mormon.org Pandaigdigan

Pagpapatatag ng mga Pamilya

Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Diyos

Hindi mahirap sabihin na ang isang tao ay mas makasusulong sa buhay kung nagmula siya sa tahanang may pagmamahalan at suporta. Maraming tao ang nagtatagumpay pa rin bagama’t di-gaanong-maganda ang sitwasyon ng pamilyang kanilang pinagmulan, ngunit ang matugunan ang ating mga pangunahing pangangailangan, mabatid na mahal tayo ng ating mga magulang at matuto ng mga aral sa buhay sa tahanan ang mas nagpapadali sa pagharap natin sa mga hamon sa araw-araw nating buhay. Maaaring kapag nasa hustong gulang ka na ay nais mo ng masayang tahanan para sa iyong pamilya.

Hindi ito nagkataon lamang. Binuo tayo ng Diyos sa mga pamilya nang sa gayon lumaki tayo nang maligaya at ligtas, at upang matuto tayong lubos na mahalin ang iba—ang susi sa tunay na kagalakan. Sa pamilya pinakamabisang natututuhan ang pagmamahal na gaya ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin.

Narito ang Simbahan ng Diyos upang tulungan ang mga pamilya na magtamo ng mga walang-hanggang pagpapala. Naniniwala kami na ang pinakadakilang pagpapalang ibinigay Niya sa atin ay ang kakayahang makabalik sa piling Niya sa langit kasama ang ating pamilya. Sinusunod namin ang kalooban ng ating Ama sa Langit dahil sa ganyan namin natatamo ang pagpapalang ito.

Lahat Tayo ay Bahagi ng Mag-anak ng Diyos

Kapag tinawag namin ang isang kapwa miyembro ng Simbahan na “Brother” Lee o “Sister” Brown, taos-puso iyon. Naniniwala kami na bawat isa sa atin—kabilang na ang mga hindi miyembro ng aming Simbahan—ay literal na anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit (Sa Mga Hebreo 12:9) at samakatwid, ay mga kapatid namin sa langit. Minahal tayo at tinuruan ng ating Ama sa Langit bilang bahagi ng isang walang-hanggang pamilya bago tayo isinilang sa mundo. Kaya may nagbibigkis na sa atin hindi lamang sa buhay na ito. Pag-isipan mo ito, kung talagang itinuturing mo na kapatid mo ang iyong kapitbahay o katrabaho, magiging iba ba ang pagtrato mo sa kanila? Gayundin, ang pagkabatid na walang hanggan ang kahalagahan ng iyong pamilya sa lupa ay maaaring makatulong sa iyo na tratuhin din sila nang mas maayos.

Ang mga Pamilya ang Dapat Unahin

Marahil ay isa tayo sa mapapalad na lumaki sa isang masaya at matatag na pamilya na may dalawang mapagmahal na magulang. O marahil ay hindi , at mahirap lumaki nang walang pagmamahal at suportang inaasam natin. Marahil kapag nasa hustong gulang ka na ay nais mo ang masayang tahanan para sa iyong pamilya. Hindi laging madaling mabuhay nang payapa sa isang pamilya, ngunit sa ipinanumbalik na Simbahan ng Diyos, ang pagsasama ng mag-asawa at mga pamilya ang pinakamahalagang yunit ng lipunan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Hindi sinasabi kailanman ng mga taong nakaligtas sa isang kalamidad na, “Ang nasa isip ko lang noong lindol ay ang pera ko sa bangko.” Halos palagi nilang sinasabi, “Ang nasa isip ko lang ay ang asawa’t mga anak ko.” Hindi na kailangang magkaroon pa ng kalamidad para malaman natin ang katotohanang ito. Ngunit napakadalas, hinahayaan nating mabaling ang ating pansin sa pagkita ng pera, sa paghahangad ng kasiyahan, o maging sa mga pangangailangan ng mga taong hindi natin kapamilya. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw una ang mga pamilya.

