mormon.org Pandaigdigan

Ang Plano ng
Kaligayahan ng Diyos

“Saan ako nanggaling at bakit?”

Ang iyong buhay ay hindi nagsimula sa pagsilang at hindi magwawakas sa kamatayan. Bago ka naparito sa lupa, ang iyong espiritu ay kapiling ng Ama sa Langit na lumikha sa iyo. Kilala mo Siya, at kilala at mahal ka Niya. Masayang panahon iyon kung kailan tinuruan ka ng tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos at ng landas patungo sa tunay na kagalakan. Ngunit tulad ng paglisan ng karamihan sa atin mula sa ating tahanan at mga magulang paglaki natin, batid ng Diyos na kailangan mo ring gawin ito. Alam Niya na hindi ka uunlad kung hindi ka lilisan sandali. Kaya tinulutan ka Niya na pumarito sa lupa upang dumanas ng kagalakan—gayundin ng sakit—ng pisikal na katawan.

Ang isang dahilan kaya napakahirap ng buhay na ito kung minsan ay wala tayo sa piling ng Diyos. Hindi lamang iyan, hindi rin natin maalala ang ating buhay bago tayo isinilang na ibig sabihin ay kailangan nating mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa halip na sa pamamagitan ng paningin. Hindi sinabi ng Diyos na magiging madali, ngunit ipinangako Niya na ang Kanyang espiritu ay paroroon kapag kailangan natin Siya. Kahit parang gayon nga kung minsan, hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay.

Ang Plano ng Diyos para sa Iyo

Hindi iyan nangangahulugan na inaasahan ka Niyang maging perpekto. Alam Niyang hindi iyon mangyayari. Ngunit inaasahan Niya na habang narito ka sa lupa ay gagawin mo ang lahat ng makakaya mo upang maging higit na katulad Niya at na matututo at uunlad ka mula sa iyong mga pagkakamali. Tuwing makagagawa ka ng maling desisyon na may masasakit na bunga, ang desisyong iyan ay humahantong sa kalungkutan—kung minsan ay kaagad nangyayari, kung minsan ay kalaunan pa. Gayundin, ang pagpili ng mabuti kalaunan ay humahantong sa kaligayahan at tinutulungan kang maging higit na katulad ng Ama sa Langit.

Pagtanggap ng Ating Pisikal na Katawan

Tulad ng paglikha ng Diyos sa mundo upang matirhan mo at magtamo ng karanasan, ikaw ay nilikha Niya. At binigyan ka Niya ng katawang may laman at dugo na katulad ng Kanyang niluwalhating katawan. Sa Lumang Tipan sinabi ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis” (Genesis 1:26). Ipinahayag ni Jacob na nakita niya ang Diyos “[nang harapan]” (Genesis 32:30). Nakausap din ni Moises ang Diyos “[nang harapan], gaya ng isang taong nakikipagsalitaan sa kaniyang kaibigan” (Exodo 33:11). Sa Bagong Tipan, nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Cristo sa Kanyang mga Apostol, sinabi Niya sa kanila, “Hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39).

Binigyan Tayo nina Adan at Eva ng Kaloob na Pumili

Bilang mga unang anak ng Diyos sa lupa, nanirahan sina Adan at Eva sa kanilang halamanang paraiso. Hindi sila nakaramdam ng anumang kalungkutan o sakit, na maaaring tila maganda, maliban sa kung wala ito, hindi rin sila makadarama ng kagalakan. Hindi nila naaalala ang kanilang pinanggalingan. Kung hindi nila kinain ang ipinagbabawal na bunga, maaaring nabuhay sila nang gayon magpakailanman at hinding-hindi magkakaanak. Maaaring hindi maisisilang ang tao o magkakaroon ng tao sa mundo.

Tulad ng alam natin, nagpatangay sina Adan at Eva sa mga tukso ni Satanas na kainin ang bunga at suwayin ang Diyos na nag-utos sa kanila na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman sa mabuti at masama. Dahil dito, nawalay sila sa piling ng Diyos sa pisikal at sa espirituwal—isang kaganapang tinutukoy nating Pagkahulog. Sila ay naging mortal—katulad natin—maaaring magkasala, magkasakit, dumanas ng lahat ng uri ng pagdurusa, at sa huli ay mamatay. Ngunit hindi naman iyon masama dahil makadarama na sila ngayon ng malaking kagalakan. “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” (2 Nephi 2:25) Ngunit nang maging masunurin sila sa Ebanghelyo ni Jesucristo sina Adan at Eva ay nakatanggap ng inspirasyon at paghahayag mula sa Diyos, at binisita pa ng mga sugo ng langit.

