mormon.org Pandaigdigan

Bakit walang priesthood ang kababaihan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Paano namumuno ang mga babaeng Mormon sa Simbahan?

Opisyal na Sagot

Sinabi ni Gordon B. Hinckley, dating Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw:

“Walang priesthood ang kababaihan dahil iyon ang gusto ng Panginoon. Bahagi iyan ng Kanyang programa. Napakahalaga ng kababaihan sa Simbahang ito. May mga katungkulan sa priesthood ang kalalakihan ng Simbahan. Ngunit napakahalaga ng katungkulan ng kababaihan sa Simbahang ito. May sarili silang organisasyon. Pinasimulan iyon ni Propetang Joseph Smith noong 1842, na tinatawag na Relief Society, dahil ang pangunahing layunin nito ay magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Ito na, sa palagay ko, ang pinakamalaking organisasyon ng kababaihan sa mundo… May sarili silang mga katungkulan, sarili nilang panguluhan, sarili nilang lupon. Umaabot ito sa pinakamaliit na unit ng Simbahan sa lahat ng dako ng mundo…

“Taglay ng kalalakihan ang priesthood, oo. Ngunit katuwang ko ang aking asawa. Sa Simbahang ito ang lalaki ay hindi lumalakad kailanman sa unahan ng kanyang asawa ni sa likuran kundi sa kanyang tabi. Magkapantay sila sa buhay na ito sa isang malaking gawain.”

  • Ang ginagampanan ng kababaihan ay kapantay, hindi mas mababa, sa ginagampanan ng priesthood para sa kalalakihan. Ang kababaihan ay tatanggap ng pantay na pagpapala ng lahat ng basbas ng priesthood at may pagkakataong mamuno sa loob ng Simbahan mula sa pinakamataas na antas ng mga General Authority hanggang sa antas ng kongregasyon, mga tungkuling tumutulong at kaugnay sa tungkulin ng kalalakihan. Ang kababaihan at priesthood ay kailangang magkasamang kumilos, hindi magagawa ng isa ang tungkulin nito kung wala ang isa pa. Kapag tinitingnan ng isang tao ang priesthood, nilayon ito bilang nangangasiwang kapangyarihan ng mga susi at ordenansa na magpapala sa iba at hindi kailanman dapat gamitin upang ipagyabang at kahit sa loob ng templo, ang kababaihan ay maaaring mangasiwa sa ilang mga ordenansa. Ngunit, kapag naunawaan ang organisasyon, ang istruktura ng Simbahan, hindi maaaring hangarin ng kalalakihan o ng kababaihan ang anumang katungkulan. Ang tao ay tinatawag sa isang tungkulin sa takdang panahon ngunit walang kapangyarihang umangat dito. Walang diskriminasyon dahil sa kasarian, isang perpektong balanse, at dahil maaaring magkaroon ng parehong kaloob ang kalalakihan at kababaihan, may mga partikular na kaloob at katangian na ibinibigay sa kababaihan. At yamang kailangang ipagkaloob ang priesthood sa lalaki, ang tungkulin ng babae at lahat ng kaloob at katangian nito ay ipinagkakaloob sa kababaihan sa likas nilang katangian. Sabi nga, ang gawain ng kababaihan ay gaya ng sa mga anghel sa mga kaloob na kanilang taglay. Ang kababaihan ay hinihikayat ding magpatuloy sa kanilang pag-aaral at palaging pag-igihin ang kanilang mga kasanayan. Ipakita ang iba pa

  • Mapalad kaming kababaihan sa Simbahan na malaman na may espesyal na bahagi kami sa plano ng Diyos, at ang lugar at tungkuling ito ay magkatulong at perpekto para magtamo ng kaligayahan sa pamilya, at sa kawalang-hanggan. Maaari kaming maging maybahay, kapareha, tagapayo sa lalaking maytaglay ng priesthood, at maging kakaiba, kagila-gilalas, at espesyal, na iniuugnay namin ang aming sarili sa ating Ama sa Langit: na maging mga ina; sa gayo’y maaari kaming magbigay ng pisikal na katawan sa mga espiritung anak ng Diyos, at maaranasan na dalhin sila sa aming sinapupunan, alagaan, palakihin, at turuan sila sa buhay na ito para maging self-reliant sila at maging masaya. Napakasaya!!! Natutuwa akong maging isang babae at ina. Ipakita ang iba pa