Mga Susi sa Pagkakaroon ng Masayang Pamilya sa Lupa

Ang kaligayahan ng ating pamilya ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ni Jesus. Ibig sabihin niyan ay ang pagiging di-makasarili, tapat, mapagmahal at marami pang ibang magagandang katangian, maliban pa sa matinding pagpupunyagi. Ang isang pamilyang nagmamahalan at maligaya ay hindi nagkakataon lamang.

Isipin natin ang ating sariling pamilya. May mga pagkakataong masaya tayo at mga pagkakataong hindi. Ano ang pinakamasasayang sandali natin? Marahil iyon ang mga sandaling nadama nating minamahal tayo. Noong umiyak si Itay dahil nagkasakit tayo. Noong nakita nating nagtawanan at nakangiti ang ating mga magulang, at nadama kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Noong i-high five ako ng kapatid kong babae noong makaiskor ako sa laro, o vice versa. Noong mabasag ko ang isang bintana at pinatawad ako ng mga magulang ko sa halip na sigawan ako. Noong dumulas ang kotse sa daan dahil sa pag-ulan ng niyebe at kinailangang maglakad ng ating pamilya nang ilang milya para makahingi ng tulong. Naghawak-kamay tayo at nagkantahan para bumilis ang paglipas ng oras. Tumulong ang ating pamilya na alisin ang isang tao na nalubog sa niyebe. Noong suportahan ako ng pamilya ko sa high school musical namin kahit ang gawain ko lang ay sa pag-aasikaso ng pagtatanghal. Marahil ito ay noong sama-samang nanalangin ang ating pamilya, nagkantahan, o nagsimba. Maaari nating gawin ngayon ang masasayang sandaling iyon sa ating sariling pamilya at asawa. Kung hindi ganoon karami ang masasayang sandali sa ating pamilya noong bata pa tayo, nais nating baguhin iyan ngayon.

Inihahanda Tayo ng mga Pamilya para sa Buhay na Walang Hanggan

Isipin ang mga bahaging ginagampanan natin, o gagampanan, sa ating pamilya, at lahat ng responsibilidad na kaakibat ng bawat isa. Ang isang magulang, asawa, kapatid—maging ang maliliit na bata ay maraming gagawin. Ang pagsisikap na inilalagay natin sa pagpapatatag ng ating pamilya ang pinakamahirap at pinakamahalagang gawaing magagawa ng sinuman sa atin sa lupa. Ang pagpapanatiling payapa ng tahanan at pag-uuna ng mga pangangailangan ng iba ay may magandang epekto sa atin, at hindi nagkataon lamang na napakahirap gawin ang mga bagay na ito kung minsan. Nais ng Diyos na subukan tayo para tayo ay umunlad at magkaroon ng mga kasanayang hindi natin matututuhan sa iba pang paraan—mga kasanayang tulad ng pagpapasensya at di-pagiging makasarili na makakatulong sa atin na maging higit na katulad ng Diyos at maghahanda sa atin na makapiling ang ating pamilya sa buong kawalang-hanggan.

Hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Gaano man ang pagsisikap natin, hindi magiging perpekto ang samahan ng mag-asawa at pamilya. Ngunit kung isasalig natin ang mga ito sa mga alituntunin ni Cristo kabilang ang pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan, ang tahanan ay maaaring maging isang lugar ng kanlungan, kapayapaan at malaking kagalakan.

Mga Kasal na Perpekto

Iniisip ng karamihan na ang kasal na perpekto ay nangyayari lamang sa dalawang taong labis na nagmamahalan at nagkakasundo. Gusto naming isipin na lahat ng ating kasal ay perpekto. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay pumasok sa isa sa aming mga banal na templo para magpakasal, nakikipagtipan sila (o nangangako) na magsasama sila magpakailanman—sa lupa at sa langit pagkamatay nila, kung tapat sila sa isa’t isa at sa mga pangako nila sa Panginoon. Ang kasal sa templo ay walang mga katagang katulad ng, “Hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan” o “Hangga’t nabubuhay kayo.” Kung tutuparin namin ang mga pangakong ito, magiging bahagi rin ng sagradong pangakong ito ang aming mga anak—nakabuklod sa amin magpakailanman.