mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Judy

  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock
  • Judy Brock

Tungkol sa Akin

Lumaki ako sa Jersey, pero umibig ako sa lalaking taga-timog, at napunta na ako sa timog ng Mason-Dixon line simula noon. Noong dalagita pa ako, may bar ang tatay ko sa 8th and Market Street sa Philly, kung saan namin pinanonood ang Mummers Parade sa Bagong Taon. Tuwing summer nasa dalampasigan kami at gustung-gusto namin ang clam chowder ng lola ko. Ngayo’y ipinagpalit ko na ang dalampasigan sa mga lawa sa bundok ng Blue Ridge at mga Lowcountry boil. Namimingwit kami ng mga bass fish sa halip na mga blue fish at sinasabing “y’all” sa halip na “all you guys.” Kaming mag-asawa ay maligayang nagsasama sa loob ng 26 taon. Nabiyayaan kami ng tatlong mababait na anak at ng mababait ding mga manugang. Masarap mabuhay, kahit maraming naging pagsubok, at lagi akong naghahanap ng paraan para ipagdiwang ito. Ang isang gusto ko ay alisin ang karahasan laban sa kababaihan. Mahigit 20 taon na akong volunteer sa bahay-tuluyan ng mga babaeng biktima ng karahasan. Mahilig din akong magluto ng almusal kahit hindi ako ang pinakamahusay magluto. Noong maliliit pa ang mga anak namin, hindi nila sinasabi ang salitang S, “sunog,” sa takot na magdamdam ako. Hanggang ngayon, sa halip na sabihing sunog ay sinasabi naming, “Ay, tustado,” at ngingiti na! Napakahilig ko sa tubig, karagatan man ito, lawa, talon, ulan, o natipong tubig … may isang bagay na umaakit sa akin sa tubig. Ako’y mahilig sa cardigan at tsinelas at gusto ko ang mahigpit na yakap. Sa loob ng mahigit 10 taon nasiyahan din akong makasama ang mga estudyante sa elementarya. Nakakatawa ang mga biro nila, at alam ng lahat na gustung-gusto ko ito!

Bakit Mormon Ako

Kahit parang milyon ang mga dahilan kung bakit Mormon ako, simple lang, sa puso ko ay naniniwala ako na mas malapit ako sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo dahil Mormon ako. Lumaki ako na half agnostic, half Mormon. Agnostic pa rin ang tatay ko, at palagay ko mas nauunawaan ko na kung bakit. Nagdududa lang siya sa mga motibo sa pera ng mga organisadong relihiyon, at sa tingin niya lahat ng “tanong na di nasagot” ay talagang hindi masasagot. Para sa akin, sinasagot ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng “tanong na hindi nasagot,” at walang problema sa motibo dahil walang bayad ang mga pastor namin. Lahat kami ay tumutulong, mula sa pagtuturo sa Sunday School hanggang sa pagkumpas sa choir. Ang mga programa at gawain ng Simbahang ito ay nagbigay sa akin ng plano sa buhay. Halimbawa: Sa pagsunod sa mga alituntunin ng Word of Wisdom, mas malaki ang pagkakataon kong mabuhay nang walang adiksyon. Sa pagtutuon sa pamilya at mga programang gaya ng family home evening, date night, at mga panalangin ng pamilya, may direksyon kaming sinusundan para mapatatag ang aming pamilya at mas malabanan ang mga tukso ng mundo. Ang aming programa sa masinop na pamumuhay ay naghihikayat ng paghahanda para sa emergency, pamumuhay ayon sa aming kinikita, at pag-iipon para sa panahon ng taghirap. Napakaraming bagay tungkol sa Simbahang ito na gustung-gusto ko. Nauunawaan ko na ang isang binatilyong 14 anyos ay malilito kung aling simbahan ang sasapian, lalo na sa kanyang panahon. Sa apat na sulok ng kanyang bayan ay may apat na iba’t ibang simbahan, at lahat ng mangangaral sa kanto ay pilit na kinukumbinsi ang mga tao na sumapi sa kanilang simbahan. Lubos akong nagpapasalamat na lumuhod siya sa kakahuyan at nagtanong sa ating Ama sa Langit kung aling simbahan ang sasapian. Dahil sa Malawakang Apostasiya pagkamatay ni Jesus, kinailangang ibalik ang Simbahan ni Cristo, at dumating na ang panahong iyon. Ang pagsasalin ng mga laminang gintong natagpuan ni Joseph Smith na nakabaon sa gilid ng bundok, na kilala bilang Aklat ni Mormon, ay isa sa pinakamahalaga kong pag-aari. Napakagandang gabay nito sa buhay ko! Sa madaling salita, naniniwala ako na maaabot ko ang pinakamabuting kahihinatnan ko, makapamumuhay nang napakaganda, at ang lahat ng ito ay dahil sa Mormon ako.

