mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Kirk Taylor

  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor
  • Kirk Taylor

Tungkol sa Akin

Noong bata pa ako, gaya ng maraming batang paslit, pinangarap kong maging rock star. Pangarap ko pa ring maging rock star. Siguro hindi na mangyayari iyan ngayon. Gayunman, labis akong nagagalak sa musika. Nagtuturo ako ng piyano at propesyonal na tumutugtog simula noong hayskul. May performing arts studio kaming mag-asawa at napaliligiran kami ng matatalinong musician araw-araw. Nakakatuwang maging bahagi ng tagumpay ng isang bata sa musika. Muntik nang masira ang pangarap namin nang magpakasal muna kami at iniwan ko ang musika para magtrabaho bilang stockbroker. Pagkaraan ng limang taon sa isang miserableng trabaho, natanto ko sa huli na ang aking layunin at kaligayahan ay nasa musika. Sa trabaho ko bilang stockbroker nang limang taon, malaki ang itinaba ko. Nang umalis na ako sa opisina upang gawin ang talagang gusto ko, alam ko na kailangan kong magbawas ng timbang. Ipinangako ko sa sarili ko at sa Panginoon na gagawin ko ang lahat para bumalik ang dati kong katawan. Nagsimula akong tumakbo nang tatlong araw sa isang linggo. Pagkaraan ng isang taon natapos ko ang isang half-marathon. Kalaunan sa taon ding iyon isang marathon at dalawang triathlon ang sinalihan ko. Simula noon ay walong beses ko nang natapos ang Ironman. Gayunman, pinakamahalaga sa buhay ko ang pamilya ko. Mahilig akong magbasa, maglaro ng mga video game at Lego, mag-swimming, mag-hiking, at magbisikleta kasama ang mga bata. Gustung-gusto kong sama-sama kaming nag-aalmusal! Napakapalad kong magkaroon ng napakabait na asawa at pamilya. Lubos ang pasasalamat ko sa mga pagpapala araw-araw na natatanggap ng aming pamilya dahil sa aming pagmamahalan at pananampalataya.

Bakit Mormon Ako

Sumapi ang mga magulang ko sa Simbahan noong bagong kasal sila. Isinilang ako sa relihiyong ito at lumaking laging nagsisimba. Naging opisyal na miyembro ako ng Simbahan nang mabinyagan ako sa edad na walo. Talagang nagkaroon ako ng pananampalataya sa panahong ginagawa ko ang ipinagagawa sa akin ng Diyos. Naniniwala ako na si Joseph Smith ay totoong propeta, na nagkaroon ng mahimalang karanasan noong kanyang kabataan, at mapalad akong malaman ang katotohanan. Pero bata pa ako noon, at ang “patotoo” ko sa ebanghelyo ay bago at katiting pa lang. Nang mag-aral ako sa hayskul, hindi na aktibo ang pamilya ko sa simbahan. Pakiramdam ko may kulang sa buhay ko, at damang-dama ko na hindi ako kasingsaya na tulad ng dati. Ilang kaibigan ko sa simbahan ang naghikayat sa akin sa huli na mag-seminary (early-morning scripture study class para sa lahat ng miyembro ng Simbahan na edad–hayskul). Napansin ko na talagang masasaya ang mga batang ito, at gustung-gusto ko ring madama iyon. Naisip ko, “Siguro dapat kong sikaping gawin ang mga bagay na natutuhan ko. Dadalasan ko ang pagdarasal, babasahin ko ang mga banal na kasulatan, mas sisikapin kong sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas bawat araw.” Sa paglipas ng mga araw at linggo, nakita ko ang tunay na pagbabago sa buhay ko. Nakadama ako ng kapayapaan. Nakadama ako ng tunay na galak at kaligayahan. Nalaman ko na dinirinig at masasagot ang aking mga dalangin. Nalaman kong totoo ito! Ang mga araw at karanasang iyon ang nagpabago sa buhay ko. Kalaunan ay naisip ko, “Kung didinggin at sasagutin ng Diyos ang aking mga dalangin, diringgin at sasagutin Niya kahit sino.” Gusto kong ibahagi sa lahat ang kamangha-manghang katotohanang ito, at iyan ang pinakamatindi kong hangarin. Pagkaraan ng ilang taon nakapaglingkod ako bilang full-time missionary sa Simbahan. Hindi ko alam na magiging napakaligaya ko. Kamangha-mangha, at napakagandang karanasan ang maglakad sa maalikabok na daan araw-araw, na ibinabahagi ang ebanghelyo at nagagalak na makitang natutuklasan ng iba ang katotohanan. Ako’y Mormon dahil talagang naniniwala ako na ito ay totoo, sa pamamagitan ng mga espirituwal na karanasan at araw-araw na pamumuhay.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ang pamumuhay ayon sa pananampalataya para sa aming pamilya ay nagsisimula roon mismo: sa aming pamilya. Bilang pamilya, binabasa namin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Nagsimula kami noong Ene. 1, 2009, at hindi pa kami pumalya simula noon. Kung minsan nagbabasa kami sa kotse pauwi kapag ginagabi kami mula sa isang baseball game—mabuti na lang at may mga banal na kasulatan sa mga smartphone! Nagdarasal kami araw-araw bilang pamilya, na nakaluhod, at bawat bata ay nagdarasal, at isa sa amin ang nag-aalay ng “panalangin ng pamilya.” Nagagalak kaming magsimba tuwing Linggo. Palagay ko okey lang sa aming lahat na tatlong oras kami sa simbahan, dahil ang Linggo ay araw ng Panginoon, at may mas maganda pa bang paraan para “mapanatiling banal ang Sabbath” kaysa makibahagi sa aming mga grupo at klase sa simbahan? Nag-aayuno rin kami buwan-buwan. Ibig sabihin hindi kami kumakain o umiinom sa loob ng dalawang kainan. Sinisikap naming gawin iyon nang 24 oras, at medyo mahirap iyon. Pagkatapos ay nagbibigay kami ng “fast offering” sa Simbahan para tulungan ang mga nangangailangan. Nagbabayad din kami sa Simbahan ng ikapu na 10 porsiyento ng aming kita para makatulong sa pagtatayo ng mga templo at chapel. Bihirang lumipas ang linggo na wala kaming aktibidad sa Simbahan. Kasali ang mga anak naming lalaki sa Cub Scouts sa grupo nila sa Simbahan, at ang asawa ko ay nakikihalubilo sa kababaihan sa simbahan minsan sa isang buwan para sa nakasisiglang mga aktibidad. Ang isa sa mga bagay na maganda sa aming Simbahan ay ang katotohanan na lahat ay may gawain, o “tungkulin,” na gagampanan bilang paglilingkod at pagbibigay. Walang binabayaran sa kanilang panunungkulan. Ang mga tungkuling ito ay ibinibigay sa bawat miyembro sa pamamagitan ng kanilang bishop. Mapalad akong makapaglingkod bilang seminary teacher nitong huling walong taon. Ang seminary ay scripture study program para sa lahat ng miyembrong edad–hayskul. Nagkaklase kami nang isang oras araw-araw bago pumasok sa paaralan. Gustung-gusto kong magturo sa seminary dahil mas malalim kong napag-aaralan ang banal na kasulatan araw-araw at naibabahagi ko ang aking pananampalataya sa mga kabataan. Napakagandang makitang lumalakas ang kanilang pananampalataya. Ang ibig sabihin ng ipamuhay ang aming pananampalataya ay sisikapin naming gawin ang tama araw-araw.