mormon.org Pandaigdigan

Jesucristo

Si Jesucristo na Ating Tagapagligtas

Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan at ang Anak ng Diyos. Siya ang ating Manunubos. Itinuturo sa atin ng Banal na Bilia na ang ina ni Jesucristo ay si Maria, ang Kanyang ama sa lupa ay si Jose, na Siya ay isinilang sa Betlehem at lumaki sa Nazaret, at nagtrabahong kasama ni Jose bilang karpintero. Nang siya ay mag-30 taong gulang, sinimulan Niya ang tatlong-taong paglilingkod na nagtuturo, nagbabasbas, at nagpapagaling ng mga tao sa Banal na Lupain. Itinatag din Niya ang Kanyang Simbahan at binigyan ang Kanyang mga apostol ng “kapangyarihan at kapamahalaan” (Lucas 9:1) upang makatulong sa Kanyang gawain.

Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin namin kapag sinasabi namin na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan? Ang Manunubos? Bawat isa sa mga titulong ito ay nagtuturo sa katotohanan na si Jesucristo ang tanging daan para makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit. Nagdusa si Jesus at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, na nagbigay sa bawat anak ng Diyos ng kaloob na pagsisisi at kapatawaran. Sa pamamagitan lamang ng Kanyang awa at biyaya makaliligtas ang sinuman. At ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli ang naghanda ng daan para madaig din ng bawat tao ang pisikal na kamatayan. Ang mga kaganapang ito ay tinatawag na Pagbabayad-sala. Sa madaling salita, iniligtas tayo ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan. Dahil diyan, siya ang tunay nating Tagapagligtas at Manunubos. Balang-araw magbabalik si Jesucristo upang maghari sa lupa sa kapayapaan sa loob ng isang libong taon. Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at Siya ang ating magiging Panginoon magpakailanman.

Ang Kahalagahan ni Jesucristo sa Amin

Ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at katulad ng sinumang magulang ay nais Niya tayo, na Kanyang mga anak, na maging maligaya. Sa mga banal na kasulatan, itinuro Niya na “ang aking gawain at aking kaluwalhatian [ay] ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang ibig sabihin ng buhay na walang hanggan ay ang mabuhay sa langit, sa Kanyang piling, kasama ang ating pamilya, magpakailanman. Binigyan tayo ng Diyos ng mga utos, na nagtuturo sa atin ng tama at mali at gumagabay sa buhay na magbibigay ng pinakamalaking kaligayahan. Itinuro ni Jesucristo, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ngunit itinuturo din ng mga banal na kasulatan na “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos” (1 Nephi 10:21). Gaano man natin sikaping mamuhay nang mabuti, lahat tayo ay nagkakasala, kaya paano tayo makatatahan sa perpektong kaharian ng Diyos kung hindi tayo perpekto?

Isinugo ng Diyos si Jesucristo sa lupa upang bigyan tayo ng paraan na madaig natin ang ating mga kasalanan at pagkakamali. “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16).

Si Jesucristo ay Nagdusa para sa Atin

Bago pa man nilikha ng Diyos ang mundo, naghanda na Siya ng plano na nagtutulot sa atin na matuto at umunlad sa buhay na ito. Si Jesucristo ang sentro ng planong ito. Ang misyon ni Cristo ay hindi lamang upang turuan tayo tungkol sa Diyos Ama at kung paano tayo dapat mamuhay, kundi upang maglaan din ng paraan para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan. Ang kasalanan ay higit pa sa pagkakamali. Kapag nagkakasala tayo sinusuway natin ang mga utos ng Diyos o hindi tayo kumikilos nang tama kahit alam natin ang katotohanan (Santiago 4:17).

Bago Siya ipinako sa krus, nanalangin si Jesus sa Diyos sa Halamanan ng Getsemani alang-alang sa atin. Ang pagdurusa ni Cristo sa Getsemani at sa krus sa Kalbaryo para sa ating mga kasalanan ay tinatawag na Pagbabayad-sala. Nagdusa Siya para sa atin upang tayo ay malinis at makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ang “mabuting balita” ng pagsasakripisyo ni Cristo para sa atin, na nagbigay-daan para makabalik tayo sa Ama. “Kaya nga, anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo, upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8).

