mormon.org Pandaigdigan

Joseph Smith

Joseph Smith: Isang Propeta ng Diyos

Ang kanlurang bahagi ng New York State noong mga unang taon ng 1800s ay kilala bilang “Burned Over District.” Matindi ang damdaming naroon tungkol sa relihiyon. Maraming relihiyon ang nagsugo ng mga ministro para maghanap ng mga sasapi sa kanilang kawan. Kaya nga, inakala, na wala nang natira pa para kumbinsihin. Iyon ay isang panahon at lugar ng pagkakagulo sa paksang relihiyon.

Ganito ang sitwasyon nang isilang si Joseph Smith, Jr., anak nina Joseph at Lucy Mack Smith. Ang kanyang malaking pamilya ay nasa kalipunan ng kasiglahang ito sa relihiyon, na nagnanais na mabuhay nang matwid ngunit hindi tiyak kung alin sa mga nagtutunggaliang mga simbahan ang tamang sapian. Naniwala ang mga miyembro ng pamilya ni Joseph sa iba’t ibang relihiyon, ngunit hindi nila tiyak kung ang simbahan nila ang totoong Simbahan ni Cristo.

Ang mga miyembro ng Simbahang Mormon ay nagbabahagi ng kanilang damdamin at patotoo tungkol kay Joseph Smith, ang Propeta.

Naghangad ng Katotohanan

Labing-apat na taong gulang pa lang, hinangad na ni Joseph na matagpuan ang katotohanan. Tulad ng iba pa niyang mga kapamilya, masyado siyang relihiyoso, at nang dumating ang oras na dapat na siyang magpabinyag, kinailangang magpasiya ni Joseph kung alin sa maraming simbahang Kristiyano ang sasapian. Matapos pag-aralang mabuti, nalilito pa rin siya. Kalaunan ay isinulat niya, “Napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko [ … ] na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali [ … ] Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka, madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?” (Joseph Smith-Kasaysayan 1:8, 10).

Bumaling si Joseph sa Biblia para mapatnubayan. Nabasa niya,

Lubos siyang naantig sa talatang ito. Nagpasiya siyang manalangin tungkol sa kung ano ang dapat gawin, na may simpleng pananampalataya na siya ay diringgin at sasagutin ng Diyos.

Isang Propeta ng Diyos

Noong tagsibol ng 1820, nagtungo si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at lumuhod at nanalangin. Inilarawan niya ang kanyang naranasan: “Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin [ … ] Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa---Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith-Kasaysayan 1:16-17).

Panoorin kung paano ipinanumbalik ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo sa lupa sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang propeta (19:15).

Ang pangitaing ito ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang simula ng pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta ng Diyos. Sinabihan siya na wala sa mga simbahan sa lupa ang may kabuuan ng katotohanan. Sa paglipas ng panahon, hinirang si Joseph Smith upang itatag ang Simbahan ni Cristo at ipanumbalik ang priesthood, o ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos. Ginabayan siya ng Diyos sa isang sinaunang talaan at binigyan siya ng kakayahang isalin ito sa Ingles. Ang talaang ito ay tinatawag na Aklat ni Mormon. Patuloy siyang nanalangin at tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan sa buong buhay niya. Ang mga paghahayag na ito ay tinipon sa isang aklat ng mga banal na kasulatan na tinawag na Doktrina at mga Tipan at nagpapakita na ginagabayan pa rin ng Diyos ang Kanyang mga anak ngayon. Pormal na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Abril 6, 1830.

Isang Pinuno ng Simbahan ni Jesucristo

Kung minsan, kapag tayo ay nasa katungkulang may responsibilidad, pakiramdam natin ay hindi na natin kailangan ng tulong, ngunit si Joseph Smith ay lalo pang umasa sa Panginoon matapos siyang matawag bilang propeta. Batid niya na ang kanyang responsibilidad ay hindi ang palaganapin ang kanyang sariling mga turo, kundi ang ipaalam ang mga bagay na inihayag sa kanya ng Diyos. Karamihan sa tekstong bumubuo sa Doktrina at mga Tipan ay mga sagot ng Diyos sa mga panalangin at tanong ni Joseph Smith. Hiniling niya sa Diyos na liwanagin ang mga bahagi ng ebanghelyo at hiniling na patnubayan siya kung paano niya dapat pamunuan ang Simbahan at ang dumaraming mga Mormon. Sinabi sa kanya ng Diyos na tumawag ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno upang pangasiwaan ang Simbahan.

