mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Jenny

  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess
  • Jenny Hess

Tungkol sa Akin

Hilig ko ang magkamping, mag-hiking, magbisikleta, mag-explore, mag-rock climbing, lumangoy, o maglaro sa labas ng bahay kasama ang aking pamilya. Kapag wala ako sa labas, hilig ko ang mag-quilt. Gusto ko sa lahat na gawan ng quilt ang mga gawang-sining ng mga anak ko, nakadrowing man ito gamit ang pangmarka ng tela o binurdahan ko. Nakatutulong ito para maipreserba ko ang isang sandali habang maliliit pa ang mga anak ko.

Bakit Mormon Ako

Mormon ang mga magulang ko, kaya lumaki ako sa Simbahan. Noong tinedyer ako nagsimula akong magtanong tungkol sa maraming paniniwalang ito dahil ayaw kong mapabilang sa isang simbahan dahil lang sa miyembro dito ang mga magulang ko. Binasa ko ang Biblia at binasa ko ang Aklat ni Mormon at nanalangin ako. Habang tumitibay ang ugnayan ko sa Diyos natuklasan ko na nadarama ko kapag ginagabayan Niya ang isipan at damdamin ko. Sinikap kong makahiwatig para malaman ko ang paggabay ng Diyos sa aking buhay. Natuklasan ko na naniniwala rin ako sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nalaman ko na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos at nadarama ko pa rin iyan kapag binabasa ko ang mga ito, at mas maganda ang pakiramdam ko sa aking sarili ko at nakapagpapasya nang mas mabuti. Bakit ako miyembro ngayon? Dahil sa mga ordenansa tulad ng binyag, gumawa ako ng mga tipan sa Diyos na tapat kong susundin. Tinupad ng Diyos ang Kanyang ipinangako sa akin at nais kong tuparin ang ipinangako ko sa Kanya. Mahal ko ang Panginoong Jesucristo, at ang aking Ama sa Langit. Alam kong gumawa sila ng plano para sa akin at sa aking pamilya. Labis ang galak ko na naparito si Jesus sa mundo upang mamatay para sa akin at maisakatuparan ang Kanyang bahagi sa planong iyan. Dahil sa Kanyang sakripisyo makababalik ako at ang aking pamilya sa Kanyang piling at kasama ang lahat ng mahal ko sa buhay na pumanaw na, at labis kong pinasasalamatan iyan. Bakit Mormon Ako? Dahil sa pagtanaw ng utang na loob. Dahil sa pagmamahal. At dahil sa kagalakan at kapayapaan ng kalooban na nadarama ko sa pagsunod sa nalaman kong totoo.

Personal na mga Kuwento

May maiisip ka bang partikular na pagsubok sa iyong pamilya na nakatulong ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo upang makayanan ito?