Pananampalataya kay Jesucristo

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nag-aakay sa amin na gumawa ng mabubuting bagay. Itinuturo ng Banal na Biblia, “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog” (Santiago 2:20). Hindi ito nangangahulugan na maliligtas tayo ng mabubuting gawa, dahil walang mabubuting gawa na makapaglilinis kahit ng bahid ng kasalanan sa ating kaluluwa nang walang kapangyarihan ng sakripisyo ni Cristo. Ngunit yaong mga tunay na nananampalataya kay Cristo ay nanaising sundin Siya at gawin ang mga ginawa Niya, tulad ng pagtulong sa mga maralita at nangangailangan, pangangalaga sa maysakit, pagbisita sa nalulumbay, at pagpapakita ng kabutihan at pagmamahal sa lahat ng tao.

Kapag sinunod natin ang Kanyang halimbawa at namuhay tayo ayon sa Kanyang mga salita, madarama nating lumalago ang ating pananampalataya hanggang sa maging aktibong puwersa ito sa ating buhay, na tumutulong sa atin na pagsisihan ang ating mga kasalanan at harapin ang ating mga pagsubok. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay hindi isang simpleng pagpapahayag ng paniniwala—ito ay pinagmumulan ng kapangyarihang mapaninibago natin araw-araw sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita, pagdarasal, at higit na pagsisikap na sumunod sa Kanyang halimbawa.

Pagsisisi

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagtutulak sa atin na mamuhay nang mabuti. Kapag tayo ay nagkasala at hangad nating magsisi, natatanto at nadarama natin ang matindi at taos-pusong kalungkutan dahil sa nagawa nating mali. Naunawaan ng Diyos nang likhain Niya ang daigdig na hindi tayo magiging perpekto, kaya gumawa Siya ng paraan para madaig natin ang ating mga kasalanan. Ang kakayahang magsisi ay tunay na isa sa ating pinakadakilang mga pagpapala.

Para makapagsisi kailangan nating aminin at pagsisihan ang nagawa nating mali, gawin ang lahat para maituwid ang pagkakamali, at talikuran ang ating masamang pag-uugali. Maaaring mahirap magsisi at kailangan dito ang lubos na katapatan, ngunit ang kagalakan at kalayaang nadarama natin kapag tinalikuran natin ang ating mga kasalanan ay sulit na pagsikapan. Dahil nagdusa si Cristo para sa ating mga kasalanan, maaari tayong mapatawad kapag nagsisi tayo. Kaya nga napakahalaga ng Pagbabayad-sala sa ating lahat.

Naniniwala kami na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay nagbibigay-kakayahan sa atin na magsisi at malinis mula sa kasalanan. Ang sabihing kailangan nating magsisi sa ating mga kasalanan ay maaaring parang isang parusa, ngunit ang tunay na parusa ay ang panunurot ng budhi, kalungkutan, at kabiguang nadarama natin kapag nagkakasala tayo. Kung gayon, ang pagsisisi ay kabaligtaran ng parusa dahil tinutulutan tayo nitong maging malinis sa mga mata ng Diyos at mapawi ang panunurot ng budhi na kasunod ng ating mga maling pagpili.

Binyag

Ang binyag ay isang pangako o tipan na ginawa namin upang sundin si Jesucristo habambuhay. Nang magkaroon kami ng pananampalataya sa Kanya at nagsisi sa aming mga kasalanan, isang tao na may awtoridad ng Diyos na magbinyag ang naglubog sa amin sa tubig at nag-ahon din sa amin. Ang ordenansa o seremonyang ito ay nagpapahiwatig ng libing at muling pagsilang, na sagisag ng pagwawakas ng dati naming buhay at pagsisimula ng bagong buhay bilang disipulo ni Jesucristo.

Nang binyagan kami, tinaglay namin ang pangalan ni Cristo. Bilang mga Kristiyano, hinahangad naming sundin Siya sa lahat ng aspeto ng aming buhay. Si Jesus ay bininyagan noong narito Siya sa lupa. Iniutos Niya sa atin na sumunod sa Kanyang halimbawa at magpabinyag (tingnan sa 2 Nephi 31:12). Nangako Siya na kung susundin natin ang Kanyang halimbawa at tutuparin ang mga pangakong ginawa natin nang mabinyagan tayo, gagabayan tayo ng Kanyang Espiritu habang tayo ay nabubuhay. Dahil ang Ama sa Langit ay isang makatarungan at mapagmahal na Diyos, lahat ay may pagkakataong tanggapin si Jesucristo sa pamamagitan ng binyag, kung hindi man sa buhay na ito ay sa kabilang-buhay.

