mormon.org Pandaigdigan

Kalayaang Pumili

Ang Kalayaan ay Bahagi ng Plano ng Diyos

Kunwari’y lalabas ka para kumain at umorder ng salad, at sinabi sa iyo ng waiter na hindi ito maisisilbi sa iyo, sa halip ay sopas ang ibibigay sa iyo. Ano ang mararamdaman mo? Ang pagpili sa sopas o salad ay maliit na bagay lang, pero nagpapakita ito ng isang likas na katangian ng tao: ayaw nating mapuwersa sa mga desisyong kaya naman nating gawing mag-isa. Ayaw nating pinipilit tayo. Nahaharap man tayo sa mas mabibigat na desisyon, na may implikasyon sa ating moralidad, mahalagang tayo ang pumili para sa ating sarili. Ibinigay sa atin ng Diyos ang ating kalayaan at lagi Niyang igagalang ang ating kalayaang pumili. Kahit tayo ang “mananagot” sa ating mga pinili (Doktrina at mga Tipan 101:78) at laging may ibubunga ang mga piniling iyon kapwa mabuti at masama, hindi kailanman sinang-ayunan ng Diyos ang paggamit ng puwersa. Katunayan, pinapahalagahan ng Diyos ang diwa ng kalayaan at alam Niya na kailangan ng espiritu ng tao ang kalayaan para mahusay na makapaglingkod at maniwala sa Kanya. Sinabi Niya kina Adan at Eva na huwag kumain ng ipinagbabawal na bunga, ngunit Kanya ring sinabi, “gayon pa man, ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili.” (Moises 3:17)

Mahalagang huwag tapakan ang kalayaan ng ibang tao para sa pansarili nating hangarin. Kahit nadarama natin na ang iniisip natin ay para sa “kabutihan” ng ibang tao, mahalaga na lahat ay may karapatan sa sarili nilang opinyon at mga paniniwala.

Mahihirap na Pagpili

Ang pagiging mapagparaya at hindi paghatol sa iba ay maaaring mabubuting katangian, na nangangalaga sa karapatan ng lahat na pumili para sa kanilang sarili. Ngunit ang hindi pagkilos ay pagpili na rin at hindi ito mabuti. Gayon din ang pagtutulot sa ibang mga tao, lipunan o institusyong pulitikal na gumawa ng mga desisyon para sa iyo. Halimbawa, hindi dahil maraming pelikula ang nagpapakita na katanggap-tanggap ang pagtatalik bago magpakasal, ay katanggap-tanggap na nga ito. Ang ating pagkatao ay mahuhubog at madadalisay kapag pumili tayo batay sa kung ano ang tama. At sa kabila ng namamayaning karunungan, talagang may tama at mali sa mundo. Ang katotohanan ay hindi pabagu-bago at ang kasalanan ay hindi lamang simpleng “mahusay na paghatol” ng isang taong nabubulagan.

Ilang taon na ang nakaraan, isinalaysay ni James E. Faust ng Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang isang kuwento noong bata pa siyang sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Iniinterbyu siya ng isang lupon ng “propesyonal na mga sundalo” para makapasok sa paaralan ng mga magiging opisyal. Itinanong nila sa kanya kung hindi siya naniniwala na hindi dapat mahigpit ang moral code sa panahon ng digmaan, dahil sa hirap sa pakikipaglaban. Nadama ni Pangulong Faust na iminumungkahi nila na iyon ang nararapat, at inisip niya kung magkakapuntos siya kung aayunan niya ang ideya. Gayunman, sa huli ay sinabi lang niyang, “Hindi po ako naniniwala na may dalawang pamantayan ang moralidad.” Sa huli ay tinanggap siya sa paaralan ng mga magiging opisyal, marahil ay dahil sa determinasyon niyang gawin ang tama dahil tama iyon, kahit mahirap.

