mormon.org Pandaigdigan

Hi ako si Bruno

  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez
  • Bruno Vasquez

Tungkol sa Akin

Isinilang ako sa magandang bansa ng Guatemala, sa sentro ng lupain ng Amerika. Katutuntong ko pa lang sa edad na 48, at ako ay may masayang pamilya. Sa nakaraang 28 taon bilang mag-asawa, napalaki namin ni Brenda ang apat na anak (dalawang lalaki at dalawang babae); may dalawa kaming apo at isa pang isisilang sa Abril 2012. Sa buhay ko, nagtrabaho ako nang 30 taon bilang publisher, at 8 taon dito ang naiukol sa malalaking kompanya sa aking bansa, at 22 taon sa sarili kong negosyo. Nitong huling apat na taon naging Life Coach ako, tumutulong sa mga tao –lalo na sa kabataan– na magkaroon ng layunin sa buhay at paunlarin ang kanilang potensyal. Bunga nito nakibahagi ako sa mahahalagang programa sa telebisyon at radyo sa buong bansa at nakapagbigay ng mensahe sa mga kumpanya at paaralan. Gustung-gusto ko ang magbasa at matuto sa lahat ng oras. Bilang mabuting Latino, mahilig ako sa sayaw, at musika, at naglalaro ng soccer, nang tatlong beses sa isang linggo.

Bakit Mormon Ako

Noong 10 taong gulang ako, habang binabasa ang Biblia nalaman ko na sa pamamagitan ni Abraham, binuo ng Diyos ang 12 lipi ni Israel, na 10 rito ay nawala, at ang isa ay ang lipi ni Juda, pero ang gusto kong malaman ay kung aling lipi ang kumumpleto sa 12. Marami na akong tinanong tungkol dito, at walang makasagot. Makalipas ang ilang taon, nakilala ko ang asawa ko, na miyembro na noon ng Simbahan, at hindi ko siya pinagsalita tungkol dito, at kapag nagsisimba siya, hinahatid ko lang siya at umaalis na ako. Ayokong pag usapan namin ang relihiyon. Noon pa ay hilig ko na ang soccer, kaya niyaya ako ng mga single adult na sumali sa team nila, at nagkaroon na ako ng mga kaibigang Mormon. Dahil dito, nakilala ko ang ilang sister missionary na nag-anyaya sa aking makinig sa mensahe nila, at pumayag ako. Nang banggitin nila ang Aklat ni Mormon at ang pinagmulan nito, itinanong ko kung iyon ba ang lipi na hinahanap ko pitong taon bago iyon. Agad akong nakadama ng saya sa puso ko, at sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon nang may matinding hangarin. Binasa ko ito sa loob ng 22 araw, at lubos na nagpasalamat na nalaman ko ang sakripisyong ginawa ni Jesucristo para sa akin, at ang panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa mundo. Ninais kong mapabilang sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng binyag. Nagbago ang buhay ko. Ako ang unang naging miyembro sa pamilya ko; ngayon ay miyembro na silang lahat, at nasa ikatlong henerasyon na kami. Alam ko na ang Diyos ang aking Ama, at pinatototohanan ko na natagpuan ko ang tunay na Simbahan ni Jesucristo, at ibinabahagi ko ito ngayon sa libu-libong tao, nang walang pag-aalinlangan ... at sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo.

Personal na mga Kuwento

Mangyaring ibahagi ang iyong damdamin/patotoo tungkol sa Panunumbalik ng Ebanghelyo.

Ang kalangitan ay muling nabuksan. Ang awtoridad ng Panginoon ay muling ibinigay sa tao. Ang awtoridad at ang Kanyang Simbahan ay naritong muli sa mundo, naghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Si Joseph Smith ay propeta ng DIYOS. Ang mga ordenansa ay pagpapakita ng Kanyang kabanalan, at ngayon ang Kanyang Simbahan ay pinamumunuan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Naniniwala ako at umaasa na makakapiling ko ang DIYOS at makakabahagi sa Kanyang magagandang pagpapala. Ako ay Kanyang anak, at inaanyayahan Niya akong maging perpekto sa pamamagitan ng Kanyang Anak, ang aking Manunubos na si Jesucristo.

Paano ko ipinamumuhay ang aking pananampalataya

Mahigit 30 taon na akong naglilingkod sa Simbahan, at isa sa mga pinakamagandang karanasan ko ay nang maglingkod kaming mag-asawa sa programa para sa kabataan, ang “Especially for Youth,” o EFY, 2010. Maraming buwan kaming naghanda noon bilang mga direktor ng sesyon, at buong linggo naming nakasama ang 740 mga kabataan. Napakagandang makita ang pagdating at partisipasyon nila sa bawat aktibidad at mga debosyonal. Sa oras ng klase parang mga anak namin silang lahat, nagpapakita sila ng mga talento at nagsasayawan din. Araw ng Huwebes nang magdaos kami ng debosyonal na umantig sa puso ng lahat ng nakibahagi. Bawat isa sa kanila ay tumayo at nagpatotoo. Mga mahigit isang oras kaming umiyak, at sa araw ng pamamaalam, walang gustong umuwi – napakaganda ng karanasang niyon. Nakakatuwa silang turuan. Masaya silang kasama. Makaraan ang halos isang taon, nakikipag-ugnayan pa rin kami sa karamihan sa kanila. Marami sa mga magulang ang nakakita ng pagbabago sa kanilang mga anak, sa unang pagkakataon.