Nang mabinyagan na si Jesus, isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod” (Marcos 1:11). Naniniwala kami na lubos ding nalulugod ang Diyos kapag pinipili ng bawat isa sa atin na sundin ang Kanyang Anak at magpabinyag. Nakikita Niya ang lahat ng ginagawa natin, kilala tayo sa pangalan, at nais tayong maging malinis para makabalik tayo sa Kanyang piling.

Ang Kaloob na Espiritu Santo

Noong narito si Jesus sa lupa, sinabi Niya sa isang lalaking nagngangalang Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). Matapos kaming “ipanganak ng tubig,” o mabinyagan, maaari kaming “ipanganak … ng Espiritu” sa pamamagitan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Isang taong may awtoridad ng Diyos ang magpapatong ng kanyang mga kamay sa aming ulo at magbibigay sa amin ng kaloob na Espiritu Santo (Mga Gawa 8:17). Ang seremonyang ito ay tinatawag na kumpirmasyon. Ang Espiritu Santo ay isang Espiritu. Siya ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Kapag tinanggap namin ang kaloob na Espiritu Santo at namuhay nang may pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos maaari Siyang mapasaamin sa tuwina. Tinatawag namin itong kaloob dahil ang Espiritu Santo ay ibinibigay sa amin mula sa Diyos upang gabayan kami kapag naharap kami sa mahihirap na desisyon, pinapanatag kami kapag kami ay nalulungkot, iniimpluwensyahan ang aming isipan at damdamin, at tinutulungan kaming malaman kung totoo ang isang bagay. Ang uring ito ng banal na tulong ay nagpapaalala sa amin na mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin at nais tayong tulungan sa mga problema natin sa buhay.

Patuloy na Pamumuhay Bilang Kristiyano

Ang pakikipag-ugnayan kay Jesucristo ay katulad ng iba pa—magsisimula itong maglaho kung hindi tayo makikipag-ugnayan. Kailangan nating pagsikapang magkaroon ng sapat na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi, magpabinyag, at matanggap ang Espiritu Santo, at kailangan nating magpunyaging sundin si Cristo para matanggap ang lahat ng pagpapalang nais ibigay sa atin ng Diyos.

Ang susi ay ang isipin ang ebanghelyo ni Jesucristo bilang huwaran ng pamumuhay, sa halip na mga hakbang sa isang checklist. Maaari tayong patuloy na sumampalataya kay Cristo araw-araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan at pagdarasal sa ating Ama sa Langit. Kapag tayo ay nagkasala, maaari tayong magsisi nang may mapagpakumbabang puso sa tuwina dahil walang katapusan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari nating alalahanin ang mga pangako at pagpapala ng binyag sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakramento tuwing Linggo sa simbahan. Maaari tayong patuloy na umasa sa pag-aliw at patnubay ng Espiritu Santo habang inaakay niya tayo pabalik sa Diyos.

Kung minsan, kahit ginagawa na natin ang lahat para sundin ang halimbawa ni Cristo, magkakaroon pa rin tayo ng mga balakid na magdudulot ng kalungkutan, kabiguan, at maging ng kawalang-pag-asa. Marami sa mga bagay na nagpapalungkot sa ating buhay ay hindi dulot ng kasalanan. Halimbawa, ang pagkamatay o pagkakasakit ng mga mahal sa buhay, problema sa trabaho, o hirap ng pagbuhay sa pamilya ay maaaring maghatid ng mga hamon at sama ng loob. Sabi ni Jesucristo, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28). Kapag handa na tayong bumaling sa Kanya, madarama natin ang Kanyang pagmamahal. Ito ang isa pang kabutihan ng patuloy na pagiging Kristiyano—kapag lalo pa tayong lumalapit kay Jesucristo, higit nating natatanto na nalalaman ng Diyos ang ating kagalakan at kalungkutan. Mapapanatag tayo sa katotohanan na ang Diyos ay may plano ng kaligayahan para sa atin. Sa tulong ni Cristo masaya nating maisasakatuparan ang planong iyan at makababalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit. Binibigyan tayo nito ng mas malawak na pananaw at tinutulungan tayong humarap sa mga hamon ng buhay.