mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Jacqui Gordon-Lawrence

  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence
  • Jacqui Gordon Lawrence

Tungkol sa Akin

Iba’t ibang larangan na ang pinasukan ko. Ang unang trabaho ko’y bilang artista. Marami akong sinalihan: teatro, telebisyon at pelikula. Mahirap na trabaho, pero masaya. Marami akong nakilalang kahanga-hangang mga tao at marami akong papel na ginampanan. Kasama ako noon sa EastEnders, isang British teleserye, sa loob ng dalawang taon. Kinailangan kong gumawa ng mahahalagang desisyon nang matapos ang trabaho ko sa EastEnders: mag-aartista pa rin ba ako, o gagampanan ko na ang tungkulin ko bilang asawa at ina? Nag-alala ako na kung magpapatuloy ako sa pag-aartista, may mga pagkakataon na malalayo ako sa tahanan, iiwan ang aking asawa at ipaaalaga ang aking anak sa yaya. Nagdesisyon ako: hahanap ako ng trabaho kung saan maaalagaan ko ang anak/mga anak ko. Dahil may-edad na ako nang mag-aral ako, kumuha ako ng degree sa psychology at counselling. Habang nag-aaral ako naging-accredited ako bilang kinatawan ng police station. May kaugnayan sa batas ang trabaho ko sa loob ng 20 taon. Ang sumunod na hamon sa akin ay ang maging isang therapist. Nasasabik ako sa mga mangyayari sa hinaharap. Biniyayaan ako ng dalawang magagandang anak na babae at mapagmahal na asawa na nagtataguyod sa amin. Nasisiyahan kaming magpunta sa Amerika at nag-uukol ng panahon sa aming mga kamag-anak. Magkakaiba ang personalidad namin, at mahal namin ang buhay at ang mga pagkakataong makapaglibot at maging bahagi ng mundong ito. Sinisikap naming mabuti na manatiling positibo sa mundong puno ng mga bagay na negatibo. Ugali namin ang magpokus sa positibong situwasyon sa halip na sa negatibo.

Bakit Mormon Ako

Hindi ko direktang nakontak Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; ang kapatid ko ang nakakontak dito. Tagahanga siya noon ni Donny Osmond! Siya ang unang nagsiyasat sa relihiyon ng Mormon; sumama lang ako. Hindi tumutol ang mga magulang ko sa pagsisiyasat namin sa bagong relihiyon. Lumaki kaming Katoliko; nagsisimba kami kapag Linggo, at parang iyon lang ang kailangan. Nagpunta ang mga missionary sa aming tahanan sa loob ng ilang linggo para turuan kami. Kalaunan ay nabinyagan kami. Bahagi kami noon ng isang maliit na branch. Mainit ang pagtanggap ng mga miyembro—iyon na ang simula ng buhay ko sa Simbahan. Sa pagsali ko sa Simbahan noong tinedyer ako hindi ko naranasan ang napakagandang programa para sa mga kabataan. Hinihikayat ko ang lahat ng kabataan na makibahagi. Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay paraan ng pamumuhay, hindi lamang relihiyon sa araw ng Linggo. Bawat aspeto ng buhay ko ay naiimpluwensyahan ng pananampalataya ko. May mga hamon ang pagiging miyembro. Noong mga 1970s palagi akong tinatanong kung bakit gusto kong mapabilang sa isang relihiyon na naniniwala na ang mga maitim ang balat ay hindi kapantay ng mga maputi ang balat. Hindi ko maibigay ang dahilan kung bakit ganito. Binasa ko ang Biblia at binasa ko ang Aklat ni Mormon, at naniwala ako sa sinasabi doon. Ang indibiduwal na ang bahalang tumuklas kung ano ang pakiramdam nila sa Simbahan. Hindi ko maipipilit sa iba ang pinaniniwalaan ko. Sinisikap kong mamuhay nang naaayon sa mga pinaniniwalaan ko. Isang araw nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang kaibigan. Nanonood siya ng television at ang palabas ay ang talambuhay ni Gladys Knight. Tinawagan niya ako dahil naalala niya na Mormon ako at gustong makontak ang Simbahan. Labis ang pasasalamat ko na panatag ang loob niya na tawagan ako at naibigay ko sa kanya ang impormasyon na kailangan para makontak niya ang mga missionary. Naku naman, naiisip ko, ilan ba ang nanonood sa akin? Hinahatulan ba ako? Hinahamon ko ang lahat ng makakabasa nito na samantalahin ang pagkakataon na tuklasin ninyo mismo ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Personal na mga Kuwento

Ano ang nakatulong para magkaroon ng higit na pagkakasundo sa iyong tahanan?

Ang pagkakasundo sa tahanan ay mahalaga sa aming mag-asawa, dahil hindi kami pareho ng paniniwala ukol sa relihiyon. Gayunman, pareho naming mahal ang Biblia, na siyang pundasyon ng aming mga paniniwala. Iginagalang namin ang pagpili ng isa’t isa ukol sa relihiyon ngunit matatag ang aming pananalig sa aming kani-kanyang paniniwala sa relihiyon.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Mahal ko ang mga tao, lalo na ang mga kabataan ngayon. Malaking hamon sila, matanong at hindi takot na magmungkahi sa matatanda kung hindi sila sang-ayon sa sinasabi. Mahal ko ang mga kabataan dahil tinutulungan nila akong maging mas mabuting tao; dahil sa kanila iniisip ko kung ano ang sasabihin, pagninilayan at gagawin ko. Ang tungkulin ko sa Simbahan ay makipagtulungan sa mga kabataan. Ako ay kasalukuyang nasa Young Women programme (grupo ng kabataan). Nakakatuwang pagmasdan ang mga batang babae na nagiging mga dalagita. Napakasarap makinig at makisali sa mga usapan nila habang tinatalakay ang mga pagbabago sa kanilang pisikal at espirituwal na buhay at pakikipag-ugnayan. Ang youth programme ay madalas makibahagi sa mga community service project; nakapag-ayos na sila ng hardin ng matatanda, naglinis ng mga bahay, namulot ng basura sa paligid, nag-alaga ng bata, gumawa ng mga biskwit at tumulong sa anumang paraan. Hindi palaging maayos ang takbo ng mga bagay; madalas ay ayaw nilang makibahagi. Pero sa magiliw na panghihikayat, sumasali sila, at ang pagsasabi ng kasiyahang nadama nila matapos ang proyekto ay nakakatuwa. Marami sa mga kabataang nakikilala ko sa police station ay karaniwang may kumpiyansa sa sarili, palaban at mautak. Kapag nagkasarilinan na kami, nakikita ko na marami sa mga kabataan ang nangangailangan ng higit sa legal na payo; kailangan silang mahalin. Ipinahihiwatig ng maraming kabataan sa pagpuri nila sa akin na gusto nilang maging bahagi ng pamilya ko. Ipinapaliwanag ko na istrikto ako at may mga tuntunin ako na sinisikap kong ipamuhay. Marami ang umaatras sa hiling nila na mapabilang sa pamilya ko—ang iba naman ay gusto pa ring maging bahagi ng buhay ko. Kailangan silang mahalin, nang walang kapalit. Mahal ko ang buhay ko. Hindi madali ang mga bagay-bagay; maraming hamon sa buhay ko, pero lahat ng ito ay ‘bahagi’ ng pagbuti ng aking pagkatao. Sinisikap kong tratuhin ang iba na gaya ng gusto kong maging pagtrato sa akin. Hinahanap ko ang mabuti sa bawat taong nakikilala ko at sa marami pang situwasyon ko sa buhay.