Lagpasan ang navigation
Makipag-usap sa Amin

Ano ang nakatulong para magkaroon ng higit na pagkakasundo sa iyong tahanan?

  • Natuklasan ko na medyo mahirap pasayahin ang lahat nang sabay-sabay! Ang maligayang tahanan ay nagsisimula sa akin at sa iaasal ko. Hindi ko pwedeng asahan na magkakasundo ang mga bata kung palagi akong masungit! Kaya, kapag napapansin kong nagsusungit ako, sinisikap kong biglang pawiin ito sa pamamagitan ng pagngiti, pagkanta, pakikipagbiruan sa mga bata, o paghiling sa isang tao na magpatawa. Epektibo ito! Lahat ay natutuwa sa birong “knock, knock,” di ba? Ang isa pang susi sa maligayang tahanan ay ang isipin ang lahat ng bagay na nagpapasaya sa iyo. Simulang ilista ang mga ito. Maligaya ako na MAYROON akong tahanan! Puwedeng ganoon kasimple. Ang pagiging maligaya, at pagkakaroon ng payapang tahanan ay pinipili. Magagawa mo ito, sulit ito. Ipakita ang iba pa

  • Ang pagkakasundo sa tahanan ay mahalaga sa aming mag-asawa, dahil hindi kami pareho ng paniniwala ukol sa relihiyon. Gayunman, pareho naming mahal ang Biblia, na siyang pundasyon ng aming mga paniniwala. Iginagalang namin ang pagpili ng isa’t isa ukol sa relihiyon ngunit matatag ang aming pananalig sa aming kani-kanyang paniniwala sa relihiyon. Ipakita ang iba pa

  • Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay nagdulot ng pagkakaisa sa tahanan ng aking pamilya. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng hangarin na malaman ang ebanghelyo. Hindi kami palaging nagkakasama noon kaya ngayon gusto naming mas magkasama-sama kami. Sinisikap naming huwag galitin ang isa’t isa, sinisikap naming gawing payapa ang aming tahanan. Nabinyagan ako at ang aking ina. Alam kong ihahanda ng Ama sa Langit ang iba pang miyembro ng aking pamilya para makasama namin sa simbahan bilang mga banal sa mga huling araw. Alam kong tumutulong ang ebanghelyo para magkasama-sama ang mga pamilya, at naghahatid din ito ng kaligayahan sa kanilang buhay. Maaaring dumating ang mahihirap na sandali pero dahil sa ebanghelyo mas madaling makayanan ang mga ito. Ipakita ang iba pa

  • Tuwing Lunes ng gabi nagdaraos kami ng tinatawag na family home evening. Dito’y malaya ang pamilya namin sa iba pang mga responsibilidad at tinitiyak na sama-sama kaming lahat bilang pamilya. Dito’y nakakapag-usap kami nang tapatan sa isa’t isa sa paraang nakakatulong at nagpapasigla. Tinitiyak din namin na sama-sama kaming kumakain, kaya malaya kaming mag-usap at magsalita tungkol sa aming mga karanasan sa araw-araw. Lalo kaming nagkasundo habang nakikilala namin ang isa’t isa at inuuna namin ang aming pamilya kaysa iba. Ipakita ang iba pa

  • Sa abalang iskedyul namin at ng aming tatlong maliliit na anak, magagamit ng aming pamilya ang lahat ng tulong na makukuha namin para magkaroon ng pagkakasundo sa aming tahanan! Ang pinakamaganda naming tip—inilalaan namin ang bawat gabi ng Lunes para sa pamilya, at ito ang nakagawa ng malaking kaibhan sa aming buhay. Minsan ang tawag ng mga Mormon sa gabing ito ay “Family Home Evening” at hinihikayat kaming gawin ito bawat linggo. Sa gabi ng pamilya karaniwan kaming nag-uukol ng ilang minuto para repasuhin ang anumang pangangailangan, mga dapat gawin ng pamilya, nakaplanong aktibidad, o espesyal na kaganapan sa linggong iyon. Pagkatapos ay nagkakaroon kami ng maikling lesson o aktibidad, at maraming pagpipilian dito. Kung minsan isinasalaysay namin ang paboritong kuwento sa banal na kasulatan (nangunguna lagi ang tungkol kay Daniel sa yungib ng mga leon, may kasama pa itong sound effect at pagsasadula) at pinag-uusapan kung ano ang matututuhan namin mula sa kuwento. May mga pagkakataon naman na gumagawa kami ng cookies para sa aming mga kapitbahay, naglalaro, gumagawa ng mga ice cream sundae, o pinag-uusapan ang mga paraan na magagamit namin para malutas ang isang problema, mabawasan ang mga pagtatalo, o kaya’y ipahiram ang aming mga laruan nang maluwag sa kalooban (totoo ito sa matatanda gayon din sa mga bata). Karaniwan kaming kumakanta ng ilang awitin, nagdaraos ng masayang aktibidad, at may meryenda sa huli. Ang ganda talaga ng resulta! Sa pagdaraos namin ng gabi ng pamilya sa bawat linggo, naging mas malapit kaming pamilya sa isa’t isa, mas madali na ngayon ang pakikipag-usap sa isa’t isa, nabawasan ang pagtatalo at mas naipapakita ang pagmamahal, at mas nadarama ang pagkakaisa at pagkakasundo sa aming tahanan. Nasasabik lagi ang aming mga anak sa gabi ng pamilya, at isinasali namin sila sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga aktibidad na ito. Mas maligaya ang aming tahanan dahil sa gabi ng pamilya! Ipakita ang iba pa

