mormon.org Pandaigdigan

Ano ang ginagawa ng isang Mormon?

Opisyal na Sagot

Ang isa sa pinakamalalaking dahilan kaya tayo narito sa lupa ay para “magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Tinutulungan kami ng personal na panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsisimba na mas maunawaan na ang pinakamainam na paraan para magalak at lumigaya sa buhay na ito ay ang malaman ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, ang ebanghelyo ni Jesucristo, at magsikap na sundin ang “kautusan” ng Diyos (Mga Kawikaan 29:18).

Ang mga pamilya ay mahalagang bahagi ng Plano ng Diyos at karamihan sa ginagawa namin sa buhay ay nakatuon sa aming pamilya. Nais naming ibahagi sa lahat ang kaligayahang tinatamasa namin sa pamamagitan ng paglilingkod, gawaing misyonero, at pagtulong sa lipunan.

  • Ang pagiging Mormon ay pagiging bahagi ng mga taong matulungin, mapagmahal, maraming talento, na nagkakaisa sa mithiin-- ang tulungan ang bawat isa na mas bumuti pa! Taglay ang pananampalatayang nakasentro kay Cristo, nabubuhay kami sa mundo, ngunit sinisikap naming hindi maging MAKA-mundo. Ang simbahan ay isang samahan lamang na nais tumulong para bumuti ang ating pag-uugali at ang ating buhay sa araw-araw. Madalas akong mamangha sa katotohanan na nariyan lagi ang grupo ng mga tao, saanmang panig ng mundo, na hindi lamang tutulong sa akin sa oras ng pangangailangan, kundi masaya ring aalalay. Maayos din ang aking Stanford Business school network. Miyembro ako ng Young President’s Organization, na pandaigdigang samahan. Ngunit ang kahanga-hangang mga network na ito ay hindi makapapantay sa pagmamahal at suportang nadarama ko mula sa iba pang mga miyembro ng simbahan. Hindi ako naniniwalang may katulad ito sa mundo, at naniniwala ako na ang iisang layon na gumawa ng mabuti, sundin ang Tagapagligtas, maging mas mabuti pa sa bawat araw, ay talagang nagpapadama na hindi ka kailanman nag-iisa. At siyempre, sa pagiging Mormon ay may pagkakataon akong talagang madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas, na maniwala sa Kanya at sa Kanyang pagbabayad-sala, at gumawa sa bawat araw upang tuparin ang layunin ng Diyos para sa aking buhay. Ipakita ang iba pa

  • Bilang mga miyembro ng Simbahan, aktibong hinahangad ng mga tao ang kanilang espirituwal na pag-unlad at pang-unawa sa personal at sama-samang pag-aaral. May kahalong mapanalanging pagninilay sa kawalang-hanggan ng tao at kaugnayan nito sa Diyos, ang mga pag-aaral na ito ay nagbibigay ng kapayapaan at layunin sa Tagsibol, Tag-init, Taglagas, at Taglamig ng buhay. Ito ay relihiyong may partisipasyon, walang bayarang pinuno kaya’t ang mga katungkulan sa paglilingkod at pamumuno ay ginagampanan ng mga boluntaryo. Ang pag-asang ito sa isa’t isa ay lumilikha ng masiglang komunidad, kung saan tinutugunan ang pangangailangan ng bawat tao. Sa pagsunod sa doktrina at mga kautusan sa relihiyong Mormon ang isang tao ay namumukod-tangi - pag-iwas sa alak, mga sangkap at gawaing pampukaw ng damdamin na itinuturing na karaniwan sa lipunan ay malaking hamon sa tao at sa lipunan. Gayunman, kung tapat ang isang tao sa kanyang pagsunod sa mga alituntuning ito, at mapagpakumbabang igagalang ang desisyon ng iba, madarama ang gantimpalang dulot nito. Hinihikayat ang mga miyembro na ipamuhay ang kanilang mga pamantayan ayon sa “Diwa ng batas,” at hindi ayon sa “katitikan” nito. Ang mga pamilya na itinuturing na walang-hanggan, ay binubuo ng mga hindi pa nag-aasawa, balo, single parent, pamilyang malalaki na ang mga anak, at mga pamilyang nagsisimula pa lang. Bawat isa ay napakahalaga at pinag-uukulan ng pansin ng pangkalahatang pamunuan at mga auxiliary. Ipakita ang iba pa

  • Matinding pangako ito - kailangan ng maraming oras at sipag sa paggawa. Pero ito rin ang pinagmumulan ng pinakamahahalagang pagpapalang maaaring mapasaatin. Ipakita ang iba pa

  • Marami akong nakilala sa mountain sports industry ang nagsasabi sa akin na itinuturing nila ang kabundukan na kanilang relihiyon. Hindi raw sila sang-ayon sa “mga organisadong relihiyon” at kadalasan para sa kanila ay napakahigpit ng mga ito. Pakiramdam ko rin ay parang malapit lang ang Diyos kapag nasa kabundukan ako, at madalas itanong sa akin, “Ano naman ang masama kung gawin mo lang ang anumang makapagpapaligaya sa iyo?” “Bakit ba kailangan pa ang napakaraming patakaran?” “Paano ka magiging maligaya sa lahat ng restriksyong iyon?” Dati-rati’y mahihirap na tanong iyon para sa akin. Naniniwala ako na dapat tayong maging maligaya. Natanto ko kamakailan na ipinamumuhay ko pala ang mga paniniwalang iyon. Ginagawa ko ang nakapagpapaligaya sa akin. Mahal ko ang ebanghelyong ito! Pinupuspos nito ng galak ang aking buhay, binibigyan ako ng lakas, at ibinabangon ako nito kapag ako ay nadarapa. Ipinamumuhay ko ang nakapagpapaligaya sa akin. Kilala ng Diyos ang ating pagkatao at alam Niya ang makapagbibigay sa atin ng pinakamalaking kagalakan. Maaaring habambuhay nating hanapin ang kaligayahan sa sarili nating paraan, o maaaring makamtan natin ito kaagad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo at batas ng Diyos. Wala pa akong nakilala na mas maligaya dahil hindi nila ipinamumuhay ang ebanghelyo! Ang mga batas ng Diyos ay naghihigpit lamang para hindi natin masaktan ang ating sarili at ang ibang tao, para hindi tayo malulong sa adiksyon, at hindi malihis sa paghahanap ng tunay na kaligayahan na hindi matatagpuan sa mga lugar na hindi kailanman makapagbibigay ng tunay at walang hanggang kagalakan. Ang tanong ay hindi “dapat ba nating gawin ang makapagpapaligaya sa atin?” kundi, “ano ang tunay na kaligayahan at ano ang talagang makapagpapaligaya sa atin nang lubos?” Dama kong nasa akin ang mga sagot sa mga tanong na ito at iyan ay nagbibigay ng kapanatagan at kasiyahan! Ipakita ang iba pa

Walang mga Resulta