mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Jarem

  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye
  • Jarem Frye

Tungkol sa Akin

Trabaho: Ako ang nagtayo at presidente ng SymBiotechs USA, na isang kumpanya na nagdidisenyo at gumagawa ng mga prosthetic. Nakaligtas ako sa kanser at isang AKA (above knee amputee). Nagdidisenyo at gumagawa ako ng mga produktong gamit sa snowboarding, wakeboarding, skiing, rock climbing, at iba pang mga aktibidad na dating itinuturing na imposible para sa mga AK amputee o naputulan ng paa. Ang pinakamahirap na idinulot ng kanser para sa akin ay ang pagkawala ng “normal”—na kakayahang gawin ang mga bagay na mahalagang bahagi na noon ng buhay ko. Ang kakayahang mamuhay nang normal muli ang gamot ko sa pinakamasamang epekto ng kanser. Gusto kong isipin na mahalaga rin ito sa mga pasyenteng nagsasabi sa amin na naibalik namin sa normal ang kanilang buhay. Kabilang sa mga pasyenteng ito ang iba pang mga cancer survivor, mga sundalong napinsala sa labanan, mahuhusay na atletang naputulan ng bahagi ng katawan, at iba pang tao sa buong mundo. Personal na mga nagawa: Sa paggamit sa aking mga disenyo, ako ang una sa mundo na naputulan ng paa [o above knee amputee (AKA)] na telemark skier, pro-rock climber, at wakeboarder. Ang mas nakatutuwa pa ay naitayo ko ang isang kumpanya na nakatulong sa buhay ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo! Nagawa kong posible ang mga bagay na sinabing hindi ko magagawa kailanman dahil naputulan na ako ng paa, at ngayon ay kasama ko ang iba pang mga amputee sa buong mundo sa paggawa ng mga bagay na imposible. Ang mga nagawang ito ay pawang kahanga-hangang mga pagpapala na hindi ko sana nagawa kung wala ang patnubay ng Diyos sa aking buhay. Pamilya: Hindi ko kayang mailarawan ang pasasalamat ko sa aking mga magulang para sa lahat ng naibigay nila sa akin. Kapwa sila nag-ukol ng maraming oras para turuan, bigyang-inspirasyon, at mahalin ako at ang mga kapatid ko habang buhay. Ang asawa ko ang pinaka-kahanga-hangang babaeng kilala ko! Minahal ko na siya “bago” ko pa man siya nakita. Ginugupitan ako noon ng kanyang kaibigan nang dumating siya para bumisita. Nang marinig ko ang boses niya ay lumukso sa tuwa ang puso ko at ang sumunod na ilang segundo ay para bang napakatagal na panahon ng paghihintay para makita ko ang kanyang mukha. Nagpunta siya sa harapan ng upuan ko para bumati at lahat ng naramdaman ko ay napagtibay. Sinuyo ko na siya pagkatapos ng gabing iyon. Nagkaroon kami ng dalawang anak na lalaki, at may isa pang paparating. Ang pamilya ko ang pinakamalaking kagalakan sa buhay ko at tunay na biyaya mula sa langit. Hinaharap: Patuloy akong gagawa ng mga prosthetic para lalo pang maragdagan ang posibilidad na makabahagi ang mga amputee sa aktibong pamumuhay, sa trabaho, paglilibang, at buhay-pamilya. Sinisikap kong patatagin ang isang kumpanya na hindi lamang nagbibigay ng mga produkto upang magawa ang imposible, kundi upang mahikayat din ang isipan ng mga tao na maniwala sa posible nilang magawa. Sinisikap ko ring makapagdisenyo at makapaglaan ng mga prosthetic para sa partikular na mga pangangailangan ng mahihirap na bansa habang gumagawa kami ng mga advanced prosthetic para sa mas mauunlad na bansa. Pilosopiya: Huwag mag-atubiling tanggapin ang papuri o maliitin ang halaga nito dahil nagpapakumbaba ka. Ang anumang kapuri-puri sa iyo ay kaloob mula sa Diyos. Ang sabihing hindi ka karapat-dapat sa papuri ay pagkakaila sa mga kaloob ng Diyos. Tanggapin ang mga papuri, ngunit palaging purihin ang Diyos at magpasalamat sa Kanya sa lahat ng bagay.