  • May apat kaming anak na magkakaiba talaga ang mga personalidad! Malapit nang maging tinedyer si Ethan at may kapansanan siya sa isip. Malaki na ang iniunlad niya, pero dahil sa mga natural hormone na lumalabas sa ganitong edad, kung minsan ay napakahirap kontrolin kapag bigla siyang sinusumpong. Karaniwang ganito ang inaasal niya sa bus o kapag nasa eskuwelahan na siya. Nakakapagod talaga, at kung minsan ay talagang nagwawala siya. Si Derick ay kaedad ni Ethan at mayroon din siya ng ilan sa mga problemang ito. Puwedeng magiliw siya ngayon at pagkatapos ay bigla na lang siyang iiyak at manghahampas. Ang mga batang may Down syndrome ay maaaring matigas din ang ulo. May mga araw na kailangan ang mahabang pasensya at lakas. Ang mga babae naman, ang isa ay parang ako. Tama nga ang sinabi ng nanay ko. Medyo mainitin ang ulo niya, pero nakatutuwa siya, masayahin, at napakasigla. Kabaligtaran naman ang kapatid niya. Masigla rin siya, pero mas mahinahon siya at mabait. Pero ngayong 10 taong gulang na siya, nagiging sumpungin na siya habang inaalam niya kung sino siya talaga. Sa halu-halong pagbabagong ito, talagang mahirap mapanatili ang katahimikan at pagkakasundo sa aming tahanan. Sa totoo lang, ito ang mithiin ko sa bawat araw. Hindi ko ito magagawa kung hindi iisa ang mithiin naming lahat at kung hindi dahil sa tulong ng Diyos. Tuwing umaga, nagdarasal ako na bigyan ako ng pasensya na harapin ang mga hamon. Hindi ko kasi alam kung mag-aaway ang mga anak kong babae o kung susumpungin naman ang mga anak kong lalaki pagpunta sa eskuwelahan. Hindi ko kayang kontrolin ang mga bagay na ito. Bilang isang taong gustong magkaroon ng kontrol sa mga bagay na ito, napakahirap nitong harapin, pero narito na ito! Gayunpaman, maaari naman akong manatiling mahinahon sa mahihirap na sandali. Palaging nagdarasal sa umaga ang mga anak kong babae bago pumasok sa eskuwela at palagay ko nakatulong iyan para maalala nila kung paano sila dapat kumilos sa bawat araw. Bilang pamilya, binabasa namin ang mga banal na kasulatan at sama-samang nagdarasal sa gabi. Talagang nakatulong sa aming pamilya ang palagiang paggawa nito. Kahit gabing-gabi na at inaantok na kaming lahat, ginagawa pa rin namin ito. May mga gabi na may tanong ang mga anak naming babae at nauuwi iyon sa malalim na talakayan at magagandang sandali para matuto. Natuto silang maging mapitagan at mahalin ang mga banal na kasulatan. Natulungan din namin silang magsaulo ng maraming talata nitong nakaraang ilang taon. Napakaganda nito dahil kapag nagsisimula na silang mag-away, pinabibigkas ko sa kanila ang isang talata tungkol sa pag-ibig o pagkakasundo. Oo, ganyan akong ina! Kung tutuusin, mahirap ang buhay ng bawat tao. Hindi madali ang magpalaki ng mga anak—anuman ang pagkatao ng iyong mga anak. At binigyan tayo ng Simbahan ng huwarang masusundan para makatulong sa atin. Hindi ibig sabihin niyan na mawawala na ang mga pagsubok. Hindi basta-basta nagiging mahinahon si Ethan, pero makapagdarasal ako at makatatanggap ng sapat na kapayapaan. Sinisikap naming turuan ang mga anak namin at tinutulungan silang lumaking matagumpay, at ang pagdarasal at mga banal na kasulatan ay nagbigay ng mga paraang kailangan namin. Sa kabuuan, may lubos na pagmamahalan sa aming tahanan at mula ito sa pagmamahal namin sa Diyos. Sumasamo kami sa Kanya at maraming beses na naming nadama ang Kanyang tulong. Ipakita ang iba pa

Walang mga Resulta