Nagtiis ng matinding pang-uusig ang mga naunang Mormon dahil inakala na banta sila sa pangangalakal, pulitika at relihiyon sa kanilang komunidad, kaya si Joseph at ang mga taong tinawag niya na tumulong sa kanya ay pinamunuan ang paglipat ng maraming Mormon sa mga lugar ng bansa na mas mababait ang mga tao. Sa kabila ng lahat ng pagdurusang kanilang tiniis, ang naunang miyembro ng Simbahan ay nagtayo ng mga templo, nagsagawa ng gawaing misyonero, nagtatag ng maunlad na mga lungsod at nagsilbi ang ilan sa militar ng Estados Unidos nang mandayuhan sila sa kanluran. Ilang taon bago namatay si Joseph, iniutos ng Panginoon na i-organisa niya ang Korum ng Labindalawang Apostol at kalaunan ay ipinagkaloob niya sa kanila ang lahat ng susi, karapatan, at awtoridad na kailangan para pamunuan ang Simbahan. Kasunod ng pagkamatay ni Joseph Smith, si Brigham Young, na siyang senior na Apostol noon sa lupa ang humalili sa kanya bilang ikalawang propeta at pangulo ng Simbahan. Ang propeta ngayon, si Thomas S. Monson, ang awtorisadong humalili kay Joseph Smith. Matutunton niya at ng iba pang mga Apostol ng Simbahan na ang kanilang awtoridad ay galing kay Jesucristo sa patuloy na mga ordinasyon sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Isang Tapat na Asawa at Ama

Sinabi ng isa sa mga sumunod na Propeta ng Simbahan sa mga miyembro, “Walang ibang tagumpay ang makahahalili sa kabiguan sa tahanan.” Mahigit isang siglo nang patay si Joseph Smith nang dumating ang pahayag na ito, ngunit naipakita niya ang mabuting halimbawa ng kaisipang ito sa buong buhay niya. Kahit madalas usigin si Joseph at kung minsan ay nabilanggo dahil sa mga maling paratang, laging nangunguna sa isipan niya ang kanyang pamilya. Isinulat niya sa kanyang asawang si Emma habang nakabilanggo siya sa Missouri,

Ipinamuhay ni Joseph ang doktrinang kanyang ipinangaral—na ang pagpapatatag ng ating pamilya ay dapat maging mahalagang pagtutuunan ng ating buhay. Nang manganib ang buhay niya, umasa si Joseph sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo hindi lamang upang iligtas ang kanyang sarili, kundi pati na ang asawa’t mga anak niya.

Isang Martir ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo

Kung minsan iniisip natin na ang mamatay para sa isang layunin ang pinakadalisay na pagpapakita ng katapatan, ngunit karaniwan ay mas mahirap mabuhay para sa isang bagay. Ginawa itong pareho ni Joseph Smith. Ginugol niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos, nagdusa ng panghahamak at karahasan para sa mga bagay na pinaniwalaan niya. Hindi siya namatay sa harap ng publiko nang may simpatiya ng mundo; binaril siya ng mga mandurumog habang siya ay nakapiit sa bilangguan dahil sa mga maling paratang.

Nagpakita siya ng katapatan sa Diyos sa buhay at kamatayan. Sinabi tungkol sa kanya, “siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at … tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo” (Doktrina at mga Tipan 135:3).

Ginawa niya ang gawain ng Diyos hanggang sa siya ay paslangin at pinupuri namin ang kanyang pananampalataya, kababaang-loob, at katapatan. Nagpapasalamat kami sa Simbahan na tinulungan niyang maitatag, sa banal na kasulatang kanyang isinalin, sa mga paghahayag na kanyang natanggap at sa mga bagay na itinuro niya na nagpaunawa sa amin ng mga paraan ng Diyos.

Ang katapatan ni Joseph Smith sa kanyang gawain sa maikling buhay niya ay nagbigay sa amin ng inspirasyon na gampanan ang aming sariling mga responsibilidad, gaano man kalaki o kaliit ang mga ito.