Bakit Mormon Ako

Ako ay LDS (Mormon) dahil naniniwala akong mahal pa rin ng Diyos ang Kanyang mga anak at na sa mundo ngayon, higit kailanman, ay kailangan natin Siya sa ating buhay! Alam ko na ang Diyos na palaging sinusunod ang paraan sa paghahayag ng Kanyang mga katotohanan at gumagabay sa Kanyang mga anak sa mahirap na buhay na ito ay hindi tayo pababayaang mag-isa, umaasang mahahanap ang Kanyang tamang “payo” sa libu-libong mga paniniwala at pakahulugan. Alam ko na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at tumawag Siya ng mga propeta sa ating panahon tulad ng ginawa Niya noong panahon sa Biblia. Bakit naman hindi Siya tatawag ngayon? Kailangan natin ang Kanyang direktang patnubay ngayon higit kailanman sa mundong ito! Naniniwala ako na si Joseph Smith ay isang propeta tulad ni Moises noon, at gayundin sa ating kasalukuyang propeta na si Thomas S. Monson. Napasaakin ang mga paniniwalang ito sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at ng Biblia at taimtim na panalangin sa ating Ama sa Langit.

Personal na mga Kuwento

Bakit nagmimisyon ang mga Mormon?

Nang patapos na ang misyon ko may nakilala akong babae na siyam na taon nang nagsisiyasat sa Simbahan. Ilang relihiyon na ang masigasig niyang pinag-aralan noong panahong iyon. Nang sabihin niya sa amin na gusto niyang magpabinyag, sinabi niyang may gusto lang siyang itanong muna sa akin. Nagulat ako sa unang tanong niya. “May karpenteriya ba ang Tatay mo?” tanong niya. “Oho,” sagot ko, iniisip na kakaiba ang tanong niya. “Nagtrabaho ka bang kasama niya sa shop noong bata ka pa?” ang sumunod na tanong niya. Muli, sumagot ako na nakapagtrabaho nga ako roon, at nagugulumihanan pa rin kung bakit ganoon ang tanong niya gayong tila alam naman niya kung ano ang sagot. Nagulat ako sa sumunod niyang tanong. “Nakasuot ka ba ng pula at puting kamisetang pranela noong nagtrabaho kang kasama ng iyong Itay sa shop?” Nahalata niyang nagulat ako sa tanong. Halos 10 taon nang patay ang lolo ko. Itinabi ko ang isa sa kanyang mga kamiseta para magamit ko sa kanyang shop kung saan magkasama naming ginawa ni Itay ang isang modelong bangka sa loob ng dalawang linggong pangangalaga namin sa kanyang ari-arian. Nagtaka ako kung paano niya natunton ang pamilya ko, samantalang dagat ang pagitan namin, at nalaman ang tungkol sa aking nakaraan. Nang makita niyang naguguluhan ako sa mga sinabi niya, nagpatuloy siya. “Kailangang sabihin ko sa iyo kung bakit ko ito naitanong,” sabi niya. “Siyam na taon na ang nakararaan nang una kong makilala ang mga LDS missionary, at binasa ko ang Aklat ni Mormon, nanalangin ako sa Diyos at itinanong sa Kanya kung dapat akong sumapi sa Simbahang ito. Pagkatapos kong magdasal tahimik akong nahiga sa kama. Pumikit ako at isang tanawin ang nakita ko sa aking isipan. Nakita ko ang isang ama at anak na lalaki na nagtatrabaho sa isang karpenteriya. Bata pa ang anak at nakasuot siya ng pula at puting kamisetang pranela. Wala akong narinig na mga tinig, pero nabalot ako ng magandang pakiramdam at nadama ko na ang batang iyon ang missionary na magbibinyag sa akin! Hindi ko alam na aabutin pala ng siyam na taon, pero nang una kang lumapit sa aking pinto, alam