Personal na mga Kuwento

Sa anong mga paraan nasagot ang iyong mga panalangin?

Ang totoo, ang dasal na hindi nasagot ang nagturo sa akin kung paano sinasagot ang mga dalangin. … Isang gabi ilang taon na ang nakalilipas, puno ng pamimilit ang dasal ko, isang dasal na desperado kaya masasabi kong para akong nag-uutos. Nasa daan ako papunta sa burol ng isang kaibigang kamamatay lang. Habang nagmamaneho, isang bata ang tumakbo sa harapan ng kotse ko. Ang pagbangga ang nagpabago sa buhay ko at kumitil sa kanyang buhay. Nang kumalat ang balita tungkol sa aksidente sa mataong kalsadang iyon, nagmakaawa at nagsumamo ako sa Diyos na iligtas siya. Sabi ko sa sarili ko, “Isang binhi ng mustasa, iyon lang ang kailangan, ang pananampalatayang kasing-laki ng binhi ng mustasa.” Alam kong gayon ang aking pananampalataya. Naniwala ako na gayon ang aking pananampalataya. Sa patuloy kong pagsamo sa langit, naging malinaw sa akin na masama na ang sitwasyon. Binibigyan ako ng pag-asa ng mga paramedic, pero nakikita sa kanilang mukha ang kawalang-pag-asa. Lalo akong nanalangin at mas mabilis na nagmakaawa. Karapat-dapat ako sa himala, di’ ba? Naniwala ako na maghihimala ang Diyos para sa musmos na ito. At nang lumipad ang Life Flight helicopter at tumingala ako sa langit, naisip ko ang mga salitang “ipaubaya mo na.” “Hindi!” naisip ko. “Hindi!” Nagmakaawa pa ako ngunit alam ko sa puso ko na pagsuko sa kalooban ng Diyos ang kailangan kong gawin. Hindi ko naisip kailanman na ang pagdarasal na iligtas ang kanyang buhay ay hindi magiging kalooban ng Panginoon. Namatay siya kinabukasan. Nagdarasal pa rin ako nang may pananampalataya, ngunit ngayon ay may pagsuko na sa Kanyang kalooban. Hindi ko ipinapalagay na alam ko ang pinakamainam. Hindi ko na idinidikta sa Diyos ang gagawin. Nagdarasal ako batid na ako ang kailangang magbago, hindi Siya. Minsan narinig ko na “ang mga dasal na nasagot ay nagpapalakas ng pananampalataya, at ang mga dasal na hindi nasagot ay nagpapasakdal sa pananampalataya.” Naniniwala ako diyan at natitiyak ko na patuloy akong magkakaroon ng mga pagkakataon na sumampalataya. Maraming himalang nangyari mula sa trahedyang iyon, hindi nga lang iyong ipinagdasal ko. Nalaman ko na ang pagdarasal ay naghahatid ng mga pagpapalang naghihintay na maibuhos sa akin. Kailangan ko lang buksan ang mga mata ko para makita ang mga ito!

Maaari ka bang magkuwento tungkol sa iyong binyag?

