mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Irene

  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso
  • Irene Monterroso

Tungkol sa Akin

Ako’y may asawa at isang ina. Sa lahat ng tungkulin ko sa buhay, pakiramdam ko ang dalawang ito ang pinakamahalaga. Gusto kong kakuwentuhan ang aking pamilya, mga kapatid, at mga magulang; sama-sama kami sa mga gawain; at laging nasa bahay. Natutuwa ako na ang bahay ko ay isang tahanan kung saan dama ko ang pagmamahal ng iba at ng aking Ama sa Langit. Ang musika ay mahalagang bahagi rin ng buhay ko. Para sa akin hindi lang ito propesyon; isang bagay ito na gusto kong gawin. Napakapalad kong makagawa ng isang bagay na naghahatid sa akin ng malaking kasiyahan. Araw-araw nagpapraktis ako ng napakagandang musika kasama ng National Symphony Orchestra. Nakakaugnay ako sa mas malaking mundong puno ng emosyon, mga kuwento ng nakaraan, at mga taong nabubuhay ngayon at nabuhay noong araw. Ngayong buntis ako, maibabahagi ko ang espesyal na mundong iyan sa baby ko! Lubos ang pasasalamat ko na may asawa akong sumusuporta sa lahat ng aspeto ng buhay ko. Masaya rin ako sa espesyal na batang ipinagkaloob sa amin ng Panginoon. Gustung-gusto kong matuto na kasama siya, gumawa ng mga aktibidad na nagpapasigla, turuan siya ng biyolin, at paturuan siya ng piano lessons. Dahil napakalikot ng batang ito, palagay ko ang magagawa ko lang ay sundan siya lagi! Dahil nakatira ako sa bansang may napakagandang mga tanawin, dama ko ang malaking kaugnayan at paggalang sa kalikasan. Pagbabasa, pagbisita sa magagandang lugar sa aming bansa, pag-eehersisyo, at pagninilay (nang ilang sandali dahil masyado akong abala) ang ginagawa ko sa natitira kong oras.

Bakit Mormon Ako

Napakahalaga sa akin ng aking paniniwala at buhay sa loob ng Simbahan. Ngayong may sarili na akong pamilya, lalo kong pinahahalagahan ang kaalaman ko tungkol sa buhay ko rito sa lupa, kung saan ako nanggaling, at saan ako patungo. Dahil dito, ang mas malawak na pananaw sa layunin ko sa buhay ay tumutulong sa akin na sumulong na nalalaman ang mga priyoridad. Tuwang-tuwa akong malaman na ang pamilya ko, gaya ng lahat ng pamilya, ay maaaring maging walang hanggan at makapiling ang Ama sa Langit magpakailanman. Kaya ito ang pinakamahalaga sa buhay ko. Kung hindi ko makakapiling sa walang hanggan ang pamilya ko, hindi na mahalaga ang iba pa – kabantugan, pera, o tagumpay man sa propesyon. Ang ating buhay sa lupa ay dapat ituon sa dagdag na pagmamahal sa iba. May mas maganda pa bang paraan para magsimula kundi sa mga taong pinakamalapit sa atin? Batid ang ginawa ng Ama sa Langit para sa atin nang ipakita Niya ang pagmamahal sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, nakadama ako ng lubos na pagpapakumbaba at pasasalamat. Ito ay isang regalo na hindi ko kayang suklian. Gayunman, kaya kong sikaping mamuhay nang karapat-dapat sa Kanya. Salamat sa Kanyang ebanghelyo sa aking buhay at sa lahat ng natututuhan ko araw-araw. Napapanatag akong malaman na ako ay anak ng Diyos at na mapapakinggan ko ang Kanyang matalinong payo na papatnubay sa buhay ko at ng aking pamilya habang narito kami sa mundo. Mapalad akong malaman na makakausap ko ang ating Ama sa panalangin. Nagpapasalamat ako na kaibigan ko si Jesucristo, kahit palagi ko Siyang binibigo at lumalayo sa Kanya. Alam ko na may pasensya Siya sa akin at hinihintay Niya ako para patuloy kaming magkasama. Salamat at nakakasabay ko Siyang lumakad at madalas Niya akong binubuhat.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Tuwing Linggo sa simbahan, ako ang nursery teacher. Nursery ang klase para sa mga batang 18 buwan hanggang 3 taong gulang. Kasama sa grupong ito ang anak kong babae. Talagang espesyal at magaganda ang lesson namin. Nakikinig silang mabuti, na para bang may naaalala silang karanasan nila sa langit kailan lang. Natutuwa rin akong bumisita sa kababaihan na tinatawag naming sisters sa Simbahan. Napakagandang makita ang ganito kaespesyal na grupo ng mga babae sa simbahan, at marami kaming natututuhan sa isa’t isa. Tumatanggap at nagbibigay kami ng kapanatagan. Gusto kong nagpupunta sa mga aktibidad ng Simbahan bawat linggo. Sa pagpunta naming pamilya naaalala ko ang pagdalo namin ng mga magulang at kapatid ko noong bata pa ako. Masaya ang mga panahong iyon. Nagpupunta rin kami sa templo, na iba kaysa sa chapel. Sa templo gumawa kami ng sagrado at personal na mga tipan sa Diyos. Damang-dama ko ang kapayapaan sa banal na lugar na iyon. Dumarating ako roon na may maraming problema at umaalis na panatag na. Higit sa lahat, palagi kong naaalala kung sino ako, at humihiling ako ng inspirasyon na gabayan ang buhay ko at ng pamilya ko. Magaganda ang alaala ko nang maglingkod ako bilang temple worker bago ako nagkaanak. Ang huli, nakapag-ambag ako sa Simbahan dahil sa kaalaman ko sa musika. Tinutugtog ko ang mga himno tuwing Linggo kasama ang kapatid ko, na tumutugtog ng clarinet. Nagturo din ako sa choir na puno ng napakaespesyal at matatapat na miyembro. Ang choir namin ay hindi binubuo ng mga bihasang mang-aawit, ni hindi rin ako professional choir director. Mahusay akong tumugtog ng viola, pero iba ang pagkumpas! Isang choir ito ng kahanga-hangang mga tao na may hangaring ibuhos ang kanilang puso sa pagsamba sa Panginoon. Nagsikap kami nang husto, at lagi akong humahanga sa kahusayan ng aming choir sa pagkanta sa simbahan. Para bang umihip ang Panginoon at pinaganda ang kanilang pag-awit. Bilang professional musician, may mga sandaling hindi ko iyon maintindihan. Bilang anak ng Diyos, alam ko na maliliit na himala iyon na nangyayari sa ating buhay.