ko na ikaw ang batang iyon!” Pareho kaming lumusong sa tubig ng binyag sa pinakahuling araw ng dalawang taong misyon ko sa England. Napakasaya ng pakiramdam na makitang nararanasan ng ibang tao ang kaligayahang nadarama ko! Wala akong maisip na mas mabuting dahilan para paglingkuran ang iba maliban sa makitang sila ay nagagalak at malaman na nagagalak ang ating Tagapagligtas sa bawat kaluluwa na dinadala sa Kanya tulad ng butihing babaing ito. Nagmimisyon tayo dahil mahal natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at dahil mahal natin ang ating mga kapatid sa espiritu.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Noong ako ay 14 na taong gulang, natuklasan na may kanser ako sa buto sa kaliwang binti ko. Nang sumunod na dalawang taon, labas-pasok ako sa ospital para sa chemotherapy at mga siyam na operasyon kasama na ang pagputol sa paa ko sa gawing itaas ng tuhod. Bilang aktibong 14-anyos na bata, ang tanging nagawa ko noon ay manatiling aktibo at maging “normal.” Sa eskuwelahan, kalbo ang tawag sa akin at tinatakot ako ng ibang bata na walang alam kung bakit wala akong buhok. Iniiwasan ako ng mga batang nag-akala na nakahahawa ang kanser, at marami pang ibang reaksiyon. Sinisikap ko noon palagi na manatiling positibo, at madalas na ipinaaalala ko sa sarili ko na kung may plano ang Diyos para sa akin, hindi ako kailangang mag-alala. Hangad ko ang pananampalatayang iyon na tulad ng sa isang bata na mahirap makamtan habang lalong nagiging mahirap ang buhay. Pagkatapos ng kanser, madalas itanong sa akin ang ganito “hindi ka ba nahirapan?” at “hindi ka ba masyadong na-depress sa lahat ng nangyari sa iyo?” Naisip kong muli ang mga gabi noong nasa ospital ako, at alam ko na hahantong ito sa pagputol sa paa ko at umaasang mabubuhay pa rin ako, pero hindi ko nadama ang alinman sa negatibong damdaming iyon. Nalaman ko ang dahilan niyon nang basahin ko isang araw ang Aklat ni Mormon. Sa pagsasalita tungkol sa pagdating ni Cristo, isinulat ng propetang si Alma na, “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11). Natanto ko na dahil sa simpleng pagtitiwala ko sa Tagapagligtas ay naalis ang bigat ng aking karamdaman at inako na sa Kanyang Pagbabayad-sala! Hindi ko naunawaan noon na hindi lamang ako maililigtas ng walang katapusang Pagbabayad-sala sa aking kasalanan, kundi maililigtas din ako nito sa kalungkutan, pagkasiphayo, karamdaman, at pasakit. Mula noon sinikap kong alalahanin ang simpleng alituntuning iyon at gawing epektibo ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa bawat aspeto ng aking buhay. Bawat aspeto ng buhay ko ay naging pagpapala mula sa Diyos! Naniniwala ako na walang katapusan ang mga pagpapala Niya para sa ating lahat. Ang ilan ay tila mga pagsubok at mahirap matukoy ang marami bilang mga pagpapala, ngunit dahil sa Kanyang tulong, at sa kaunting pananampalataya natin, nakakamtan natin ang mga pagpapala na hindi natin inakalang mapapasaatin. Tulad ng pagbabahagi ng mga tao sa isang bagay na nagpalang mabuti sa kanilang buhay, sinisikap ko rin na ibahagi sa iba ang kagalakang ibinigay sa akin ng ating Tagapagligtas at umaasang mapapasakanila rin ang kagalakan at kaligtasang nadama ko.