Nabinyagan ako noong 10 taong gulang ako. Binisita ko ang pamilya ko sa Wyoming, kung saan ibinalot ako ng nanay at mga tita ko sa puting kumot. Binutasan nila sa gitna ang kumot para lumusot ang ulo ko at pagkatapos ay tinalian ng lubid ang baywang ko para makagawa ng damit-pambinyag. Nang lumusong ako sa natunaw na snow ng Crow Creek, akala ko mamamatay ako sa lamig. Mga huling araw na iyon ng Agosto, pero kasing-lamig ng tubig ng Enero. Nang umahon ako mula sa ganap na pagkalubog, hanggang tuhod ko ang putik na yelo. Mabilis akong iniahon ng tito ko sa pampang ng ilog, kung saan ibinalot ako sa makapal na kumot at iniupo sa troso. Sa trosong iyon ko naunawaan ang tungkol sa Espiritu Santo. Itinuro sa akin na ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos, ang miyembrong kilala bilang Mang-aaliw. Habang nakaupo roon na nababalot ng makapal na kumot, nadama ko kung paano mabalot sa pagmamahal ng ating Mang-aaliw. Para sa akin Siya ay isang kaibigan sa langit na makakapiling ko basta’t namuhay ako nang marapat sa kaloob na iyon. Habang nakabalot ng kumot, nadama ko ang pagmamahal na sumaakin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Para akong ibinalot nito sa kumot na iyon, minamahal, ligtas, at payapa habang ako ay nabubuhay. Alam ko na ngayon na maraming beses na akong pinanatag ng Mang-aaliw na iyon sa mahihirap na oras sa buhay ko. Sinisikap kong mamuhay nang marapat sa Kanyang presensya araw-araw. Ang mga pahiwatig na piliin ang tama, iwasan ang panganib, palambutin ang matigas na puso, o aliwin ang nalulungkot ay pawang mga pagpapala ng araw na iyon sa malamig na tubig ng Crow Creek!

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Sa aming komunidad, mga tatlong gabi sa isang linggo, nagbo-volunteer ako para tumulong sa lokal na programa laban sa karahasan sa pamilya. Mahigit 20 taon ko na itong ginagawa, at mahal ko ang mga pinaglilingkuran ko. Nagpupunta ako sa mga lokal na ospital at pinapanatag ko ang mga biktima at kanilang mga kapamilya mula sa trahedya ng panggagahasa. Nagsimula akong magboluntaryo sa programa laban sa karahasan sa tahanan noong 1990, nang gustuhin ng asawa ko na ituon ang aming New Year’s resolution sa paglilingkod. Naisip ko na nababaliw siya. Tatlo ang trabaho niya para sa bahay lang ako at maalagaan ang mga bata. Paano pa namin maisisingit ang paglilingkod? Pinili niya ang Habitat for Humanity, at naisip ko, “Kung ayaw kong magsuot ng tool belt sa susunod na 52 Sabado, mabuti pang humanap ako ng bagay na gusto kong gawin.” Kaya alanganin akong nagdasal sa langit na patnubayan ako sa pagsisikap na maglingkod. Akalain mo, kahit pala ang mga alanganing dasal ay sinasagot. Noon mismo may nabasa akong artikulo sa lokal na pahayagan na naghahanap ng mga volunteer para sa kanlungan ng mga babaeng biktima ng karahasan. Agad kong nalaman na natagpuan ko na ang layunin ko sa buhay. Ang lola ko ay biktima noon ng karahasan sa tahanan. Noong 1940s, matapos itulak sa hagdan at malaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan, diniborsyo niya ang lolo ko, nag-aral siya sa kolehiyo, at mag-isang pinalaki ang tatay at tito ko. Hindi naging mapalad ang lola ng asawa ko. Siya rin ay biktima ng karahasan sa tahanan. Gayunman, namatay siya sa kamay ng kanyang asawa. Kaya ngayon ay inilalaan ko ang aking panahon at lakas alang-alang sa kanila at sa pag-asang mapalaya ang kababaihan mula sa karahasan. Ang paglilingkod ko ay sinusuklian nang sampung beses. Mas mabuting tao na ako pagkatapos kong maglingkod. Mas mahigpit na ang yakap ko sa aking asawa. Nabawasan ang pag-angal ko, at araw-araw na akong nagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya. Ako ang pangulo ng organisasyon ng kababaihan sa aming kongregasyon. Ang tawag dito’y Relief Society. Ang aming motto ay “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.” Bilang grupo ng kababaihan na kahanga-hanga at iba-iba ang personalidad, sama-sama kaming naglilingkod sa isa’t isa at sa aming komunidad.