  • Sa tingin ko ang isa sa mga pinakamaling akala ng mga tao tungkol sa ating Simbahan ay ang mga babae ay sunud-sunuran, mahihina, o kinokontrol. Natatawa ako kapag naririnig kong sinasabi ng isang tao ang maling paniniwalang ito at naiisip ko na dapat silang sumama sa akin o sa mga kaibigan ko kahit isang araw lang! Para sa akin, ang kababaihan ng Simbahan ay matatatag. Maaaring magtaka ang tao kung bakit walang hawak na priesthood ang kababaihan. Hindi lamang ang mayhawak ng priesthood ang namumuno. Limang magkakaibang panguluhan na ang napaglingkuran ko at nabigyan ako ng maraming pagkakataon na mamuno. At ang pamumuno ay talagang paglilingkod lamang. Ang paglilingkod at pagkakawanggawa sa kapwa ang dapat sikapin nating lahat na gawin. Sa palagay ko mas pinahahalagahan ng daigdig ang mga bagay na mas nakikita o matimbang. Ang pagkakaroon ng mga anak na may mga kapansanan ay talagang nagbigay sa akin ng kakaibang pananaw tungkol dito. Ang anak kong si Ethan ay may cerebral palsy. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Jane ay nakatulong nang malaki sa kanya at sinuportahan siya sa paglipas ng mga taon. Nang magsimulang magsalita si Jane, nagsimula ring magsalita si Ethan. Maraming itinuro si Jane sa kanya. Ang pagsuporta ni Jane ay kasing halaga ng taong tumatanggap ng lahat ng atensiyon. Pareho silang mahalaga sa akin at mahal ko sila. Ang mga anak ko namang lalaki ay hindi popular sa pananaw ng mundo. Hindi sila kailanman matatampok sa pabalat ng magasin, pero hindi nababawasan ang kahalagahan nila sa akin o sa kanilang Ama sa Langit. Alam kong kapantay sila ng sinumang maganda o makapangyarihang tao. Sa madaling salita, madalas nating pahalagahan at isagawa ang mga tungkulin dahil lamang sa iniisip natin mas mahahalaga ang mga ito. Nakita ko na lahat tayo ay may mga tungkulin at misyon sa buhay na pawang mahahalaga—bagama’t magkakaiba nga lang ang mga ito. Ang mga kalalakihan ang nangangasiwa sa mga gawain ng priesthood, pero kami ng asawa ko ay parehong pinagpapala ng priesthood. Ang kapangyarihan ng priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos. Tayo, bilang mga tao, ay binibigyan lamang ng pagkakataong makibahagi rito. Magkakaiba ang ginagampanan ng kalalakihan at kababaihan dito, ngunit lahat ng ito ay mahahalaga. Sa katunayan, sa aming tahanan ako ang kadalasang nauunang humingi ng pagbabasbas ng priesthood. Maraming beses, ipinagdarasal ko ang isang problema at nakatatanggap ng sagot na hilingin ko sa asawa ko na magbigay siya ng basbas. Nakaaantig ang mga sandaling ito dahil alam kong ito ang kalooban ng Diyos sa aming pamilya. Isang halimbawa ay noong tatlong taong gulang si Ethan. Umiinom siya noon ng 12 gamot sa isang araw at mga 10 beses pa rin siyang atakihin ng seizure sa bawat araw. Napakahirap niyon lalo na’t may bagong silang na sanggol sa bahay. Nagdasal ako nang nagdasal para humingi ng tulong, at ang sagot na natanggap ko ay ang hilingin sa asawa ko na bigyan siya ng basbas. Bago ito ay nag-ayuno muna kami kasama ang iba pang kaanak. Nang ipatong ng asawa ko at ng isang kaibigan ang kanilang mga kamay sa ulo ni Ethan, sinabi ng asawa ko na kaagad mawawala ang kanyang mga seizure. Magmula noon, hindi na siya muling nakaranas ng seizure. Hindi iyon kapangyarihan ng asawa ko. Siya ay instrumento lamang sa pagsasakatuparan nito, gaya ko. Magkaiba ang ginagampanan namin, ngunit kapangyarihan iyon ng Diyos at sinunod namin ang Kanyang tagubilin. Sa mapagpakumbabang paggawa nito, nakita namin ang mga himala sa aming buhay. Ipakita ang iba pa

Walang mga Resulta