pag-asang magpakahusay at maniwala na mas malaki ang magagawa ko kung patuloy akong magsisikap.