mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Devin

  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales
  • Devin Gales

Tungkol sa Akin

Apat na taon na akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon kapiling ko ang maganda kong asawa at tatlo sa pinakamababait na anak ng isang ama sa mundong ito, ang aking 19 anyos na anak na babae, ang 12 anyos na anak na babae at 2 taong gulang na anak na lalaki. Nagtatrabaho ako sa isa sa mga pinakamalaki at pinakaabalang Fire Department sa ating bansa bilang isa sa mga Department Spokesman at gayundin bilang Firefighter/ Paramedic. Nagkaroon ako ng magandang pagkakataon na makatrabaho ang Media and Public Relations Command Staff, bilang isa sa Departments Public Information Officer. Nakikipagtulungan akong mabuti ngayon sa mga kinatawan ng Television, Media, News Radio, at ng Entertainment Industry, sa pagbibigay sa lahat ng mamamayan sa buong bansa, ng kaalaman tungkol sa kaligtasan, serbisyo, at seguridad sa Lungsod ng Los Angeles. Sa bagong tungkuling ito, makikita ninyo akong nagtatrabaho bilang miyembro ng komplikadong team ng Fire Department Professionals na tumutulong sa mga mamamayan ng Los Angeles na madama na mas ligtas at protektado sila kahit sa tinig pa lamang.