Nang palabasin sila ng halamanan, umunlad sila at natutong maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Bukod pa rito, nagkaroon sila ng mga anak, na nangahulugan na ang iba pang mga espiritung anak ng Diyos (lahat tayo) ay maaaring pumarito sa Daigdig, magkaron ng pisikal na katawan, at mapatunayan sa mga pinipili natin sa araw-araw. Tulad nina Adan at Eva, may ibinubunga ang lahat ng pinipili natin, mabuti man o masama. Ang walang hanggang kaligayahan at pag-unlad ay nagmumula sa pagpiling gawin ang nais ipagawa sa atin ng Diyos. Ang mahalagang salita ay “pagpili.” Karaniwan ay hindi nakikialam ang Diyos at hindi tayo hinahadlangan sa maling pagpili na iniudyok ni Satanas na gawin natin. Gayunman, ipinagkakaloob Niya ang Kanyang pagmamahal, banal na patnubay, at mga babala kapag binuksan natin ang ating puso sa Kanya.

Ang Lihim ng Kaligayahan

Kadalasan natutukso tayong isipin na ang bagong kotse, promosyon sa trabaho, pagpapaganda, o pagiging tanyag ay magpapaligaya sa atin. At kadalasan ay gayon nga—nang pansamantala. Ngunit hinding-hindi ito nagtatagal dahil hindi talaga nagdudulot ng tumatagal na kaligayahan ang kayamanan, kapangyarihan, kagandahan at katanyagan, gustuhin man natin. Bagkus, ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod sa halimbawa ni Cristo at pagkakaroon ng mga katangiang katulad ng sa Diyos tulad ng kabutihan, pagmamahal, katarungan at awa. Ito ay nagmumula sa paglilingkod sa iba at pagtulong sa kanila na sundin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo. Ito ay nagmumula sa pagdaig sa mga pagnanasa ng ating katawang-tao at pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu. Ito ay nagmumula sa lubos na pagsisikap at pagkakaroon ng malusog na pamumuhay, mga kaibigan, pamilya, at personal na tagumpay. Anuman ang mayroon ka o wala sa buhay na ito, ang iyong pinakamatindi at pinaka-nagtatagal na kaligayahan ay magmumula sa pagkaalam sa plano ng Diyos at pagsunod dito.

Kapag May Masasamang Bagay na Nangyayari

Nagkakasakit tayo. Namamatayan ng mga mahal sa buhay. Nawawalan tayo ng trabaho o tahanan. Hindi tapat ang ating asawa. Mahirap ang hindi magtanong kung bakit tinutulutan ng Diyos na magdusa tayo nang husto. Dapat mong malaman na bagama’t nalulungkot ang Diyos sa iyong pagdurusa, sa iyong mga paghihirap, anuman ang dahilan nito, ang mga ito ay maglalapit sa iyo sa kanya at palalakasin ka pa kung magtitiis ka nang tapat (2 Nephi 2:2 , Apocalipsis 3:19).

Nakapagbibigay ng kapanatagan na malaman na ang Anak ng Diyos, si Jesucristo, ay nagdusa sa lahat ng bagay. Nauunawaan Niya ang iyong pasakit at matutulungan ka sa iyong mga pagsubok. Kapag nanalig ka sa Diyos at sa Kanyang plano, matitiyak mo na may layunin ang lahat ng nangyayari sa iyo rito sa lupa. Ang panahon natin dito ay maikli kumpara sa ating buhay na walang hanggan. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith sa isang matindi niyang pagdurusa:

Ang pagdaig sa mga pagsubok ay magpapalakas sa iyo at mas magiging maawain ka. Matutulungan ka nitong matuto, umunlad at naising maglingkod sa kapwa. Ang pagdanas ng paghihirap ay isa sa pinakamahahalagang paraan para masubukan ka at maturuan sa buhay mo rito sa Daigdig. Ang mapagmahal nating Ama sa Langit ay may kakayahang tumbasan ang anumang kawalang-katarungang titiisin natin sa buhay na ito. Kung tapat tayong magtitiis gagantimpalaan Niya tayo nang higit pa sa kaya nating unawain sa buhay na darating (I Mga Taga Corinto 2:9). Kamangha-mangha na sa tulong ng Diyos ay maaari kang dumanas ng kagalakan maging sa oras ng pagsubok, at humarap sa mga hamon ng buhay nang payapa.

