mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Denny

  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock
  • Denny Hancock

Tungkol sa Akin

Kami ng asawa kong si Leslie ay may 5 anak, 8 apo, at marami pang paparating. Gusto namin ang Northwest na bahagi ng Amerika, Snowskiing, Waterskiing, pamamangka, atbp. Ang aming mga anak ang aming kagalakan. Ako ang nangangasiwa sa mga bahay-kalinga para sa kababaihan at mga bata, at sa isang street program na layong muling pagsamahin o ibalik ang mga palaboy sa kanilang mga pamilya. Mahigit 20 taon na naming pinangangasiwaan ni Leslie ang Mamma’s Hands at marami na kaming nakitang mga himala sa buhay ng mga tao at sa buhay namin. Hilig ko ang musika at matagal nang nagpapraktis tumugtog ng gitara, piano, trumpet at harmonica, kaya dapat mahusay na akong tumugtog pero hindi pa rin. Ikinasal kami ni Leslie noong 1976. Noong una ay salat kami sa pera. Paglalagay ng karpet ang trabaho ko noon at si Leslie ay sa bahay lang kasama ng mga bata. Matapos ang ilang malalaking hamon, nadama ko na parang wala nang pag-asang bumuti pa ang aking katayuan. Noon ko nakilala ang dalawang palaboy na lalaki na nagpabago sa aking buhay. Nang makita ko ang hirap nila napahalagahan ko ang napakagandang kaloob sa akin--ang aking pamilya. Noon nagsimulang magbago ang aking propesyon. Makalipas ang ilang taon natagpuan ko ang sarili ko na nangangasiwa sa mga bahay-kalinga at tumutulong sa mga palaboy sa lansangan. Habang nasa paaralan ang lahat ng anak namin, nagtrabaho si Leslie nang part time sa pagbebenta ng real estate. Isa siya sa mga nangungunang realtor sa Seattle area, ilang taon na rin ngayon, kaya nagagawa ko ang pinakamabuting nagagawa ko. Napakaganda talaga ng buhay ko. Nagtuturo din ako sa CTR B sa Primary na klase ng mga limang taong gulang na bata sa simbahan. Gustung-gusto ko ito at oo, Mormon ako.

Bakit Mormon Ako

Isinilang ako sa isang pamilyang Mormon. Lumaki akong sagana sa pagmamahal, tawanan, 7 magkakapatid, may nanay at tatay at isang aso. Simple lang ang buhay ko noong bata ako. Mormon ako dahil Mormon ang nanay at tatay ko. Nang mag-aral na ako sa kolehiyo naaalala kong nakaupo akong mag-isa sa simbahan na nag-iisip-isip. Bakit nga ba ako narito. Noon ako talagang nagdasal sa unang pagkakataon, buong puso kong itinanong sa Diyos kung totoo ang bagay na palagi kong ipinagwawalang-bahala noon. Pagkatapos kong magdasal maganda ang naging pakiramdam ko at naisip kong susubukan ko itong muli kapag nakauwi na ako sa bahay at nag-iisa. Nakaupo ako at nakikinig sa mensahe nang biglang madama kong parang gumaan ang buong katawan ko, punung-puno ng pagmamahal ang puso ko at hindi ko alam kung bakit. Tumulo ang mga luha sa pisngi ko at nalaman ko na simula ito ng pagkakaroon ko ng sariling patotoo. Madalas kong isipin ang araw na iyon at sinisikap ko pa ring maging ang taong nais ng Diyos na kahinatnan ko, mahal ko ang buhay ko dahil alam kong magsasama nang walang-hanggan ang pamilya ko, na tunay ang kagalakan ko, at tunay ang pag-ibig ng Diyos. Nagdarasal pa rin ako na magkaroon ng sarili kong patotoo, at ang mga mahal ko sa buhay, at lahat ng naghahanap ng katotohanan.

Personal na mga Kuwento

Ano ang pag-asa at ano ang inaasam mo?

Pag-asa ang nag-aangat sa atin mula sa matinding pagkasiphayo. Pag-asa ang nagbibigay sa atin ng lakas na makayanan ang mga trahedya sa buhay. Ang pag-asa ay regalong maibibigay mo sa taong nawalan nito pero tinataglay mo pa rin ito. Ang pag-asa ay makapagdudulot ng galak kahit wala pang kalutasan ang problema. Kapag ibinahagi ang pag-asa, magdudulot ito ng lakas sa iba, sa mga komunidad, lungsod, bansa, at sa buong mundo. Ang pag-asa ay malakas kaunti man ito at hindi ito mapipigilan kung napakatindi nito at ang dalawang ito ay maaaring magkaisa sa isang kislap ng liwanag.

Bakit/Paano ninyo ibinabahagi ang ebanghelyo sa inyong mga kaibigan?

Marami akong pinaglilingkuran sa aming komunidad na matindi ang pangangailangan. Natagpuan ko ang sarili ko na nakikipagtulungan sa maraming kaibigan at mga kapitbahay. Napakagandang paraan ito para maipakita ang ebanghelyo. Marami nang itinanong sa akin tungkol sa mga Mormon kahit hindi ko binabanggit ito. Hindi ako nahihiyang malaman ng mga tao na Mormon ako at natutuwa akong sagutin o subukang sagutin ang tanong tungkol sa simbahan. Sa gayon, mas madali na silang paturuan sa mga missionary.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Tinutulungan ko ang mga taong sobrang hirap sa buhay na walang matirhan. Marami sa mga babaeng tinutulungan ko ay nawalan ng mga anak dahil sa maling pagpili ng lalaki o uri ng pamumuhay. Malaking kagalakan ang matulungan ang lalaki o babaeng palaboy na muling makauwi sa kanilang tahanan. Ang makitang muling napapangalagaan ng isang ina ang kanyang anak at natututuhan kung paano palakihin ang anak na iyon ay malaking kagalakan din. Tinutulungan naming mabuo muli ang mga pamilya at tinuturuan sila kung paano mananatiling magkakasama. Hindi ko maubos-maisip na kukunin ang sinumang mahal ko sa buhay dahil sa kapabayaan ko. Sa simbahan matagal na akong nagtuturo sa maliliit na bata. Ako ngayon ang teacher ng CTR B, ang mga limang taong gulang na bata. Kasama ang isa pang brother itinuturo namin sa mga batang ito ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Noong una akala ko madali, pero natanto ko kalaunan na kailangan ng maraming paghahanda para sa mga limang taong gulang. Edad ito ng kawalang-muwang, pero sa edad nila maipaaalam nila sa iyo kung hindi ka nila kinagigiliwan. Mahal ko sila kahit ganoon sila. Sigurado akong nakakatuwa akong estudyante noong ganoon ang edad ko.