Bakit Mormon Ako

Wow, Saan Ko Sisimulan. Nagsimula ang kuwento ko bago ang tag-init ng 2003 nang makilala ko ang aking asawa, na lumaking miyembro ng simbahan. Blind date ang naging pagkikita namin dahil sa panghihikayat ng iba, na hindi namin gaanong ikinatuwa na ituloy ito sa una. Mabababaw na bagay lang ang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao sa una nilang pagkikita, nakakagulat na seryoso naming pinag-usapan ang tungkol sa aming mga relihiyon. Kahit pareho kaming hindi aktibo sa aming mga simbahan, agad naming natanto na hindi pangkaraniwan na naging komportable kami sa pag-uusap tungkol sa aming mga relihiyon nang ganoon kaaga. Sa madaling salita nakalugdan namin agad ang isa’t isa at nagpasiyang patuloy na magdeyt. Nang magsimula kaming magseryoso ay doon kami naging hindi komportable sa isa’t isa. Di nagtagal napag-usapan na ang kasal, pati na ang kahalagahan sa kanya na makasal sa Templo. Bukod sa nalalaman ko, lihim akong nagtanung-tanong tungkol sa kanyang simbahan mula sa mga miyembrong kasama ko sa trabaho. Nang maipaliwanag sa akin ang ibig sabihin ng pagdalo sa templo, naging malinaw na kailangan pa namin ang masinsinang pag-uusap tungkol sa inaasahan namin sa isa’t isa. Di nagtagal nagpasiya kaming puntahan ang simbahan ng bawat isa para malaman pa ang tungkol sa relihiyon ng bawat isa. Naaalala ko na naisip ko: maraming pagkakatulad sa aming simbahan. Sa paglipas ng panahon napilitan akong ipaliwanag sa kanya na hindi ako magiging Latter Day Saint at dahil dito ay hindi kami makakasal sa Templo. Inisip ko rin na may dalawa akong maliliit na anak na babae na pinalalaki sa Saksi ni Jehovah at malakas ang pananampalataya ko. Kalaunan nagdesisyon kami na dahil mahal namin ang isa’t isa, aayusin namin ang aming mga pagkakaiba. Sa kabila ng lahat ng ito hiningi ko ang pahintulot ng kanyang mga magulang para makasal kami. Matapos mag-usap ganito ang naging sagot nila, “siguro tingnan na lang natin kung ano ang kahahantungan nito.” Malinaw na pumayag siya!!! Habang papalapit ang araw ng kasal, nadaragdagan ang dapat alalahanin. Nagsimula akong magduda sa relasyon namin. Naaalala kong nagdasal ako sa Diyos, na sa paniwala ko ay Jehovah noon, at itinanong sa Kanya kung tama ang gagawin ko. Naaalala kong malinaw rin ang nadama ko, “OO.” Gaya sa iba pang mga relasyon nagsimulang tumindi ang mga problema. Dumating kami sa punto sa aming pagsasama na nagdesisyon kaming maaaring hindi ito umubra at pareho kaming nasaktan. Nang medyo malala na talaga hiniling niyang bumalik ako sa simbahan na kasama niya, pero tumanggi ako. Kalaunan nagtanong siya tungkol sa pakikinig sa mga turo ng mga misyonero mula sa Aklat ni Mormon. Pumayag akong makinig bilang suporta sa kanya at sa aming pagsasama. Kahit na ang asawa ko ang tinuturuan, nakakagulat na ako ang tanong nang tanong. Kahit nakipagtalo ako noon sa mga missionary bilang Saksi ni Jehovah tungkol sa Aklat ni Mormon, naging malinaw sa akin na marami pa pala akong hindi alam sa mga Latter Day Saint. Hindi nagtagal sa akin na nabaling ang mga lesson sa halip na sa asawa ko. Habang pinag-aaralan namin ang mga banal na kasulatan naisip ko pa kung bakit kaya ginamit ng Diyos ang mga binatang ito na tila walang gaanong alam sa Biblia, na makipag-usap sa mga nakikilala nila. Noon biglang pumasok sa isip ko si Haring Solomon, at kahit bata pa, siya ay matalinong hari. Nagpasiya akong sundin ang payo nina Elder Woods at Elder Williams na basahin ang Aklat ni Mormon, at itanong sa Diyos kung totoo ito. Nang makarating ako sa (Moroni 10:3-7) na nagpapaliwanag sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, nanggilalas ako. Siya ang nagpapatotoo sa katotohanan ng lahat ng bagay. Pumasok sa isip ko marami pang banal na kasulatan. Talagang nagulat ako sa nadama ko noon matapos basahin ang Aklat ni Mormon bawat araw, at hindi ko ito maipaliwanag ni maitatwa ito. Isang araw sa isang lesson pinatigil ko ang mga Elder para sabihin sa kanila na naniniwala ako sa binabasa ko. Sinabi ko pa na parang nag-uumapaw sa saya ang puso ko, na halos sumabog ito. Kapwa sila nakaupo na di-makapaniwala, at hiniling na buklatin ko ang (Alma 32:27-28). Ang binhi ng katotohanan ay nakatanim na sa aking puso, ginising ang buo kong pagkatao, nagsimula kong madama ang pag-uumapaw sa aking dibdib, nagsimula kong masabing mabuting binhi ito, at Oo!!! napakasarap nito sa akin … ito ay galing sa Diyos!!! Ang nakakatuwa ay nang tanungin ako kung gusto kong magpabinyag, para akin isang kabaliwan ito pero pumayag ako. Ibig sabihin nito ay tatalikuran ko ang lahat, ang relihiyon na noon pa man ay inakala kong totoo, at mawawala ang karamihan sa pamilya at mga kaibigan ko dahil sa desisyong ito. Para na ninyong nakita, gulat na gulat ang asawa ko! Maganda ang takbo ng buhay hanggang sa sabihin ko sa mga kaibigan at pamilya ko ang tungkol sa desisyon ko na magpabinyag sa ibang simbahan. Sa madaling salita, ang buong pamilya, maliban sa isang kapatid kong babae, at karamihan sa mga kaibigan ko ay nagpasiyang layuan na ako. Sa kabila ng lahat ng ito, nadama ko na ito ang nais ng Panginoon na gawin ko. Sa gayon kalaking kawalan, nanlumo ako at hindi ako makapili ng petsa para magpabinyag kaya’t ang mga Elder ang nagdesisyon para sa akin. Ang isa pang nakakagulat, pinili nila ang Abril 22, 2006. Napakahalaga sa akin ng petsang ito; ang numerong 22 ang paborito ko. Iyon ang numero ko sa bawat naging laro ko. Iyon ang araw nang hilingin ko sa asawa ko na magpakasal sa akin. nagkataon din na isa ito sa mga paborito kong kabanata sa Aklat ni Mormon, 2 Nephi 22:2: “Masdan, ang Diyos ang aking kaligtasan; ako ay magtitiwala, at walang katatakutan, sapagkat ang Panginoong Jehova ang aking lakas at aking awit; siya rin ay naging aking kaligtasan.” Nabinyagan ako noong Abril 22, 2006. Ang dalawa kong anak, na 8 at 14 na taong gulang noon, ay nagsimulang magpaturo at kapwa sila nabinyagan noong Nobyembre 2006. Nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataon na binyagan silang dalawa at ikumpirma silang mga miyembro ng simbahan. Makaraan ang dalawang taon naging miyembro ng simbahan ang nanay ko na dating ayaw tanggapin ang desisyon ko na sumapi sa simbahan o ang pagpapakasal ko sa aking asawa. Nagkaroon ako ng pagkakataong binyagan din siya at ikumpirma. Isa sa mga paborito kong awitin sa simbahan ang “Ako’y Namangha” sa ginawa ng Panginoon para sa ating lahat! Iyan mismo ang nadarama ko bawat araw sa Ebanghelyong ito, NAMAMANGHA!!!