Ang Ginawa ni Jesucristo para sa Iyo

Nagdusa si Jesucristo para sa Atin 02:21

Ang iyong mga pagkakamali ay maaaring kasingsimple ng pananakit ng damdamin ng iyong kaibigan, o isang mas mabigat na pagkakasala. Ang makita ang pasakit na dulot natin at madama ang labis na kalungkutan sa pagsisisi, kahihiyan at pagkakasala ay maaaring napakahirap at nakapanlulumo kung minsan. Iniisip natin kung madaraig pa natin ang ating mga pagkakamali at madarama ang kapayapaan na mapatawad. Walang pasubaling magagawa natin, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa proseso ng pagsisisi. Maaari nating ipagtapat ang ating mga kasalanan sa Diyos at hingin ang Kanyang patawad. At nangako Siya na “hindi na [Niya] naaalaala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42). Mangyayari ito dahil isinugo ng Ama sa Langit ang kanyang anak na si Jesucristo upang kusang-loob na magdusa at magbayad para sa ating mga kasalanan at kalungkutan sa pamamagitan ng pagbabayad-sala Niya mismo sa mga ito. Hindi natin lubos na mauunawaan kung paano nagdusa si Jesus para sa ating mga kasalanan. Ngunit alam natin na sa Halamanan ng Getsemani, ang bigat ng ating mga kasalanan ang dahilan ng pagdanas Niya ng gayon katinding pagdurusa kaya lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang balat (Lucas 22:39-44) . Kalaunan, habang nakabayubay Siya sa krus, kusang-loob na nagdusa si Jesus ng masakit na kamatayan sa isa sa pinakamalulupit na pamamaraang alam ng tao (Alma 7:11).

Gayunman, ang paghihirap ng Kanyang isipan at espiritu ay humigit pa sa sakit ng pagkabayubay sa krus. Sabi sa atin ng Tagapagligtas, “Sapagkat masdan, ako … ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa … na katulad ko” (Doktrina at mga Tipan 19:16–17).

Bukod pa sa paghingi ng tawad sa Diyos, nais din Niyang humingi tayo ng tawad sa mga nasaktan natin, alamin kung maitatama pa natin ang pagkakamali, at mangakong hindi na natin uulitin ang mga iyon. Sa gayon ay makapagpapatuloy tayo na nadarama ang pagmamahal ng Diyos at ang di-kapani-paniwalang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagiging lubos na napatawad.

Para maging ganap na epektibo ang Kanyang Pagbabayad-sala sa iyong buhay, kailangan mong:

  • Sumampalataya sa Kanya.
  • Magsisi.
  • Magpabinyag.
  • Tanggapin ang Espiritu Santo.
  • Piliing sundin ang Kanyang mga turo habang ikaw ay nabubuhay.

“Ano ang Mangyayari Kapag Namatay na Ako?”

Kunwari’y nasa loob ng guwantes ang iyong kamay. Gagalaw lamang ang guwantes kapag gumalaw ang kamay mo. Ilabas ang iyong kamay sa guwantes at hindi gagalaw ang guwantes sa ibabaw ng mesa. Isang madaling paraan ito para maipakita kung ano ang mangyayari kapag ikaw ay namatay na. Kunwari ay katawan mo ang guwantes na pinagagalaw ng tunay mong pagkatao—ang iyong espiritu. Kapag ikaw ay namatay na naiiwan ang iyong katawan, na walang buhay na gaya ng guwantes, ngunit ang iyong espiritu ay buhay magpakailanman.

Di-mabilang na mga banal na kasulatan at personal na salaysay ng mga propeta sa lahat ng panahon ang nagsabi sa atin na ito ay totoo.

Kapag ikaw ang naiwan—na nawalan ng kaibigan o mahal sa buhay—ang sakit ng kawalang iyon ay ramdam na ramdam. Ngunit malaking kapanatagan ang dulot ng pagkaalam na makikita mo siyang muli. At dahil sa kamatayan ni Cristo, darating ang oras na ang ating espiritu at katawan ay muling magkakasama (mabubuhay na mag-uli) at magiging perpekto at hindi na muling magkakahiwalay.

Imortalidad—Isa sa mga Pinakadakilang Kaloob ng Diyos

Marahil karamihan sa atin ay magsasabing nais nating mabuhay magpakailanman. Iyan mismo ang ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa atin nang isugo Niya ang Kanyang anak na si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin at magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Tinatawag itong pagkabuhay na mag-uli at lahat ng isinilang sa lupa, kahit ang masasama, ay tatanggap ng kaloob na ito na imortalidad (I Mga Taga Corinto 15:22).

Sa ikatlong araw matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, si Jesucristo ang unang taong nabuhay na mag-uli. Ang Kanyang espiritu ay muling sumama sa Kanyang niluwalhati at naging perpektong katawan at hindi na Siya muling mamamatay. Nang bisitahin ng kanyang mga kaibigan si Cristo sa Kanyang Libingan, sinabi ng mga anghel, “Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya” (Mateo 28:6).

“Mapupunta ba ako sa langit?”

Oo! Hahatulan ng Diyos ang lahat ng tao nang makatarungan at angkop silang gagantimpalaan ng isang lugar sa Kanyang kaharian.