mormon.org Pandaigdigan

Mabuting Pagkamamamayan

Makibahagi sa Iyong Komunidad

Ang aming pananampalataya sa Diyos ay naghihikayat sa amin na maging tapat na mamamayan ng aming bansa, estado at bayan. Kung iisipin namin ang pinakamahalaga, maaalala namin na lahat tayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos—literal na magkakapatid. Sa pagsisikap na maging mabubuting mamamayan sa abot ng aming makakaya, nagagawa naming mas maganda, payapa at mainam na lugar ang mundong aming ginagalawan para sa aming sariling pamilya at sa aming kapwa.

Paano natin matutulungan ang sarili nating komunidad? Ano ang gagawin natin para maging mas mainam na lugar ang ating bansa? Ang pagiging mabuting mamamayan ay maaaring maging kasingsimple ng pagsasaliksik tungkol sa mga isyu sa pulitika para maging maalam tayong mga botante, o pag-oorganisa ng isang liga ng soccer para may magawa ang mga bata sa ating pamayanan na masaya at ligtas paglabas nila ng paaralan. O maaari nating lutasin ang isang mas malaking problema ng ating lungsod o estado, gaya ng paghahanap ng mga paraan para mabawasan ang krimen o mapaganda ang library sa lugar. Paano man natin pagandahin ang ating paligid, makatitiyak kami na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Tapat sa Iyong Bansa

Kahit napaalis na sila ng mga pamahalaang lokal sa iba’t ibang pamayanan, at tumanggi ang pamahalaan ng bansa na protektahan sila, ang mga Mormon noong araw ay hinilingan at nagpadala pa rin ng isang batalyon ng mga sundalo upang makipaglaban para sa kanilang bansa sa Mexican American War. Nakasaad sa ika-12 Saligan ng Pananampalataya ng Simbahan na, “Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas.” Ang pagiging tapat sa aming pananampalataya ay hindi nangangahulugang hindi na kami maaaring maging tapat din sa aming bansa. Sinabi ng dating pangulo ng Simbahan, si Joseph F. Smith, na ang mabuting Mormon “ay magiging mabuting mamamayan ng lupaing kanyang sinilangan o kinalakhang bansa. Ang mamamayan sa kaharian ng Diyos ay dapat manguna sa pinakamahuhusay na tao ng Diyos sa buong mundo.” Bukod pa sa pagsuporta sa mga pinuno ng pamahalaan at pakikibahagi sa mga gawaing sibiko, ang katapatan ay nangangahulugan din na sinisikap naming gawing mas mainam na lugar ang ating bansa. Ang aming pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa ay magbibigay-inspirasyon sa amin na itama ang ilan sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa.

Makabuluhang Pakikibahagi sa Sarili Mong Komunidad

Karamihan sa atin ay nais maging mabuting mamamayan, ngunit hindi laging madaling malaman kung paano. Mahalagang tandaan na hindi natin kailangang ibigay ang lahat ng oras at lakas natin para masabi nating mabubuti tayong mamamayan. Malaki ang magagawang kaibhan ng ilang oras dito at doon, sa sarili nating komunidad. Ano ang mangyayari sa mga palaro ng maliliit na liga kung walang mga magulang na nagboluntaryong magturo? Anong pagkakaibigan ang maaaring hindi mangyari kung walang organisadong salu-salo sa magkakatabing kabahayan? Ano ang mangyayari sa mga kapus-palad kung walang nagboboluntaryong tumulong sa mga bahay-kalinga at nagluluto ng pagkain para sa kanila? Ang mabuting pagkamamamayan ay nagsisimula sa tahanan, at ang maliliit na bagay na ginagawa natin para pagandahin ang sarili nating kalye ay mas malaki ang epekto kaysa inaakala natin. Lahat tayo ay may mahalagang maiaambag, kailangan lang nating alamin kung ano iyon at isagawa iyon.

Mabubuting Mamamayan ng Daigdig

Bukod pa sa pagiging mga mamamayan ng isang lungsod at isang bansa, lahat tayo ay mamamayan ng daigdig. Nilikha ng Diyos ang magandang mundong tinitirhan natin, at responsibilidad nating igalang ito. Maipapakita natin ang ating pasasalamat sa Kanyang kamangha-manghang likha sa pagiging maingat sa likas na yamang ating tinatamasa at sinisikap na bawasan, gamiting muli, at i-recycle ang mga ito—binigyan tayo ng Diyos ng “kapangyarihan sa lahat ng hayop sa parang,” ngunit kaakibat ng kapangyarihang iyan inaasahan tayong maging responsable sa ating ikikilos (Moises 5:1). Pinagtiwalaan tayong pangalagaan ang daigdig, hindi lamang dahil ito ay kaloob ng Diyos, kundi dahil umaasa tayo rito para mabuhay. Kaunti na lang sa atin ang nagtatanim para sa sarili nating pagkain ngayon hindi tulad noon bago nagkaroon ng pagbabagong pang-industriya, kaya madaling malimutan kung gaano tayo umaasa sa lupaing tinitirhan natin (Lahat ng pagkain natin ay nagmumula sa groseri, ‘di ba?). Makabubuti sa atin ang alalahanin kung saan nagmumula ang ating kinakain ngayon. Para maipakita ang aming pasasalamat sa Diyos, sinisikap naming maingat na gamitin ang mapakikinabangang kagandahan at yaman ng daigdig para sa mga susunod na henerasyon.