Madalas tanungin ang mga binata’t dalagang Mormon ng ganito, “Paano nangyari na hindi ka sumiping kaninuman kahit kailan?! Ayaw mo ba?” Sabi ng isang dalaga, hindi pinag-uusapan dito kung gusto mo. “Ang gustuhin lang ito ay hindi wastong gabay sa moralidad.” Maaaring gusto ng isang magulang na may maliliit pang mga anak na matulog hanggang pasado alas-6 n.u. at hayaan ang mga bata na asikasuhin ang kanilang sarili o magbitiw siya sa trabaho para magawa ang isang bagay na mas masaya. Pinipili ng isang responsableng magulang na gawin ang lahat ng uri ng sakripisyo. Ito ay nangangailangan ng disiplina upang mapili ang tama. Ang kabalintunaan ay kapag mas disiplinado tayo at mas pinipili natin ang mabuti, mas malaya tayo. Ang kasalanan ay naglilimita sa mga gagawin nating pagpili sa hinaharap: ang droga, alak, pagtataksil sa asawa ay mabilis makalulong at nagiging napakahirap na makalaya mula rito. Ang pagkalulong ang nagiging panginoon at tayo ang alipin. Ang pang-aabuso sa kalayaan ay nagpaparalisa.

Pagkakaroon ng Paninindigan

Dahil naunawaan ang mga pangyayaring naganap na, nililinaw kung minsan ng mga aklat ng kasaysayan ang mga isyung nagpawatak-watak sa mga tao sa nagdaang mga taon. Ang isang panig ay lalabas na may pananaw at tama, samantalang ang isa ay parang makikitid ang utak at “masasamang tao.” Gayunman, ang pag-iisip tungkol sa mga kontrobersiyang kinakaharap natin ngayon ay nagpapadaling makita kung gaano kahirap ngayong sabihin kung sino ang “tama” at sino ang “mali.” Ang pagkakaroon ng paninindigan sa isang isyung katulad nito ay mahirap, lalo na kung hindi tanggap ng nakararami ang pinaninindigan mo.

Ang mga Mormon ay hinihikayat na manindigan sa kanilang pinaniniwalaan, anuman ang nananaig na opinyon. Maaaring hindi ito madali, tanggap ng nakararami, o masaya. Kung minsan ang pagkakaroon ng paninindigan ay nangangahulugang pagdanas ng pangungutya, paninirang-puri o maging pisikal na pang-aabuso. Sa ganitong sitwasyon, makaaasa ang tao na tutulungan sila ng Panginoon na mapanatili ang kanilang mga pinaniniwalaan. Inaasahan Niya tayo na gawin ang pinaniniwalaan nating tama sa anumang sitwasyon, at tutulungan Niya tayong magkaroon ng tapang na gawin ito. Hindi sapat na hindi ito pansinin o manahimik na lang. Ang hindi pagpansin dito ay kasalanan din kung minsan. Kumikilos kami kung paano kumilos si Jesus kapag pinaninindigan namin ang aming pinaniniwalaan at kumikilos kami.

Pagiging Neutral sa Pulitika

Bagama’t naniniwala kami sa pagkakaroon ng paninindigan sa mga isyung moral, bilang isang Simbahan nananatili kaming neutral sa mga bagay na patungkol sa mga partido sa pulitika. Hindi idinidikta ng mga lider ng Simbahan kung sinong kandidato ang dapat iboto kahit hindi sang-ayon ang isang kandidato sa posisyong ipinahayag ng Simbahan sa publiko. Ni hindi ito nagdidikta ng patakaran sa inihalal na mga opisyal na Mormon. Maaaring ipaalam ng Simbahan ang mga pananaw nito sa kanila tulad ng gagawin nito sa sinumang iba pang inihalal na opisyal, ngunit kinikilala nito na ang mga lalaki at babaeng ito ay kailangang gumawa ng sarili nilang mga pagpapasiya ayon sa kanilang matalinong paghatol at isinasaalang-alang ang mga botanteng kanilang kinakatawan. Pumapanig ang mga Mormon sa anumang partido sa pulitika ayon sa pinaniniwalaan nilang higit na kumakatawan sa kanilang sariling mga pananaw.