Ako’y 16 na taon nang kasal sa kahanga-hangang lalaki na mahal na mahal ko. May lima kaming anak na gustung-gusto naming kalaro. Babae ang panganay namin, na sinundan ng apat na malilikot na lalaki. Marami kaming katuwaan at masayang-masaya kami kapag magkakasama kami. Noong Enero 1, 2008, nakabakasyon kami nang ang aming apat na taong gulang na anak na si Russell ay namatay sa isang aksidente sa sled. Nabigla kami. Natulala kami. Hindi kami makapaniwala sa nangyari. Agad naming pinlano ang biyahe namin pauwi, at agad ding inisip kung ano ang gagawin sa burol at libing. Nang kami ng asawa kong si Kirk ay nasa emergency room at nagpapaalam na sa aming anak, nadama namin ang pag-alo ng ating Ama sa Langit. Kahit na labis ang kalungkutan namin, kapwa kami nakatanggap ng patunay na bahagi ito ng plano ng ating Ama sa Langit para sa aming pamilya. Mahirap ilarawan kung gaano kasakit ang nadama namin habang nadarama ang katiyakan na mahal kami ng ating Ama sa Langit. Dama namin ang Kanyang pangangalaga at pagmamalasakit. Halos parang yakap Niya kami sa Kanyang bisig at kasama naming tumatangis. Sagradong sandali ito para sa amin nang tanggapin naming wala na ang aming anak at ipinaubaya na siya sa Kamay ng Panginoon. Marami akong masaya at malungkot na karanasan mula nang araw na iyon. Ang totoo, mas marami ang malulungkot na sandali. Napakahirap para sa akin ang mabuhay nang wala siya. Nahirapan akong labanan ang depresyon na noon ko lang naranasan. Maraming araw na hirap akong bumangon, at basta nakahiga lang ako. Bagama’t pinasasalamatan ko ang mga doktor na nagsikap na mailigtas ang buhay ng anak ko, ang makita ang pagkamatay ng anak ko ay matinding trauma sa akin. Minsan bigla na lang akong nagpapanik, nababalisa, hindi makatulog, at hirap makaagapay sa buhay. Mahirap ang maging mabuting Ina sa mga anak ko, pero ginawa ko ang lahat sa abot ng makakaya ko. Sa unang taon na iyon maraming beses akong tapatang nakipag-usap sa aking Ama sa Langit. May panahon na sinasabi ko sa Kanya kung gaano ang galit ko sa Kanya, at nagulat ako na dama ko pa rin na mahal Niya ako. Sinabi ko sa Kanya kung gaano ako kalungkot, na malungkot ako dahil kay Russell. Sinabi ko sa Ama sa Langit kung gaano iyon kasakit, at kung gaano kahirap para sa akin ang ngumiti. Pagkatapos ay tumigil ako at nakinig. Humanga ako sa pagmamalasakit at pangangalagang nadama ko mula sa Kanya. Lalo kong naunawaan ang hirap na dinanas ng aking Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Naunawaan ko, kahit bahagyang-bahagya lamang, kung paano nanangis ang aking Ama sa Langit nang makita Niyang naghihingalo sa krus ang Kanyang Anak. At napuspos ako ng pagmamahal ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo, na sadyang para sa ating lahat kaya Kanyang tiniis ang gayong katinding hirap at pasakit upang buksan ang daan para makabalik tayo sa kanilang piling. Parang naging malinaw ang mga banal na kasulatan sa akin. May nalaman akong bagong impormasyon sa mga kuwento mula sa banal na kasulatan na inakala ko noon na alam na alam ko na. Ang mga ideyang hindi ko naisip noon ay pumasok sa isip ko at tinuruan ako ng maraming bagay. Sa Isaias 61:1, nangangako ang Panginoon na Siya ay darating upang “magpagaling ng mga bagbag na puso.” at sa Isaias 61:3, nangangako Siya sa atin ng “putong na bulaklak na kahalili ng mga abo” at “kagalakan na kahalili ng pagtangis.” Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa aking kaugnayan sa aking Ama sa Langit, kasama ako sa pangakong iyon, ibinigay sa akin ang putong na bulaklak na iyon, at nadarama ko na ang kagalakang iyon.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Kami ng pamilya ko ay tapat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagsisimba kami tuwing Linggo, at naglilingkod kung kinakailangan. Ako ang tumutugtog ngayon ng piano para sa grupo naming kababaihan, at ako ang lider ng aming “activity day girls” na mga edad 8-11 taon. Nagkikita kami dalawang beses sa isang linggo at nagdaraos ng masasayang aktibidad na nagtuturo sa mga batang babae ng mga bagong kasanayan at tumutulong sa kanilang maisabuhay ang mga pinahahalagahan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sinisikap ko ring maglingkod sa komunidad hangga’t maaari. Katuwang ako sa klase ng mga anak ko at taun-taon gumagawa ako ng class quilt para sa bawat guro ng mga anak ko. Sumasali ako sa mga proyektong serbisyo sa aming lugar, ito man ay pagpulot ng mga basura sa dalampasigan, o pagpapaganda ng parke. Nakita kong nasisiyahan din ang mga anak ko sa ganitong paraan, at ang sama-sama naming paglilingkod ay nakapagpapatatag sa aming pamilya. Nakahanap ako ng paraan na makapaglingkod sa pamamagitan ng quilting. Ilang taon na ang nakalipas, isang kaibigan ko ang namatayan ng anak sa isang aksidente. Nabigla kaming lahat at nalungkot para sa kanya at di namin tiyak kung paano iibsan ang pait na kanyang nadarama. Nang nagdedesisyon ang kaibigan ko kung ano ang gagawin sa mga damit ng anak niya, nag-alok akong gumawa ng quilt gamit ang mga ito. Nakatulong ito sa aming dalawa ng kaibigan ko.Nagplano at magkatuwang naming ginawa ang quilt at naikuwento sa akin ng kaibigan ko ang tungkol sa kanyang anak. Nalaman ko na puwede akong makipag-usap sa taong nawalan ng mahal sa buhay, at ayos lang kung umiyak siya. Ang pag-uusap namin ay nakapagpahilom sa kapighatian ng aking kaibigan at tinulungan ako nitong maging komportable sa ganitong uri ng pag-uusap. Ang paghahanap ng mga paraan na makapaglingkod ay nagpapaligaya sa akin. Nasisiyahan ako sa kung sino ako kapag ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para mapaganda ang aking kapaligiran. Dama kong mas malapit ako sa aking Tagapagligtas dahil namumuhay akong tulad Niya noong narito Siya sa lupa, at sa palagay ko iyon ang pinakamainam na paraan na maipamumuhay ko ang aking relihiyon.