mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Emily

  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian
  • Aaron and Emily Sherinian

Tungkol sa Akin

Marami akong ginagawa, gaya ng karamihan sa kababaihan! Ang mahahalagang tungkulin ko sa ngayon ay bilang maybahay, ina, at full-time public health professional na rin. Kapag wala ako sa trabaho, karaniwan akong makikitang kasama ng tatlo kong anak (sa isport, eskuwelahan, playgroup, preschool, mga music lesson, at marami pang iba), sinisikap na mapanatiling malinis ang aming bahay, nagboboluntaryo sa simbahan, o kaya’y nag-aasikaso sa aking asawa. Gustung-gusto ko ang pagbabasa, pagluluto, pagtakbo, at pakikipagkita sa mga kaibigan ko. Palaging masaya sa aming tahanan, lalo na’t kapwa kami nagtatrabahong mag-asawa sa international development at madalas kaming bumiyahe sakay ng eroplano. Halos sa ibang bansa nakatira ang aming pamilya nitong huling dekada, at napakaganda, nakatutuwa, at kakaibang karanasan iyon para sa amin dahil natutuhan naming unawain at mahalin ang iba’t ibang bansa at mga kultura. Ang pagpapabuti sa buhay ng mahihirap na tao sa mundo ay personal na misyon at trabaho naming dalawa, at sinisikap naming ipaunawa sa mga anak namin na ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay katulad namin sa maraming paraan, at sila ay gaya rin namin na may mga pangangailangan at nais makamtan. Sa lahat ng “kailangang” gawin sa buhay (na napakarami kung minsan!), sinisikap naming magawa ang masasayang bagay na gusto naming gawin nang magkakasama: mga pancake sa Sabado ng umaga, pagpunta sa paboritong museum, pagsakay sa tren sa subway, mga piknik sa bakuran, pagpunta sa beach o dalampasigan, o isang scoop ng ice cream.

Bakit Mormon Ako

Maaaring sabihin ng ilan na Mormon ako dahil pinalaki ako na isang Mormon, pero hindi iyan ang buong kuwento. Sa palagay ko dumarating sa buhay ng bawat tao na kailangan nilang magdesisyon sa kanilang sarili kung ano ang paniniwalaan nila at kung paano sila mamumuhay at palalakihin ang kanilang sariling pamilya. Masasabi ko na para sa akin ang bagay na iyan ay hindi minsanang nangyari, kundi dahan-dahang proseso noong ako’y nasa hayskul, kolehiyo, at nang magkaroon na ako ng hustong kaisipan. Noon pa man ay hinihikayat na kami ng mga magulang ko na magkaroon kami ng sariling kaalaman at pagkaunawa tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga turo, at tinuruan kami kung paano ito gawin. Ang mga itinuro sa amin ng aking mga magulang at guro sa Simbahan ay kinabibilangan ng: panalangin (pagtatanong sa Diyos kung tama at totoo ba ang ginagawa mo), pag-aaral ng mga banal na kasulatan (para alam mo kung ano ang itinatanong mo), at pagsasagawa ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa amin (na ipinapakita sa Ama sa Langit na handa kang gawin ang iyong bahagi). Kapag tama ang aming ginagawa, ipinaaalam ito sa amin ng Ama sa Langit. Ang pamumuhay ko bilang Mormon ay isang pangakong dibdiban kong ginagawa, at kailangan dito ang panahon at pagsisikap. Hindi ako namumuhay batay sa “sinabi” ng mga magulang ko noong bata pa ako. Ako ay isang Mormon dahil naniniwala akong totoo ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo. Ang mga gabay na alituntuning ito ay nangangailangan ng pagsisikap, at naghahatid ito ng galak at kaligayahan, hindi lamang panandalian, kundi panghabang-panahon.

Personal na mga Kuwento

Ano ang nakatulong para magkaroon ng higit na pagkakasundo sa iyong tahanan?