Personal na mga Kuwento

Mangyaring ibahagi ang iyong damdamin/patotoo tungkol sa Panunumbalik ng Ebanghelyo.

Alam kong inakay ako sa simbahang ito hindi ng bisig ng laman kundi ng Espiritu Santo, alam kong tinawag ako ng aking Ama sa Langit sa gawaing ito. Natanto ko na lahat ng pagsisikap ko hanggang sa puntong ito ang umakay sa akin sa kinaroroonan ko ngayon at mahaba pa ang aking lalakbayin. Lumakas ang patotoo ko tungkol sa Ama at sa Anak, higit kaysa anumang nakamtan ko sa buong buhay ko. Alam ko at mapatototohanan ko ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon, na ito ang salita ng Diyos, kasama ng mga Banal na Kasulatan. Ang dalawang ito ang daan upang maging mas malapit tayo sa ating Ama sa Langit, sa katunayan hinihintay Niya tayong gawin ito. Nagpapatotoo ako na sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon ang mga dungawan ng langit ay bubuksan sa sinumang tunay na naghahanap sa mga bagay na nakatago sa karaniwang paningin. Nagpapatotoo ako na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Panginoon ang Ebanghelyo na inalis noon sa mundo. Buong pagtitiwala kong masasabi na binigyan ako ng Panginoon ng tunay na kasama sa buhay na higit kaysa inakala at inasam ko sa magiging asawa ko. Nagpapatotoo ako na ang mga templo na nasa maraming lupain ay mga bahay ng Diyos sa mundo at naroon ang mga kayamanan na hindi sa mundong ito kundi mga simbolo ng espiritu at katotohanan. Nagpapatotoo ako sa kapangyarihang magbuklod para sa mga pamilya sa lahat ng panahon at kawalang-hanggan. Nagpapatotoo ako na kahit ano ang mangyari, ang pamilya pa rin ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa lahat ng kanyang nilikha tungo sa Kaligtasan ng buong sangkatauhan. Nagpapatotoo ako na sa kapangyarihan ng priesthood lahat ng bagay ay mangyayari, kapwa sa langit at sa lupa. Nagpapatotoo ako na mayroong buhay na Propeta sa mundo ngayon, si Thomas S. Monson, ang propeta, tagakita, at tagapaghayag ng daigdig. Taimtim akong nagpapatotoo sa mga kagila-gilalas na gawa sa mga huling araw na ito at sa mga himalang nakapalibot sa atin sa araw-araw, mula sa hangin na ating nalalanghap, hanggang sa pagbangon natin mula sa ating higaan sa bawat araw. Dalangin ko na tatalikuran ng lahat ang likas na mga hangarin ng ating puso, at lalapit kay Cristo na magpapabago sa lahat ng bagay at ito ang aking patotoo. SA SAGRADONG PANGALAN NG ATING PANGINOONG JESUCRISTO … AMEN.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Ipinamumuhay ko ang aking relihiyon, at hangad kong maging pinakamabuting asawa, ama, anak, kapatid, kaibigan, at lingkod ng Panginoon sa abot ng makakaya ko. Mahal ko ang Ebanghelyong ito, at ang pagkaalam ko na totoo ang Aklat ni Mormon ay parang ganito: kapag nawala ang susi mo sa bahay, hindi ka titigil hangga’t hindi mo ito nahahanap. Hanap ka lang nang hanap, kahit saan, pero di mo pa rin makita. Tapos bigla kang uupo nang tahimik at HALA! “naroon pala,” sa harap mo mismo. Hindi mo nakita ang bagay na nasa harap mo lang pala dahil iba ang nasa isip mo. Naniniwala ako na maaayos ang lahat, kahit ano pa ang mangyari, at mamumuhay ako bawat araw nang hindi umaasa sa sarili kong kaalaman kundi ayon sa kaalaman ng Diyos sa lahat ng bagay. Kinikilala ko ang kanyang mga paraan, at hinahayaan ko siyang akayin ako sa landas. (Mga Kawikaan 3:5) Sinisikap kong kilalanin ang kanyang impluwensya sa bawat aspeto ng aking buhay.