Lagpasan ang navigation
Makipag-usap sa Amin

Panunumbalik ng
Simbahan ni Jesucristo

Itinatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan sa Lupa

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6) sinabi ni Cristo sa kanyang mga disipulo sa kanyang maikli ngunit makapangyarihang pagmiministeryo sa lupa. Iyon ay napapanahon at kailangang mensahe dahil ilang daang taon bago Siya isinilang ay maraming taong tumigil sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ibinalik ni Cristo ang liwanag sa mundo nang ipahayag Niya ang Kanyang ebanghelyo katulad ng ginawa niya sa mga propeta noong araw na gaya nina Abraham, Isaac, at Moises. Pumili Siya ng labindalawang lalaki para maging Kanyang mga apostol—kabilang na si Pedro, Santiago at Juan—at ipinatong sa kanilang ulo ang Kanyang mga kamay upang ibigay sa kanila ang awtoridad na tinatawag na priesthood upang magsagawa ng mga binyag, pamahalaan ang Kanyang simbahan, at palaganapin ang Kanyang salita sa buong mundo.

Sa kabila ng Kanyang malaking impluwensya at maraming himala, sa huli ay tinanggihan Siya at ipinako sa krus. Pagkamatay niya, nagpatuloy ang Kanyang matatapang at matatapat na apostol kahit wala Siya, nagbinyag ng mga bagong miyembro, at nagpasimula ng iba’t ibang kongregasyon.

Ang Malawakang Pagtalikod sa Katotohanan

Gaano man kagiting ang mga pagsisikap ng mga apostol ni Cristo at ng matatapat na disipulo, ang orihinal na simbahang ipinanumbalik ni Cristo ay nagsimulang maglaho. Naharap ang mga miyembro sa matinding pang-uusig at pinaslang ang lahat ng apostol maliban sa isa. Ito ang panahong tinatawag na Malawakang Apostasiya, na nagkaroon ng “pagtaliwakas [o pagtalikod]” (II Mga Taga Tesalonica 2:1-3) sa ebanghelyong itinatag ni Cristo. Ang awtoridad ng apostol na ipagkaloob ang mga susi ng priesthood at tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan ay nawala kasama ng marami pang mahahalagang turo. Pumasok sa simbahan ang mga maling turo na taliwas sa Kanyang mga itinuro na nauwi sa magkakasalungat na mga opinyon at pagkawala ng mga katotohanan. Ang panahon ito ang tinatawag naming Malawakang Apostasiya.

Walang awtoridad o banal na patnubay, kaya nahirapang magtagal ang Kristiyanismo dahil sa magkakasalungat na opinyon maging tungkol sa pinakasimpleng mga turo ng ebanghelyo. Walang awtoridad ng priesthood o buong ebanghelyo, kaya kinailangang umasa ng mga tao sa karunungan ng tao upang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan, alituntunin at ordenansa. Maraming maling ideyang itinuro bilang katotohanan, at karamihan sa alam natin tungkol sa tunay na pagkatao at katangian ng Diyos Ama, ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Espiritu Santo ay nawala. Ang mahahalagang doktrinang gaya ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo ay nabaluktot at ang mahahalagang doktrina ay lubos na nawala.

Makalipas ang mga siglo, natanto ng mga taong nagkaroon ng inspirasyon, tulad nina Martin Luther at John Calvin, na ang mga kaugalian at doktrina ay nabago o nawala at sinikap nilang gumawa ng mga pagbabago sa mga simbahang kinabibilangan nila. Ngunit walang awtoridad ng mga apostol ng Panginoong Jesucristo, kaya hindi maibalik ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa orihinal nitong pagkakatatag.