Sa abalang iskedyul namin at ng aming tatlong maliliit na anak, magagamit ng aming pamilya ang lahat ng tulong na makukuha namin para magkaroon ng pagkakasundo sa aming tahanan! Ang pinakamaganda naming tip—inilalaan namin ang bawat gabi ng Lunes para sa pamilya, at ito ang nakagawa ng malaking kaibhan sa aming buhay. Minsan ang tawag ng mga Mormon sa gabing ito ay “Family Home Evening” at hinihikayat kaming gawin ito bawat linggo. Sa gabi ng pamilya karaniwan kaming nag-uukol ng ilang minuto para repasuhin ang anumang pangangailangan, mga dapat gawin ng pamilya, nakaplanong aktibidad, o espesyal na kaganapan sa linggong iyon. Pagkatapos ay nagkakaroon kami ng maikling lesson o aktibidad, at maraming pagpipilian dito. Kung minsan isinasalaysay namin ang paboritong kuwento sa banal na kasulatan (nangunguna lagi ang tungkol kay Daniel sa yungib ng mga leon, may kasama pa itong sound effect at pagsasadula) at pinag-uusapan kung ano ang matututuhan namin mula sa kuwento. May mga pagkakataon naman na gumagawa kami ng cookies para sa aming mga kapitbahay, naglalaro, gumagawa ng mga ice cream sundae, o pinag-uusapan ang mga paraan na magagamit namin para malutas ang isang problema, mabawasan ang mga pagtatalo, o kaya’y ipahiram ang aming mga laruan nang maluwag sa kalooban (totoo ito sa matatanda gayon din sa mga bata). Karaniwan kaming kumakanta ng ilang awitin, nagdaraos ng masayang aktibidad, at may meryenda sa huli. Ang ganda talaga ng resulta! Sa pagdaraos namin ng gabi ng pamilya sa bawat linggo, naging mas malapit kaming pamilya sa isa’t isa, mas madali na ngayon ang pakikipag-usap sa isa’t isa, nabawasan ang pagtatalo at mas naipapakita ang pagmamahal, at mas nadarama ang pagkakaisa at pagkakasundo sa aming tahanan. Nasasabik lagi ang aming mga anak sa gabi ng pamilya, at isinasali namin sila sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga aktibidad na ito. Mas maligaya ang aming tahanan dahil sa gabi ng pamilya!

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Sinisikap kong ipamuhay ang aking pananampalataya. Sa aking karanasan, kapag mas aktibo at tapat ako sa pakikibahagi at paglilingkod sa simbahan at sa aking komunidad, lalo akong nagiging tapat at maligaya, at lalo kong nadarama na sumusulong ako. Sa paglilingkod at pagkilos ayon sa paniniwala ko, nadarama ko na nagiging mas mabuting tao ako, at mas mabuting Kristiyano—higit na katulad ng taong nais ni Jesucristo na kahinatnan ko. Sa ngayon, aktibo talaga ako sa grupo ng kababaihan sa aming simbahan. Boluntaryo akong nag-uukol ng panahon sa pamumuno sa grupong ito (mahigit 100 kaming kababaihan) kasama ang tatlo pang babae sa aking kongregasyon, at talagang gustung-gusto ko silang kasama! Nagpupulong kami at nagtuturo ng mga lesson/talakayan bawat Linggo sa simbahan, at tinitiyak namin na mabuti ang kalagayan ng kababaihan at mga pamilya sa aming kongregasyon sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. May napakagandang programa sa aming simbahan kung saan magkakapares ang kababaihan para dalawin ang ilang babae bawat buwan, bahaginan ng maikling espirituwal na mensahe, at kumustahin lamang ang isa’t isa. Yamang maraming tao sa lugar na ito ang walang kalapit na pamilya, napakahalaga ng programang ito at talagang nagbibigay ito ng lakas sa akin. Mapalad ako at nabiyayaan ang buhay ng pamilya ko sa pakikihalubilo sa kababaihang ito na maaaring hindi ko sana nakamtan sa ibang paraan. Sa grupo naming kababaihan nagpaplano rin kami at ipinatutupad ang maraming iba’t ibang aktibidad at mga kaganapan para mas makilala pa ang bawat isa, para matukoy at matugunan ang mga pangangailangan sa aming mga pamilya at aming komunidad, at matuto ng mga bagong talento at kasanayan. Ang ilang mga halimbawa kamakailan ay: nag-organisa kami ng nutrition at exercise seminar kasama ang isang rehistradong dietitian, nagplano ng isang aktibidad ng paglilingkod sa komunidad kung saan gumawa kami ng mga blanket o kumot para sa mga sanggol at bagong mga kit para sa mga ina na ibibigay sa isang lokal na birthing center o paanakan, nagturo rin kami ng lesson sa araw ng Linggo tungkol sa bisa ng panalangin sa aming buhay. Panalangin ang isa sa pinakamahalagang paraan sa pamumuhay ko ng aking pananampalataya—ito ay simpleng alituntunin, at ito ay isang bagay na maaaring gawin ng sinuman kahit anong oras. Naniniwala ako na pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin, at natuklasan ko na kapag mas matapat kong ipinamumuhay ang aking pananampalataya ay lalong nasasagot ang mga panalangin ko sa araw-araw. Karaniwang sinasagot ng Diyos ang aking mga dasal sa pamamagitan ng ibang tao na nagsisikap nang mabuti na ipamuhay ang kanilang pananampalataya! Sa palagay ko ay hindi iyan nagkataon lamang.