Lagpasan ang navigation
Makipag-usap sa Amin

Mga Utos ng Diyos

Banal na Patnubay

Naaalala mo ba kung paano tayo tinuruan ng ating mga magulang ng mga patakaran noong bata pa tayo? Mga patakarang gaya ng huwag maglaro sa kalsada o huwag paglaruan ang posporo. Naaalala mo ba na parang kung minsan ay tila pabigat ang mga patakaran, iniisip natin na siguro inimbento lang ito ng ating mga magulang para hindi natin gawin ang talagang gusto nating gawin—mga bagay na akala natin ay magpapaligaya sa atin? Habang lumalaki tayo nalalaman natin kung gaano kahalaga ang mga patakarang ito, kung paano maaaring nasaktan tayo nang lubha o namatay pa nga kung hindi tayo sumunod.

Tulad ng ating mga magulang, binibigyan tayo ng Diyos ng mga utos para mapanatili tayong nakatuon sa kung ano ang pinakamahalaga at paano manatiling ligtas. Lahat ng patnubay Niya ay para panatilihin tayong ligtas, tulungan tayong manatiling malapit sa Kanya at, sa huli, para bigyan tayo ng higit na kalayaan at kaligayahan.

Maaaring isipin natin na ang salitang “utos” ay patungkol sa Sampung Utos—isang listahan ng “Huwag Kang”—hindi lamang sinasabi sa atin ng Diyos kung ano ang hindi natin dapat gawin, kundi sinasabi rin Niya sa atin ang dapat nating gawin. Ang malaking inaasam Niya ay para sa ating walang-hanggang kaligayahan, kaya makatitiyak tayo na ang Kanyang mga utos ay hindi mga patakarang naghihigpit sa atin, kundi ang mga ito ay banal na patnubay para protektahan tayo mula sa kapahamakan at akayin tayo sa mas mabuting pamumuhay.