Ang Kabutihan ay Nagpapadakila sa Isang Bansa

Ikaw man ay inihalal na opisyal, guro sa pampublikong paaralan o karaniwang botante, ang pagganap mo sa iyong tungkulin sa bayan ay maaaring makapag-ambag sa pag-unlad o pagkasira ng lugar na kinaroroonan mo sa mundo. Ang isang bansa, estado o komunidad ay parang pamilya—di-maiiwasang hindi maging perpekto, ngunit magiging maayos ito kapag mabubuti ang mga taong bumubuo nito. Ang integridad ng isang estado ay nabubuo sa mga kamay ng mga mamamayan nito. Hindi dahil sa hindi mo magawang perpekto ang iyong bansa ay wala ka nang pananagutan. Kung hindi makikibahagi ang mabubuting tao sa mga desisyong pampulitika na humuhubog sa kanilang buhay, dadagsa ang iba pa na may mas makasariling hangarin upang punan ito.


Magbayad ng Buwis kay Cesar at sa Diyos

Nang tanungin ng isa sa mga Fariseo si Jesus kung ano ang pananaw niya tungkol sa pagbibigay ng buwis sa pamahalaan, sinabi Niya, “Ibigay … kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios” (Mateo 22:21). Utang natin sa ating pamahalaan ang mga kalsadang ginagamit natin, ang mga paaralang pinapasukan ng ating mga anak, ang pagpapatupad ng batas na nagpapanatili sa ating ligtas at iba pang mga serbisyong inilalaan nito. Utang natin sa Diyos ang ating buhay at ang mga walang-hanggang oportunidad. Binabayaran natin ang dalawang utang na ito sa magkaibang paraan, at dapat nating igalang ang dalawang ito na pinagkakautangan natin upang maging karapat-dapat sa mga pagpapalang tinatamasa natin sa buhay na ito at sa mga ipinangako sa atin sa buhay na darating.

Pagiging Neutral sa Pulitika at Pagiging Magalang

Kahit naniniwala kami sa pagkakaroon ng paninindigan sa mga isyung moral, bilang Simbahan nananatili kaming neutral tungkol sa mga partido sa pulitika sa lahat ng maraming bansa kung saan naroon ang aming relihiyon. Hindi idinidikta ng mga pinuno ng Simbahan kung sinong kandidato ang dapat iboto — o hindi dapat iboto — ng kanilang mga miyembro kahit hindi sang-ayon ang isang kandidato sa posisyong ipinahayag ng Simbahan sa publiko. Malaya ang mga miyembro ng Simbahan na umayon sa anumang partido o organisasyon sa pulitika Pagiging Neutral sa Pulitika na pinili nila, alinsunod sa mga dikta ng sarili nilang konsiyensya.

Maliban dito, ang mga Mormon ay hinihimok na maging magalang hinggil sa mga bagay na patungkol sa pulitika. Hindi iyan laging madali. May ilang isyung maseselan at napaka-kontrobersyal kaya maaaring mahirap igalang ang karapatan ng ibang tao na magkaroon ng ibang opinyon. Ngunit sinabi sa atin ng Panginoon sa Aklat ni Mormon na “[ang] diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).

Malayang Kumilos Para sa Ating Sarili

Kung minsan, kung ang isang inihalal na opisyal ay miyembro ng isang relihiyon o iba pang organisasyon na malinaw at hayag ang mga paniniwala, nag-aalala ang ilan na gagawin niya ang anumang ididikta ng relihiyon o organisasyong iyon. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naninindigan sa ideya na ang simbahan at estado ay magkahiwalay na entity. Naniniwala kami na ang lider sa relihiyon ay hindi dapat makialam sa pulitika at na ang inihalal na mga opisyal o lingkod ng bayan ay lubos na malayang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung may anumang inasal ang mga Mormon na laban sa mga alituntuning ito, labag ito sa itinalagang mga alituntunin at patakaran ng Simbahan.

Ang Panginoon ay “ibinigay sa mga anak ng tao na maging mga kinatawan ng kanilang sarili” (Doktrina at mga Tipan 104:17). Ang inihalal na mga opisyal at lingkod ng bayan na mga Mormon ay gumagawa ng sarili nilang mga desisyon at maaaring hindi kaayon ng posisyong ipinahayag ng Simbahan sa publiko. Maaaring ipaalam ng Simbahan ang mga pananaw nito sa kanila, tulad ng gagawin nito sa sinumang iba pang pinuno, ngunit kinikilala nito na ang mga lalaki at babaeng ito ay kailangang gumawa ng sarili nilang mga pagpapasiya ayon sa kanilang matalinong paghatol at isinasaalang-alang ang mga botanteng kanilang kinakatawan.